[40] Dawn of the Crowning Ceremony

6K 206 57
                                    

EPISODE 39
Dawn of the Crowning Ceremony

Naglalakad si Verdandi sa grounds ng Academy ng mag-isa. Di niya maalala kung bakit siya naglalakad doon, ngunit maya-maya pa'y napansin niyang siya lang pala ang nag-iisang naglalakad doon. Nagtaka siya. Nasaan ba ang mga tao dito?

Nagsimula siyang tumakbo para maghanap ng kahit sinong tao. Pero wala talaga siyang makita. Wala siyang nakasalubong sa daan, wala siyang nakitang mga estudyanteng nagtatambay sa mga damuhan, at nang makarating siya sa malapad na damuhang malapit sa lake ay wala din siyang naaninag na kahit sino. Malamlam ang sinag ng araw, at para bang nagbabadyang umulan. Tinanaw niya ang kastilyo. Wala din siyang makitang kahit sino mula roon.

"A-anong nangyayari?" bulong niya sa sarili. Nagsimula niyang tawagin ang mga pangalan ng mga kaibigan ngunit tanging echo lamang ang sumasagot sa kanya. Nagsimula na siyang kabahan. Di kaya iniwan na nila akong lahat?

Napatingin siya sa payapang lawa. At nabigla siya sa nakita. May isang silya roon ang nakalutang sa ibabaw, at doon ay may nakaupo na lalaking nakatalikod mula sa kanya. Pamilyar kay Verdandi ang lalaking ito. Ang magulo at kulay pilak nitong buhok, ang malapad nitong katawan na laging nakayuko, at ang tungkod sa harapan nito.

"L-lolo Omeng?" bulong niya na napahinto ang puso. "L-lolo Omeng, i-ikaw po ba talaga iyan?"

Lumingon ito ng bahagya sa kanya at ngumiti--ngunit di niya makita ang mga mata nito.

Napangiti sa tuwa si Verdandi at tinakbo ang kinaroroonan nito. "Sabi ko na't ikaw 'yan eh!"

Matagal na niyang di nakikita ang kanyang pinakamamahal niyang lolo, at sa wakas ay natupad na rin ang kanyang hiling na makasama ito. Tumakbo siya papunta rito at inabot naman nito ang kanyang kamay. Nang napahinto siya sa gilid ng lawa ay napatigil siya at naisip paano tatawirin iyon. Ngunit tumango lang sa kanya ang kanyang lolo kaya naisipan niyang iapak ang kanyang mga paa doon--at nagulat siya nang matuklasang hindi iyon lumulubog sa tubig. Nakita niya sa madilim na tubig ang kanyang repleksyon--ang batang siya.

Umapak pa siya ng isa pang beses. Isa pa. At isa pa. Hanggang sa matuwa siya nang malamang nakakalakad nga siya sa tubig. Ngumiti siya sa kanyang lolo at siya rin dito. Tumakbo siya papunta sa kinaroroonan nito, at nang handa na niyang abutin ang kamay na inilahad nito sa kanya ay saka naman ito nagsalita: "'Yan ang nangyayari sa mga taong lubos kung magtiwala."

Nagulantang siya sa sinabi nito at napatingin lang siya dito--nawala ang mabait nitong ngiti at sa halip ay napalitan ito ng ngising malapad. Nadulas ang kanyang kamay at biglang lumubog ang kanyang mga paa. Napasigaw siya ngunit huli na nang mapagtanto niyang mahuhulog na siya sa malalim at madilim na tubig lawa. Humingi siya ng tulong ngunit nanaig ang malakas na pwersa ng tubig at hinihigop siya pailalalim. Nang tuluyan siyang lumubog ay mas lalo siyang nagulat nang matuklasang nakakahinga siya sa ilalim ng tubig.

Nilangoy niya ang tubig at sa kanyang pananatili roon sa ilalim ay napasinghap siya sa nakita. Ang mga kaklase at guro niya ay nakalutang roon--walang malay at maputla. Pilit niyang inaabot lahat ng mga nakakasalubong niya ngunit lumalayo lang ang mga katawan nito sa kamay niya. Bumula ang tubig sa ilalim ng hininga niya nang pilit niyang hulihin ang papalayong katawan ng isang taong kilalang-kilala niya pero di niya marekognisa ang mukha.

"Tulungan mo ako, Verdandi."

Napalingon siya sa likod nang marinig ang pamilyar na boses na iyon. Lumingon-lingon siya sa ilalim ng tubig ngunit wala siyang maaninag na kahit sino maliban sa mga kagamitan at mga katawang inaagos ng tubig ilalim. At sa malayo, isang silweta ng isang estudyante ang nakita niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ito. Inabot nito sa kanya ang kamay at lumangoy siya papunta rito--ngunit bago pa man siya makalapit ng tuluyan ay higit sampung kamay na ang yumakap dito at hinila ito papunta sa kadiliman. Sumigaw ito at pati na rin siya ay napasigaw, ngunit dali-daling pumasok ang tubig sa bibig niya at nauubusan siya ng hininga. Madali niyang nilangoy ang ibabaw ng tubig at inabot ang malamlam na sikat ng araw. Nang makaahon siya ay tumayo ulit siya sa ibabaw ng tubig. Ngunit wala na siya sa lawa sa harapan ng kastilyo. Naroon na siya nakatayo sa bukana kung saan nakatayo ang dalawang tore. Ang baybayin ng Minora City. Ang Pillars of Hercules.

Napakunot-noo siya nang muling marating ang lugar na iyon. Nakaharap siya sa bukana kung saan pumapasok ang mga barko. Paano ako napunta dito? aniya sa sarili. Napatingin siya sa paligid at nakita ang matatayog na toreng nagsisilbing haligi roon. At napatingin din siya sa ilalim niya.

Doon ay nakita niyang muli ang nakalubog na higanteng pigura ni Herakles Kastamerr. Ngunit sa halip na nakadipa na para bang pinipigilang mag-umpugan ang dalawang tore,  ay nakaupo ito sa isang bato na hugis trono. Pinagmasdan niyang mabuti ang nilulumot na estruktura na iniisip kung bakit nagbago ang posisyon nito. Nang kasabay ng biglang paghangin ng malakas at paglakas ng alon ay tumingala ang walang buhay nitong mukha sa kanya. "Laman ng aking laman," anito sa nakakapanindig-balahibong boses.

Napasinghap siya at natumba sa ibabaw ng tubig. Tumayo siya at nagsimulang tumakbo papalayo. Kumakabog ng malakas ang dibdib niya.

"Dugo ng aking dugo," anito pa at naramdaman niya ang pagtayo ng estatwa sa ilalim ng dagat. Napaluha siya sa takot ngunit nagpatuloy siya sa pagtakbo. Lumalaki at lumalakas ang hampas ng tubig. Takbo naman siya ng takbo. Ngunit nadapa siya at nagsimula na namang lumubog sa tubig. Hindi!

"Tinatawag ka na ng iyong hari," tuwang-tuwang sabi nito. Tuluyan na siyang nahulog sa dagat at sinikap na makalangoy. Ngunit tumataas din ang tubig at nalamon din siya nito. Napalingon siya sa estatwa at nakita niyang nakatingin ito sa kanya. "Halika na, aking kiltheia."

Nanlaki ang mga mata niya nang inabot ng malalaking kamay nitong gawa sa bato ang nagpupumiglas niyang mga paa at binti. Hinihigop siya ng malakas na pwersa ng tubig at dinadala sa kinailaliman hanggang sa kapusan na siya ng hininga.

"HAAAHHH--!"

Napasinghap si Verdandi nang maimulat ang mga mata at agad napabangon mula sa kanyang kama. Malakas pa rin ang kabog ng puso niya na para siyang galing sa mahabang pagtakbo. Basang-basa din siya na para bang binuhusan siya ng tubig.

Napatingin siya sa paligid at nakitang nasa kanyang dorm room pa rin pala siya. Napabuntong-hininga siya nang mapagtantong panag-inip lang pala iyon. Napalinga-linga siya sa paligid at nakitang wala na palang tao roon maliban sa kanya. Napatingin siya sa orasan at nagulat siya nang makitang mag-aalas syete y media na!

Agad siyang napabangon mula sa kama para ihanda ang sariling mga gamit para sa pagpasok. Bakit di nila ako ginising! aniya sa sarili na halos magkandapa-dapa na sa paghahanap ng uniporme. Bakit ba kasi antagal ko rin nagising? Kinuha niya ang tuwalya at tatakbo na sana papuntang paliguan nang marinig niya ang steady na paghiwa ng kutsilyo.

Sumilip siya sa bahagyang bukas na pantry at doon niya nakita si Azrielle na mahinahong naghihiwa ng pipino. Napakunot-noo siya na natigilan. Napansin siguro nitong naroon siya ay napalingon ito na nakangiti.

"O, ikaw pala 'yan Verdandi," anito sa kanya. Nang di siya sumagot at patuloy lang na nakatitig dito ay natawa ito. "O? Ba't parang nakakita ka ng multo?"

"B-buhay kayo," bulong niya nang wala sa sarili. Si Azrielle naman ang mukhang naguluhan sa sinabi niya. "Ah--ang ibig kong sabihin, wala bang pasok ngayon?"

Umiling ito. "Ah, wala. Nakalimutan mo na bang walang pasok ngayon? Tsaka hindi ka pwedeng maligo sa kasilyas ngayon, walang tubig dahil may inaayos sa mga tubo. Aabutin pa ng ilang oras bago bumalik ang tubig sa mga dorms," ani Azrielle sa kanya. Napabuga naman siya ng hangin at pumasok sa pantry. "Putlang-putla ka. Binangungot ka, 'no?"

"Oo eh," aniya na natatawa kahit di pa rin mawala ang kaba niya sa napanaginipan niya kanina. "Halata ba masyado? Paano mo nalaman?"

"Palagi akong may ganyan, kaya alam ko," tahimik lang na sabi nito.

Nagkaroon ulit ng katahimikan sa pagitan nila ni Azrielle. Nilapag niya ang tuwalya sa isang bangko doon at tiningnan ang ginagawa nito. Naghahanda nga ito ng pagkain. May mga supot ng tinapay at basket doon, keso, mayonaise at hamon na naroon. May basket pa. "Anong meron?" tanong niya.

"Wala lang, gusto ko lang din kumain sa baba at i-enjoy ang magandang sikat ng araw," nakangising sabi nito.

Tiningnan lang niya si Azrielle. Ngayon lang niya napansin na kahit madalas itong ngumingiti, iba ang ekspresyon na pinapakita ng mga mata nito.

Malalim, madilim at napakamisteryoso.

Kumuha siya ng tubig at uminom ng marami dahil pakiramdam niya ang tuyo ng lalamunan niya. "Nandoon sina Emi, Dardy, Sean at Hapi sa baba. Gigisingin nga kita kanina pa eh, kaya lang mukhang ang himbing ng tulog mo. Pero sa itsura mo ngayon para kang hinabol ng mga zombies."

Natawa na lang din siya sa sinabi nito at natahimik ulit. Sa bintana, sumisilip ang sikat ng araw at dinig na dinig ang mga masasayang boses ng mga estudyante sa labas. Patuloy pa rin sa paghihiwa sa mga gulay si Azrielle kaya nagrepresenta na siyang tulungan itong ayusin ang mga sandwiches.

"Azrielle," basag niya sa katahimikan bigla. "Si--Herakles Kastamerr, m-may pamilya ba siya?"

Napasulyap ito sa kanya. "Huh? Bakit mo naman biglang natanong 'yan?"

"W-wala lang. P-pero meron ba? K-kung meron, s-sino?"

Nagkibit-balikat ito. "Sa pagkakaalam ko, wala. Ulilang lubos si Herakles Kastamerr at 'yung mga ninuno niya ay patay na lahat bago pa man siya umakyat sa kapangyarihan. Wala siyang pinakasalan. May naging parang kinasama siyang babae dati, pero imposibleng magkaanak sila niyon."

"Bakit naman?"

"Isang Gorgon ang babaeng iyon, at ni-resurrect lang siya gamit ang isang sumpa," anito. "Pero kahit na ganoon, duda akong minahal siya ni Kastamerr. Kilala si Kastamerr bilang baliw at walang minahal kundi ang sarili nito. Ako naman ang magtatanong. Bakit mo biglang natanong 'yan first thing in the morning?"

Bigla siyang kinabahan at tinuon ang atensyon sa pagpapalaman sa mga sandwiches. Pero mariin na nakatingin sa kanya si Azrielle. "W-wala lang. Pero kasi, napanaginipan ko siya. S-siya naman siguro iyon--di ko nakita ang mukha niya o itsura niya. Pero wala namang estatwa doon sa bukana ng Minora City kundi sa kanya lang."

Kinwento niya kay Azrielle ang nangyari sa panaginip niya. Tahimik lamang itong nakikinig hanggang sa matapos siya. "At tinawag ka niyang 'kiltheia'?" anito.

Tumango siya. "D-diba sa ancient Atlantian, 'anak' ang ibig sabihin niyon?"

"Oo," kaswal na sagot naman nito. "So anong iniisip mo, na baka konektado kayo o kamag-anak kayo ng taong iyon?"

Kahit nag-aalangan ay tahimik siyang tumango.

"Paano mo naisip 'yan? Unless na lang kung--nagdududa ka ba sa mga magulang mo? Iniisip mo ba na baka ampon ka lang nila?" anito na parang natatawa.

"H-hindi naman sa ganoon pero--" aniya na nahihiya ng kaunti. Kinalikot niya ang mga daliri. "Hindi naman talaga. P-pero, hindi ko lang maiwasan maisip na baka ganoon na nga. Alam mo naman ang tungkol sa pamilya ko, diba?"

"Uh-huh."

"'Yung lolo ko, namatay dahil sa isang a-aksidente sa dagat--at partly kasalanan ko kung bakit," aniya. "'Yung tatay ko, di naman siya palakwento. Ang d-dalawang kapatid ko, manang-mana sa kanya. A-ang nanay ko naman--alam mo namang di maganda ang naging samahan namin diba? D-di ko naman alam kung bakit galit siya sa akin palagi. Nagtataka lang ako bakit sa lahat sa aming magkakapatid, sa akin lang siya ganoon. D-di ko naman kasi talaga alam eh, k-kasi nakilala ko lang siya noong nag five years old na ako. A-alam mo namang nawala siya ng ilang taon, diba? Pagkapanganak niya daw sa akin, n-naglayas lang daw siyang bigla. Ewan ko kung totoo iyon, pero palagi niya namang sinasabi sa akin na di raw niya ako anak. Pero matagal na 'yon. Mula noong nag-away sila ni Lolo dahil sa akin, noong sinigawan niya si mama, di na niya sinabi ang bagay na iyon. N-noon ko lang nakita na may kinatakutan si mama ng ganoon. Mahal ko naman sila mama at papa eh, pero di ko lang maiwasang magtaka. Normal naman ang pamilya ko, pero sa mga nangyayari ngayon, di ko maiwasang magtanong. Tsaka, ngayon nalaman ko 'yung 'bagay' na nasa akin--iniisip ko na baka nga may hindi sila sinabi sa akin--"

"Na baka nga ampon ka lang?" pagpapatuloy ni Azrielle sa sasabihin niya. Napatango na lang siya. "Sige, kung halimbawa nga totoo na ampon ka lang, sino sa tingin mo ang posibleng mga magulang mo?"

"Di ko alam," kumpisal niya. "Pero di ko lang talaga maiwasang maisip 'yong sinabi ni Kastamerr sa panaginip ko. P-paano kung, paano kung--?"

"Anak ka niya?" ani Azrielle na tiningnan siyang maigi. Marahan siyang napatango. Umiling lang din si Azrielle at tinapik ang mukha niya. "Ano ka ba? Imposibleng mangyari iyon. Nabuhay si Herakles Kastamerr higit pitong daang taon na nakakalipas. Lahat din ng mga kadugo niya ay pinatay ng High Council nang matalo siya sa digmaan noon. Pero di ko naman sinasabing invalid ang mga naiisip mo. Pero--di kaya masyado ka lang nag-aalala?"

Napatingin siya dito na medyo nagulat. "Paanong--?"

"Nakita ko 'yung librong hiniram mo sa library. Naiwan mo kasi sa upuan mo sa classroom, kaya dinala ko na lang dito sa dorm," anito na ikinapamula ni Verdandi. Nakita pala nito ang pinagkakaabalahan niya. "Binabasa mo 'yung libro tungkol sa mga Vascilluxes na may kakaibang psychuses, sa pagbabakasakaling may mahanap kang taong may kagaya mo? 'Yung taong walang psychus ability, pero sagana ang psychus energy reserve sa katawan? Tapos sa kasamaang-palad, iisa lang ang nakita mong taong may sitwasyon na katulad ng sa'yo--si Herakles Kastamerr, tama? Nalaman ko lahat iyon dahil tinupi mo ang pahina kung saan nabanggit si Herakless Kastamerr. Iniisip mo 'yun masyado kaya lumabas na sa panaginip mo."

"Pasensya na sa mga pinagsasabi ko--alam ko naman talagang walang basehan iyon eh, ang pag-iisip na baka ang tanging rason kung bakit ako may ganito eh baka nakuha ko 'yun sa ibang tao," aniya na napakamot sa ulo. Natawa siya at ngumiti lang si Azrielle na naiiling.

Nilagay niya sa iisang basket ang mga natapos na sandwiches at naghugas ng kamay. Inihain naman ni Azrielle ang niluto nitong salad. Nagkwentuhan pa sila ng ibang bagay at unti-unti na ring nawawala sa isip niya ang bangungot niya.

"Eh ikaw pala, Azrielle, nasaan na ba ang pamilya mo? Magkwento ka naman tungkol sa kanila," masayang sabi niya dito. Dinig niya ang paglagaslas ng tubig habang hinuhugasan nito ang kutsilyo.

"Ah. Patay na sila."

Natigilan naman siya sa sinabi nito at napatingin sa nakatalikod nitong pigura. "P-patay na sila? Mga magulang mo?"

"Uh-huh."

"Eh, a-ang mga kapatid mo pala?"

"Sila din."

"Eh, lolo? Lola? Tiyo, tiya?" aniya. "M-medyo imposible naman siguro na wala kang kahit sinong kamag-anak na nabubuhay kahit saan, diba? Maliban na lang kung lumaki ka sa bahay ampunan?"

Kahit di ito nakaharap sa kanya ay nakita niya ang pagngiti nito.

"'W-wag mong sabihing--lumaki ka sa bahay ampunan?" aniya na hindi makapaniwala. Nag-"uh-huh" lang ulit ito. "Talaga? Akala ko, may pamilya kang inuuwian sa Morgor world?"

"Ah, sila ba? Foster family ko lang sila--pero noon iyon."

"'Noon'? So, ngayon hindi na? Anong nangyari?"

"Inatras nila ang adoption, wala daw silang pera. Pero okay lang 'yon. For the record, sila na ang eleventh family na nagpatira sa akin, kaya di na ako nagulat, haha--!"

"Ganoon ba?" aniya. "P-pasensya na, di ko alam. Kung ganoon, hindi mo talaga nakilala ang pamilya mo?"

"Hindi, nakilala ko sila. Nakasama ko pa sila ng ilang taon, bago sila pinatay," anito sa neutral na tono. Nanlaki naman ang mga mata niya sa sinabi nito. Para siyang namanhid sa pagkabigla. Inayos naman ni Azrielle ang mga pagkain at inumin nila, saka ito lumingon sa kanya na nakangiti. "Ano, tara na? Mamaya ka na maligo, magpunas ka na lang muna. Kanina pa tayo hinihintay nila doon sa baba."

Ilang minuto pa ang nakalipas ay nakababa na sila ni Azrielle dala-dala ang mga pagkain. Nandoon nakatambay ang mga kaibigan nila sa isang maliit na gazebo na ginawa nilang tambayan. Malapit iyon sa kakahuyan kung saan nananahanan ang maraming fairies,  pixies, pucks, gnomes at 'dryads' o mga wood nymphs. Nadatnan nilang nag-eespadahan sina Emi at Dardy--pupusta siyang hinamon na naman ng una ang huli na labanan ito.

"Ano ba, Dayome, magseryoso ka naman!" ani Emi na tinutok ang hawak na wooden spear sa lalaki. Natawa lang si Dardy at pinulot ang sariling espada. "O baka naman iniisip mong dahil babae ako sinasadya mong magpatalo, huh? 'Wag mo akong maliitin."

"Ang hard mo naman, Ems. Gutom lang ako ngayon kaya wala akong masyadong energy, hayaan mo pag nakakain na ako ready na akong maging sparring partner mo, okay?" ani Dardy naman, ngunit nang makita niyang naglalakad sila ni Azrielle papalapit ay laking tuwa nito. "Oy! May pagkain na!"

Natigil naman ang mga ito sa pinagkakaabalahan at nilapag naman nila ang mga dala sa mesa. Agad na tumakbo si Dardy papunta sa kanila at si Emi naman ay nagmamaktol na lumapit. Huminto naman si Sean sa pakikipag-usap sa mga dryads na nasa malapit. Napailing na lang si Verdandi nang humagikgik ang mga magagandang nilalang na 'yon, at naglaho sa loob ng puno. Nilapitan siya ni Sean at pinagtangkaang bigyan daw ng good morning kiss kaya hinarang ni Verdandi na ang isa niyang palad sa mukha nito. Napaatras ito ng de oras.

"Aray!" Habang si Hapi naman ay nakaupo sa sulok ng gazebo, ginugulo ng mga gnomes, at pinaglalaruan ang buhok nitong nangangailangan na ng gupit. Ang mga gnomes ay mga mapagbirong nilalang na halos kasinlaki lang ng kamao ni Verdandi, at may makukunot na balat. Pinaglalaruan ng mga ito si Hapi, habang ang lalaki naman ay pilit nitong binubunot ang mga gnomes mula sa ulo, pero bumabalik lang ito at mas dumadami pa.

"Alis nga kayo," sita ni Verdandi sa mga makukulit na gnomes. Binelatan lang siya ng mga ito at tumawa ng malalakas, at patuloy na tumalon-talon sa ibabaw ng ulo ni Hapi. Inututan pa siya ng isa sa mukha. "Aba, loko ka ah!"

Sa labis na inis ay hinablot niya ng sabay-sabay ang mga ito, at tinapon sa malayo. Nagtawanan lang ang mga kaibigan niya habang sa malayo ay nagtakbuhan ang mga gnomes. Ang kawawang si Hapi naman ay naluluha pa rin sa aksidente niyang pagkakasabunot niya sa buhok nito, kaya para makabawi ay hinainan niya ito ng maraming sandwiches na siyang nireklamo nina Sean at Dardy.

"Teka, napapadalas yata ang pag-te-training mo Emi ah? Kahit walang pasok?" usisa ni Verdandi dito habang masaya silang kumakain.

Asul na asul ang langit at kakaunti lang ang ulap, pero hindi mainit dahil payapang umiihip ang hangin. Ikalawang linggo na ng Nobyembre ngunit kahit na ganoon ay minsan lang pumapatak ang nyebe. Naninibago pa nga si Verdandi dahil lumaki siya sa isang tropical na lugar, at di siya iniiwan ng sipon mula noong Academy festival dahil di siya sanay sa klima.

"Nakalimutan mo na ba, Binibining Verdandi? Sa susunod na buwan na ang opisyal na pagsisimula ang Ceremony of Crowns," ani Emi sa kanya. Namilog naman ang mga mata niya at napatango. "Hindi ko hahayaang magpatalo sa darating na tourneys, at desidido akong maging isa sa dalawang Knight na susumpa sa Queen. Alam kong marami akong makakalaban na magagaling na mandirigma, pero hindi ako magpapatalo kahit babae pa ako. Kaya 'yan ang tandaan mo Dayome! Kahit hindi mo sinasabi, alam kong may balak ka ring sumumpa bilang isang Knight. Nakikita kitang mas maagang gumigising para magsanay kaysa dati--hindi ba?"

Parang nabilaukan si Dardy sa sinabi nito at namula.

"Whoa, talaga?" manghang sabi ni Verdandi sa dalawa. Tumango naman sina Emi at Dardy pareho. "Ang galing! Kung ganoon, parang lahat yata kayo may plano na para sa Ceremony of Crowns. ah. Ganoon ba talaga ka-importante 'yon? I mean, hindi naman kasi ako lumaki dito sa Atlantis pero parang ang laki yata talaga ng impact niyon."

"Actually noon, parang simpleng kasiyahan o tradisyon lang iyon ng mga estudyante dito sa Academy," sabi ni Sean. "Pero hundreds of years ago, people started to put importance on it. Well--dahil lang naman kasi dito, nabubuo ang mga malalaking alyansa sa pagitan ng mga bansa."

"Paano?" usisa niya. "Kapag ba, halimbawa, ang King at Queen ng Ceremony of Crowns, malaki ba ang tsansa na ikakasal talaga sila?"

"Oo," sagot naman ni Sean. "Tapos hindi lang iyon. Madalas din, pinagkakasundo ng mga noble families ang mga anak nila sa isang kasamahan nila sa Crown. May mga narinig akong bishops na pinakasalan ang isang myembro ng Crown, knight at rook na nagkatuluyan--sa katunayan nga 'yung mama at papa ni Hapi magkasama sa iisang batch ng Crown, diba parekoy?"

Binalingan naman nila si Hapi. "Ah, oo. S-si Mama ang Bishop ng batch nila, t-tapos si Papa naman ang rook. S-si Uncle Charles ang knight nila."

"Whoa, ang galing," ani Verdandi naman. "Kaya pala. P-pero kung isa kang commoner, may chance ka bang manalo?"

"Meron naman. Ang totoo niyan, sa pagkakaalam ko, fifty years or so years ago, isang commoner na mula sa Morgor world ang naging King. Tapos ang Queen naman nila ay hindi rin galing sa isang noble family. Isa nga sila sa pinakanaging-successful na batch ng Crown sa Academy," sabi naman ni Dardy. "Ah, sana naman maulit ang kasaysayan at sa pagkakataong ito sa batch naman natin mangyari iyon. Imaginine niyo na lang kung isa kina Bridgit o Lamia o Eurynne ang magiging Queen--magiging kahabag-habag ang susunod na apat na taon."

Nagtawanan lang sila sa sinabing iyon ni Dardy.

"Ah, kung si Dardy at Emi may plano ng lumaban para sa knighthood--kayo, anong plano niyo?" sabi niya sa iba pa. Si Hapi ay tahimik na kinakain ang salad niya. "Ikaw, Hapi? Malaki ang chance mo na maging King, alam mo 'yun?"

Mukha yatang nagulat si Hapi sa sinabi niya at muntik na nitong nabitawan ang tasa nito ng mainit na strawberry milk. "Ah--ah--kasi," anito sa kanya at yumuko. "H-hindi naman bagay sa akin 'yon. Pagtatawanan lang ako ng i-iba."

"Bakit naman nila gagawin iyon?" na-eskandalong sabi niya.

"Verdandi, para namang di ka sanay sa pakikitungo ng ibang tao--lalo na ng ibang nobles kay Hapi," sabi ni Azrielle. Tiningnan ito bigla ni Hapi at umiling ito, pero mariin lang na nakatitig si Azrielle dito at nagpatuloy sa pagsasalita. "Ang totoo kasi niyan, noong isang araw, nagbabasa si Hapi ng isang libro tungkol sa mga nakalipas na henerasyon ng Crowns. Nang makita siya ni Romagna at ng mga barkada nito na galing sa ibang klase na nagbabasa niyon, tinukso na naman siya ng mga iyon."

"Ano?"

"T-tinitingnan ko lang naman eh, tsaka wala naman talaga akong balak na maging King. H-hindi ko naman talaga gustong sumali sa Crown." Napalunok ito. "Tinitingnan ko lang k-kung, kung kailangan ka ba maging malakas para maging isang Bishop."

Nanlaki naman ang mga mata niya na parang sumaya sa sinabi ni Hapi. "Whoa, balak mong manumpa bilang Bishop, Hapi?"

"A-ah, i-iyon lang naman kasi ang posisyon na di ka lalaban sa tourneys at trials," ani Hapi. "T-tsaka, kasi kung hindi lang dahil kay Lola, w-wala naman kasi talaga akong planong sumali. B-baka lang kasi tanungin niya ako kung bakit d-di ko man lang daw sinubukan, t-tapos may mga kaibigan pa naman daw akong mga nobles din at malalakas. P-pero mukha namang di ko rin kakayanin 'yun, kasi maraming matatalino sa Academy, ehehe."

Kinamot na naman nito ulo na namumula. "Ikaw talaga, syempre kaya mo 'yun, no," ani Verdandi. Binalingan naman niya si Sean. "At ikaw? Ano pong plano niyong gawin?"

Tiningnan lang siya ni Sean at ngumiti ng dahan-dahan. Napapikit sandali Verdandi na hinilot pa ang sentido. Andyan na naman ang ngiti nitong nakakabasag ng puri ng iba, aniya sa sarili. Cute na sana, creepy lang.

"Ako ba? Wala," simpleng sagot nito. "Wala akong balak. Pwede naman akong manumpa bilang Knight, pero saka na ako manunumpa kapag nagbago ang isip ni Emi."

"Anong ibig mong sabihin?" ani Emi na nabigla.

"Ah, syempre nagkasundo kami ni Sir Dardy na parehong posisyon ang kukunin namin--each, to his own," makahulugang sabi ni Sean. Nang tumawa si Dardy ay doon naisip ni Verdandi na double meaning ang sinabi nito. "Kaya lang, dahil desidido si Lady Emi na maging isang Lady Knight, sino ba naman ako para pigilan ang pangarap niya? I'm just a poor nobody, who swore to protect and uphold the rights of my friends. And ladies everywhere."

Tumango-tango naman si Dardy pero si Emi parang nagsisimula nang mapikon dahil tinawag itong "lady".

"Pero alam mo, depende pa rin 'yan sa kung sino ang magiging Queen. Kapag may napili ng Queen ang mga Priestesses, doon na ako magdedisisyon," ani Sean. Bigla na namang sumulpot ang mga dryads sa likuran ng gazebo at naghahagikgikan na parang mga teenagers. Binigyan pa nila ng flying kiss si Sean. Kumaway lang ito sa mga dryads, bago binalik ang tingin sa kanya. "But, if ever you'll become the Queen, dear Verdandi, baka pag-isipan kong lumaban para maging King. Pero seryoso. Kami tinatanong mo kung anong gagawin namin, ikaw pala, anong plano mo?"

Kahit medyo inasahan niya na iyon, ay hindi naman niya alam kung isasagot niya. "A-ang totoo niyan, di ko alam eh. D-di ko naman kasi alam kung--magtatagal ako dito eh."

"Naman, Verdandi! Hanggang ngayon ba iniisip mo pa rin 'yan? Syempre naman, opisyal ka ng estudyante dito no," ani Dardy.

"Pero, hindi ko naman alam, hanggang kailan eh," aniya na nalungkot ulit. "Tsaka, kung sakaling magtagal ako dito, sa dami ng malalakas sa Academy, malabo akong makakuha ng position sa Crown, kahit sa Court lang. Di naman ako ganoon katalino, di rin ako malakas, tapos wala akong espesyal na abilidad. Kahit saan mo tingnan, malabo pa rin akong makapasok doon."

"Hindi mo man lang ba susubukan, Binibining Verdandi? Maaga pa para sabihin mong hindi mo kaya," tanong ni Emi.

Natahimik sila sa sinabi nito kaya napaisip si Verdandi habang nginunguya ang sandwich. Masyado nga yata siyang nababahala sa mga bagay na di pa nangyayari o di naman talaga mangyayari. Masyado din yatang maaga para sabihin niya iyon. Di naman niya alam kung sinu-sino ang bubuo sa Crown ng kanilang batch. Pero naisip din niya. Paano nga kung magtatagal siya sa Atlantis at doon talaga ang tadhana niya? Sa mundong ito kung saan importante ang mga alyansa at kaibigan, baka nga kailangan niyang pag-isipan na lumaban para mapasali sa Crown? Kung sakali lang naman...

"Titingnan ko lang siguro, k-kung nandoon kayo, tsaka kung kakayanin ko kahit sa court lang, bakit hindi? Tsaka--sabi ni Hapi, di naman kailangan ang lumaban sa mga swordfights ang mga gustong manumpa bilang Bishop. Naisip ko lang, hehe," aniya na nahihiyang napangiti. Naghiyawan naman ang iba pa. Tinapik naman siya ni Emi sa may balikat.

Napuno ulit ng usapan at kwentuhan ang paligid, hanggang sa napatingin si Verdandi kay Azrielle.

Tahimik lamang itong kumakain at may binabasa na kung anong maliit na papel. Nakadapo si Caramel sa balikat nito. Si Caramel ay ang alaga nitong ibon na light brown ang kulay at ginagamit ni Azrielle para maghatid ng sulat at kumuha ng kung anu-ano--pero madalas, abubot at basura lang ang dala nito. Pinapakain ni Azrielle ng bread crumbs ang maliit na ibon gamit ang kanang kamay, at hawak naman nito ang isang papel sa kabila.

"Ano 'yan, Azrielle?" usisa niya sa kaibigan. Sinilip nila ang papel na hawak ni Azrielle.

Napasinghap na hinablot naman 'yon ni Emi. Nilapag naman ni Emi sa mesa ang makulay at mabangong papel. Pumalibot naman iyon sila sa mesa para tingnan ang nakasulat sa papel. "Teka, anong ibig sabihin nito? Saan mo nakuha ang impormasyong ito?" ani Emi kay Azrielle.

"Tanungin mo si Caramel saan niya nakuha ang sulat na 'yan," sabi ni Azrielle. Bumaling si Azrielle sa ibon at hinimas ang likod ng ulo nito.

"Oy, Carmelito, tumatambay ka na naman ba sa bintana ng opisina ni Professor Fryggandor?" tanong ni Dardy na nilapit pa talaga ang mukha. "How, how did you get this?"

Tiningnan lang ng ibon si Dardy at pinagtutuka sa may buhok kaya napaatras si Dardy. "Aray--Caramel--ano ba--Carameeel!"

"Seryoso ba 'to? Pinadalhan ng sulat ni Lamia ang mga professors tungkol sa Ceremony of Crowns?" ani Emi na naikuyom ang kamao at nailukot ang papel dahil doon. Nagulat na lang si Verdandi na nagkapiraso-piraso iyon sa loob ng kamay ni Emi at nagsihulugan sa sahig. Namumula sa galit si Emi at mukhang lumalabas ang malakas na psychus nito. "Sinisigurado niya talagang manalo sa Ceremony, huh? Di maganda 'to, Azrielle. Alam mong hindi! Kapag si Lamia ang naging Queen, at si Kai ang maging King--at ang mga alipores nila ang bubuo sa Council, katapusan na ng buong kontinente! Azrielle--kailangan may gawin tayo!"

Natahimik naman silang lahat na naroroon, pati si Caramel ay tumigil na sa kakatuka kay Dardy. Pero sinunggaban naman nito si Hapi na nanahimik lang sa gilid. Napabaling si Verdandi mula sa komosyong ginagawa nina Dardy, Hapi at ng malaking ibon, papunta kina Azrielle at Emi. Nakatayo ngayon si Emi nito habang si Azrielle ay tahimik lang na kinakain ang kanyang tinapay.

"Kalma lang, Emi," ani Azrielle sa neutral na boses. "Wala namang nagbago. Ano naman ngayon kung manalo sila Lamia?"

Mas lalong kinuyom ni Emi ang kanyang kamao. Kahit hindi alam ni Verdandi pero nagtataka siya ng kaunti sa kinikilos ni Azrielle. Tiningnan niya si Sean. Nakikinig ito sa usapan nina Emi ngunit parang wala lang dito ang nangyayaring tensyon sa dalawa. Sa katunayan, tumatawa pa nga ito sa kaguluhan nina Caramel sa labas ng kubo.

"O-oo nga Emi," singit naman ni Verdandi. Hindi naman sa pangingialam, pero nag-aalala siya at baka talagang mag-away na ang dalawa. "H-hindi naman siguro ganoon ka-big deal kung sina Lamia ang manalo sa Ceremony, diba?"

Binigyan siya ni Emi ng tingin na parang may nasabi siyang mali. "Hindi malaking problema, huh?" malamig na sabi ni Emi sa kanya. Napaatras siya ng konti na napakunot-noo. "Kung para sa inyong mga tagalabas ay hindi problema 'yon, pwes, sa aming mga taga-Atlantis malaking problema iyon! Lalo na kung hindi naman kami pinanganak na mga maharlika o may titulo--!"

Tagalabas... Nabagting ang tainga ni Verdandi nang marinig iyon. Natahimik din sina Hapi, Dardy at Caramel at tumigil sa pag-aamok sa labas.

"T-teka lang, Emi--" ani Verdandi.

"Hindi ko naman inaasahan na maiintindihan niyo ang kalagayan namin eh," sabi pa ni Emi. Nakayuko ito at hinawakan ng mahigpit ang pinakamalapit na haligi. "Kayo, kahit sabihin pang paalisin kayo dito ni Agamemnon King-Croix dahil mga Morgor-borns kayo, kung magugunaw man ang kontinenteng ito, may uuwian pa kayong mundo. Maaari pa kayong bumalik sa mundo ng mga morgor. Kayo, kung magkakaroon man ng malawakang digmaan sa pagitan ng mga bansa, mas may tsansa kayong mabuhay kayo dahil pinanganak kayong maharlika. Poprotektahan kayo ng libo-libo niyong mga sundalo at kabalyero!"

"Emi..." tawag ni Hapi sa kaibigan. Tahimik lang si Sean sa gilid na, maliban kay Hapi ay isa ding prinsipe. Napansin niyang nanginginig na pala si Emi.
"Pero kami? Kami, na mga ordinaryong tao lang--kami na walang espesyal na katayuan sa buhay at walang pupuntahan kung sakaling magkaroon ng digmaan--anong gagawin namin, huh? Anong gagawin namin? Ano?!" ani Emi sa nanginginig na boses. Nabigla naman si Verdandi nang makitang lumalagaslas na pala ang luha sa mga mata ni Emi. Hinawakan nito si Azrielle sa magkabilang balikat. "Kahit sabihin pang vascillux ako ng isang Olympian, hindi sapat iyon para protektahan ko mula sa digmaan ang aking bayan! Azrielle! Alam mo kung gaano kapait ang ipanganak at mabuhay sa gitna ng digmaan! Sa lahat ng tao d-dito, i-ikaw ang higit na nakakaintindi noon, Azrielle! Kaya--"

Niyugyog ni Emi si Azrielle at tiningnan ng mata sa mata. Umiiyak pa rin si Emi, at si Verdandi ay nakatayo lang doon. Di niya inasahang darating ang araw na makikita niyang iiyak si Emi. Sa kakaibang dahilan ay naiintindihan niya ito. Habang si Azrielle naman ay nakatitig lang sa kaibigan.

"Kaya, i-ikaw lang ang inaasahan kong maging Queen. Azrielle, lumaban ka para maging isang Queen!" pasigaw na sabi ni Emi. "Noong pumasok ako dito sa Academy, at noong nalaman ko na nasa paligid ko lang pala ang labing-isang pinakamalakas na Olympians, noon pa man, alam ko na anong ibig sabihin niyon. Noon pa man, alam ko na ang gaano kaselan ang relasyon sa pagitan ng mga bansa. Ang walang katapusan nilang pakikidigma sa isa't-isa--"

Kinagat ni Emi ang sariling labi kaya dumugo iyon.

"Noon pa man, alam kong hindi rin magtatagal ang kapayapaan sa pagitan ng mga bansa sa kabi-kabilang sigalot na nangyayari. Foirdorians laban sa mga taga-Wintrewaste. Avignon laban sa Delthusia. Vallarya laban sa Ithemacus..."

Napasulyap si Verdandi kina Hapi at Sean. Impassive ang expresyon ni Sean, habang si Hapi naman na nagulo na ang pula nitong buhok na ginawa na ring pugad ni Caramel, ay malungkot lang na nakatingin kay Emi.

"Lalo na ngayon, na halos lahat ng bansa ay may pinagmamalaking Olympian vascillux na maaari nilang maging panlaban sa digmaan. Ayokong maranasan ulit na mabuhay sa gitna ng digmaan, Azrielle. At mas lalong ayokong gamitin na parang isang hamak na armas lamang. Kaya hinangad ko na maging Queen at tipunin ang mga malalakas na Vascillux. Para kahit man lang, kung mangyari ang kinatatakutan ko, may magiging kakampi ako," anito.

"Pero--p-pero nang makita ko kung paano mo isa-isang naging kaibigan ang mga anak ng mga maharlikang dating magkakaaway, nakakita ako ng pag-asa. Nakita ko kung paano, na parang isang himala, naging malapit na magkaibigan ang prinsipe ng tatlong malalayong kaharian nang dahil sa'yo. Nakita kung paano mo sila nabago, Azrielle. Nakita ko kung paano mo sila napasunod--na parang isang totoong pinuno.

"Kaya kita nilapitan noon at hinamon, para makita kung gaano ka kalakas. Kung may kakayahan ka ba upang maging isang Queen. At nang matalo mo ako, di nga ako nagkamali. Malakas ka nga." Napangiti si Emi ng kaunti. "Naisip ko, na kung ikaw ang magiging Queen, maaari mong mapag-isa ang buong Atlantis. Hindi kagaya nina Lamia na tanging personal na hangarin lang ang iniisip--ang mas mapalakas pa ang pamilya nila. Ikaw, maaari mong mapigilan ang napipintong digmaan. Azrielle--pakiusap, sumali ka sa Diadem of Denominates--at sigurado akong malaki ang tsansa mong mapili ng mga Priestesses. Azrielle, pakiusap--Azrielle!"

Sa katahimikang dumaan, ay tanging huni lang ng mga ibon ang narinig nila. Pati si Verdandi ay hinihintay ang magiging sagot ni Azrielle. May punto naman si Emi. Sa ngayon, walang ibang magandang kandidato para maging mabuting Queen ng Academy maliban kay Azrielle.

Kinagat lang nito ang tinapay at nilunok iyon. "Ayoko."

"Pero--Azrielle!" sabi naman ni Dardy, sa pagkakataong ito. Pinagpag nito ang damit na puno ng damo at nagmamadaling lumapit sa kanila. "Bakit ayaw mo? Agad? Agad-agad? Diba pwedeng pag-isipan mo na muna?"

"Oo nga naman, Azri," ani Sean. "Kung ikaw ang magiging Queen, maraming freebies na kasali iyon, alam mo ba? Lifetime membership sa BLACKY BEARDY's CHOCOLATES AND CONFECTIONERIES din ang isa sa previliges na makukuha mo doon! Sayang, parekoy, sayang!"

"Kahit na, ayoko pa rin," simpleng sabi lang nito. "Tsaka, di mo ba alam nasa borderline na ako para magka-diabetes? Pinagbawalan na ako ni Doctor Ravisolli na kumain ng matatamis--"

Patuloy pa rin sa pangungumbinsi sina Sean at Dardy kay Azrielle at nauwi na sa maingay  at pabirong pagtatalo ang mga ito. Napatingin naman si Verdandi kay Emi, nakatayo pa rin ito sa gilid at nakayuko at dumudugo na ang palad nito sa kakakuyom. Inis naman siyang napabaling sa tatlo.

"Oy, kayo. Seryosohin niyo naman ito, kahit konti lang!" saway ni Verdandi sa tatlo at tumigil naman ang mga ito. Nilapitan niya si Azrielle. "Azrielle? Ganoon na lang iyon? Subukan mo lang naman o, kahit para kay Emi. Sige na."

Umiling lang si Azrielle.

"Bakit ba kasi ayaw mo?" ani Verdandi. "Azrielle--!"

"Tama na, Binibining Verdandi," tawag sa kanya ni Emi. Nagsimula na itong maglakad papalabas ng kubo. Niligpit nito ang bow and arrow at ang sibat nitong dala, kaya naglaho iyon at naging isang pulseras na lang ulit sa pulsuhan niya. "Kung ayaw niya, 'wag na nating pilitin. Inaasahan ko na din naman ito eh. Tsk. Ganyan naman talaga siya, kahit noon pa."

"Oy, Emi, saan ka pupunta?" tawag ni Sean.

Tinaas lang nito ang kamay bilang pamamaalam at naglakad papalayo. Hahabulin sana ito ni Verdandi para kausapin, pero pinigilan lang siya ni Dardy at sinabihang hayaan na muna itong mapag-isa. Tinanaw na lang ito na naglalakad papunta sa direksyon ng Academy Area, hanggang sa mawala ito sa kanilang paningin. Binalingan naman ni Verdandi si Azrielle, na hindi man lang pinansin ang pag-alis ni Emi. Siya naman ang nainis.

"Azrielle," tawag niya dito.

"Bakit?" kaswal na sagot nito.

"Umiyak si Emi sa harap mo. Nagmakaawa siya sa'yo. Di mo man lang siya pagbibigyan?" malamig na sabi niya dito. "Di naman ganoon kalaki ang hinihingi niya sa'yo, diba? Ano bang dahilan mo kung bakit ayaw mo? Ano?"

"Wala lang. Hindi ako interesado."

Siya naman ang lumapit dito nang di siya makapaniwala sa asal nito ngayon. Hinawakan niya ang braso nito, ngunit nanatili lang na walang pakialam si Azrielle. Tiningnan lang nito ang kamay niya. "Wala lang?! Wala lang? Para sa'yo siguro, wala lang, pero kay Emi--para sa kanya--nakasalalay ang lahat sa magiging resulta ng Ceremony of Crowns!"

Tiningnan siya ni Azrielle na may klase ng ngiti na ngayon lang niya nakita dito. "Bakit, Verdandi, ano bang alam mo? Ngayon ka lang naman napunta sa mundong ito, diba? Sige nga, bigyan mo ako ng magandang rason kung bakit talaga kailangan AKO ang manalo na maging Queen?"

Malamig ang tingin ni Azrielle sa kanya. "Sa tingin mo ba, kahit hindi isa kina Lamia at Bridgit ang magiging Queen, hindi pa rin sila bubuo ng isang alyansa?" anito at inalis ang kamay niya. "May mga sarili akong rason kung bakit ayaw ko, Verdandi. At di ko itataya ang susunod na mga taon sa isang padalos-dalos na desisyon."

Tumayo ito at nagsimulang maglakad papalabas. "Caramel! Sky rider mode!" tawag nito sa ibon. Mula sa kandungan ni Hapi, ay lumipad si Caramel papunta kay Azrielle. Lumanding ito sa damuhan sa harapan ni Azrielle at nagpakawala ng isang mala-tigreng atungal. Nagulat naman si Verdandi nang biglang magbagong anyo si Caramel--lumaki ito, nagkaroon ng apat na paa, at mas humaba at lumapad ang mga pakpak. Mula sa pagiging cute na ibon, ay naging isa itong halimaw na may katawan ng leon,at  mukha at pakpak ng agila. Isang Griffin. Ngayon lang niya nalaman na may ganoong kakayahan pala si Caramel.

"Ipapasyal ko lang sandali si Caramel," sabi nito sa kanila. Sumakay ito sa likod ng griffin at lumingon sa kanila. May kaunti itong ngiti, ngunit ngayon napag-isip ni Verdandi kung praktisado ba nito na magkaroon ng kalmadong ngiti palagi. "Pakiligpit na lang sa mga pinagkainan natin. Sige mamaya ulit."

Sinipa nito ng marahan ang tagiliran ni Caramel at tumakbo ang griffin. Maya-maya pa'y umatungal ulit ang halimaw, pinagaspas ang pakpak at lumipad papunta sa direksyon ng dormitory mansion. Pero umikot ito, at lumipad papunta sa kakahuyang malapit sa Academy Area.

"Halika na Verdandi," untag sa kanya ni Sean na inakbayan pa siya. Nilingon niya ito. "Sama ka sa'min? Maliligo kami sa isang hot spring. Ano?"

"Magiging okay lang ba talaga sina Azrielle at Emi?" nag-aaalalang tanong niya.

"Oo naman. Si Emi, nag-iisip pa 'yun ng susunod niyang hakbang ngayong mukhang ayaw na talaga ni Azrielle. Si Azrielle naman," ani Sean na sumimangot sandali. Pero kapagkuwa'y ngumiti din ito. "Mukha lang siyang walang pakialam, pero nag-iisip-isip din 'yon. Patunay na sumakay siya kay Caramel para makalayo na muna sandali. Ano, tara na?"

Tumango lang siya, kahit pakiramdam niya parang may tinatago ang mga ito sa kanya. Niligpit naman nila ang mga pinagkainan at mga gamit sa kanilang tambayan. Naglakad na silang apat pabalik sa dormitory mansion ng mga first years.


Samantala, sa isa sa mga matataas na kastilyo ng Academy, dalawang tao ang nag-uusap sa isang madilim ngunit magarang silid. Ang isa sa kanila ay nakaupo sa likod ng isang mesa at tahimik na binubuga ang usok ng kanyang tobacco. Ang isa naman ay tahimik na nakamasid sa labas ng bintana. Nang makita ng huli ang pagdaan ng isang griffin sa malayo ay nasulyap siya sa kanyang kasama.

"Natanggap na nila ang liham ni Lady Lamia Fray," panimula ng lalaking nasa may bintana. "Hinihingi niya ang suporta ng mga myembro ng Platea, kapalit ng isang magandang presyo. Matalino siya para sa isang bata, hindi ba?"

Magiliw siyang ngumiti sa lalaking nakaupo sa may mesa, ngunit patuloy lang ito sa paghithit ng tobacco. Naiinis siya sa pag-iignora nito sa kanya.

Nagpatuloy na magsalita ang binatang lalaki na nasa may bintana.

"Alam niyang maaaring magkamali na naman ang mga Priestesses sa pagpili ng reyna gaya ng ginawa nila sa mga nakaraang taon, kaya sinisiguro na niya ang magkaroon ng mga malalakas na kaalyado kahit wala pang basbas ng mga matatandang hukluban mula sa Celestia. Hindi na masama, diba? Hindi kagaya ng babaeng tinatawag nilang Athenei--walang ambisyon at gustong takasan ang kanyang responsibilidad at tadhana."

Tinulos ng lalaking nakaupo sa malaki't pulang silya ang kanyang tobacco sa ashtray. Nang maglaho ang pulang baga sa upos, ay tinapon ito ng lalaki sa pundok ng sigarilyo sa kanyang mesa. "Ah. Si Morrigan ba? Paano mo naman nasabi iyon?"

"Nakita ko siyang lumilipad papunta sa direksyon ng Bordering Woods. Siguro papunta siya sa may tabing dagat o sa Perean Town," sagot naman ng lalaking nakatambay sa may bintana. Tumawa ito ng mahina na naiiling. "Magliliwaliw siguro, o paplanuhin na naman niyong tumakas mula sa Academy gaya ng palagi nitong ginagawa noon. Wala talaga siyang kwenta, kahit kailan."

Bigla namang humalakhak ang lalaking nakaupo sa silya. Napakunot noo naman ang kasama niya. Dumukot muli ito ng panibagong tobacco.

Pinitik nito ang mga daliri. Mula sa hintuturo nito ay lumabas ang ningas ng apoy. At sinindihan nito ang sigarilyo.

Mula sa ilaw na iyon nakita ng lalaking nasa may bintana ang mukha nitong puno ng peklat, sugat-sugat at mapupulang mga mata.

Sinubo nito ang tobacco. "Hindi mo kilala si Azrielle Morrigan, bata," iiling-iling nitong sabi. Mukhang aliw na aliw ito. Napataas naman ng kilay ang lalaking nasa bintana sa tinuran ng kasama. "Hindi mo alam anong kaya niyang gawin. Sa katunayan, palaisipan pa rin sa akin anong kabuuang plano niya. Anak ng diablo ang batang 'yon. Sinasabi ko sa'yo."

"Anong ibig mong sabihin?" sabi ng lalaki na nainis nang tawagin siya nitong bata.

"Hindi mo ba napansin ang direksyong tinahak ng kanyang alagang griffin? Papunta iyon sa sagradong lupain sa silangan ng Perean Town," naaaliw sabi ng lalaking may nakakakilabot na mga peklat sa mukha. Binuga nito ang usok ng tobacco. Ngumisi ito ng malapad, at kitang-kita ang matatalim na pangil nito. "At pupusta akong pumaroon si Azrielle Morrigan upang hingin ang basbas ng dating King--ang orihinal na vascillux ni Zeus, si Syrius Stoneheart!"

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Where stories live. Discover now