[43] The Royal Banquet

4.4K 215 59
                                    

EPISODE 43
The Royal Banquet

Hindi alam ni Verdandi kung paano mabilis nakakuha si Rummstein ng mga susuotin nila, pero sa loob ng ilang minuto, pagkatapos nitong makipag-usap sa telepono. Tinignan pa siya nito sandali at pagkatapos ay mabilis na tinapos ang tawag. At ilang minuto pagkatapos noon, ay may may naaninag siyang karwahe na mula pa sa langit, at mabilis na bumaba sa harap nila.

"Welcome to Taylor's Swift Tailoring Services and Beauty Salon, Flashy Flying Carriage, Anytime, Anywhere!" bati ng mga naka-uniporme at naka-shades pang mga staff nito na nakasakay din sa karwahe. Nagulat man si Verdandi noong una sa biglaang pagsulpot ng mga ito, ay wala na siyang nagawa nang itulak na siya ni Rummstein sa loob. Hinila siya ng mga staff at pinaupo sa isang silya roon. Pagkatapos ay tinulak siya ng mga ito paharap sa isang malaking salamin, at bago niya pa namalayan, inaayusan na siya ng mga ito.

Ilang sandali pa, ay natapos na rin ang mga ito sa paglalagay ng make-up sa mukha niya at ang pag-aayos sa buhok niya. Pagdilat niya ng kanyang mga mata, ay di niya nakilala ang kaharap niya sa salamin. Naka-crown braid ang buhok niya at kinulayan pa ng blonde ito.

"A-ano 'to?" aniya na wala sa sarili. "S-sino--b-bakit?"

Pero di na siya nakapagprotesta pa. Dahil maya-maya ay pinahubad na rin siya ng mga ito. At kahit nagreklamo pa siya sa sapilitang hubaran ng damit ay wala na rin siyang magagawa. Sinukat na ng mga ito kani-kanina lang ang baywang, dibdiban at balakang niya at sa loob lang ng ilang minuto, ay pinakita na ng mga ito ang gown na custom made pa para sa kanya. Makinang, off shoulder, at sky-blue ang kulay. Parang isang gown na kinuha pa sa fairytale.

Pinasuot ito sa kanya ng mga staff doon. Kung masikip ang gown na pinasuot sa kanya ng mga multo noong Festival, mas masikip at mabusisi ang gown na suot niya ngayon. Nahigit niya ang kanyang hininga na ramdam na ramdam ang pressure ng push-up bra at corsette. Maaga akong mamamatay sa lugar na ito, aniya sa sarili, nang dahil lang sa mga gowns.

Pinasuot pa siya ng mga ito ng sapatos na puno ng krystal. "A-ang mahal naman nito," bulong niya. "P-parang di 'to kaya ng budget ko, ahehe--"

"'Wag ka ng mag-alala, binayaran na 'yan ng lalaking kasama mo," paninigurado ng isa sa mga staff sa kanya. "Ang galante ng kuya mo, milady."

"Nagkakamali ka, hindi ko siya kuya," aniya dito. "M-magkaibigan lang kami. Sa tingin ko."

Nang matapos na siya ay lumabas na siya sa karwahe na inalalayan ng mga staff. Pagkatapos ay nagpaalam din ang mga ito at umalis na.

"O-oy, teka lang--!" habol niya sa mga staff pero nawala na sa paningin niya ang mga ito. Hinanap niya si Rummstein pero di niya ito makita. Tinawag niya ito sa pangalan at doon lang ito nagpakita.

Nakasuot na din ito ng tie and suit at, for the first time since nakilala niya ang lalaking ito ay nakatali ang mahaba at wavy nitong buhok. Nakatrim din ang balbas nito at bumagay din dito ang bigote nito. Ngayon lang niya napansin na gwapo din pala ang lalaking ito, kung nag-aayos lang at magpapakatino sa buhay.

Malapad ang ngiting binigay nito sa kanya.

"Di kita nakilala, Verrianna," anito sa kanya at naglakad papalapit.

"Verdandi nga!" bulyaw niya dito. Humagalpak lang ng tawa si Rummstein at inayos ang sleeves nito sa may pulsuhan. Napa-facepalm siya. "Makakalimutin ka ba talaga, o dala 'yan ng pagiging alcoholic mo?"

"Ay grabe naman 'yang alcoholic, Vallerie. Wine connoisseur lang," kunwari'y nagtatampong sabi nito. Nagbuntong-hininga na lang siya tanda ng pagsuko niya sa pagpapaalala niya sa pangalan niya dito. Ang laki talaga ng ngiti nito sa kanya. Na-conscious tuloy siya.

"B-bakit ba?"

"Naks, wala naman, tuwang-tuwa lang ako," anito naman sa kanya na inalok ang kamay. "Ma-i-inlove na talaga niyan si Grimmcaster sa'yo. Ganda natin ngayong gabi eh."

Di alam ni Verdandi bakit bigla na lang siyang namula nang marinig ang pangalan ni Osiris.

"Baliw ka ba?"

"Bakit? Sabihin mo nga sa akin, sisters to sisters, bilang si Winea--" anito na bumulong pa sa tenga niya. "Ano na ba talagang real score niyong dalawa? On, mutual, or--getting to know each other pa?"

Hinampas niya ito sa braso. "Tsismoso 'to! Bakit ba lahat na lang kayo tinutukso ako kay Osiris, ha? Sinabi na ngang magkaibigan lang kami eh," aniya dito. Pero ngumiti lang ito at umiiling.

"Eh ikaw, sa wakas mukhang matutuwa na si Ate Lissa sa itsura ngayon. Mukha ka ng tao ngayon," biro niya dito.

Hinampas naman nito ang dibdib. "Ang saket, nun! Ano ba ako dati, hindi ba ako mukhang tao?"

Umiling siya pero nagpipigil ng tawa.

"Araaay ko pooo," pa-dramang reklamo nito. Tumawa lang siya at binawi din naman ang sinabi. Nagpatuloy na lang sila sa pag-uusap at biruan habang naglalakad papunta sa Administration's Building.

"Tanong ko lang, sana di ka magalit," aniya habang binabagtas nila ang kalyehon papunta roon. "Kayo ba ni Ate Lissa?"

Tumaas naman ang isang kilay nito na napatingin sa kanya. Pero tumawa rin ito at umiling. "Hindi. Magkaibigan lang kami."

"Talaga? Akala ko--?"

"Dahil ba masyado siyang--over protective sa'kin at kahit saan ako pumunta halos nandoon siya?" tanong nito sa kanya. Umiling muli ito. "Hindi. Ganoon lang talaga siya. Si Lissa--isang lalaki lang ang minahal niya mula noon hanggang ngayon."

"S-si Syrius Stoneheart?" aniya. Tumango ito. "Talaga pala. Parang, ang galing siguro talaga ni Syrius Stoneheart no? Tinanong ko dati sina Sean at Dardy kung kilala ba nila si Syrius, tapos sabi naman nila oo. At--kung makapagsalita sila dito, parang ang laki ng paghanga nilang dalawa sa kanya. Pero bakit bukod sa inyo at kanila Sean at Dardy, wala na akong ibang naririnig na may nag-uusap tungkol sa kanya. Mabait talaga siguro siya, no?"

Tumango lang ito. Natahimik sila pareho ngunit parang may bigla itong natawa.

"Mantakin mong di talaga niya sinukuang ligawan si Lissa dati? Kilala mo si Emilyana Deinira diba? Parang ganoon dati si Lissa. Wild, untamable at may sariling sinusunod na batas." Tiningnan siya nito. "Tanging si Syrius lang ang nakapagpasuot sa kanya ng gown at tanging taong inalayan niya ng kanyang puso. Medyo malandi din si Syrius--mas malala pa dun sa kaibigan mong sina Dayome at Starkomir--pero tumino siya dahil kay Lissa. Ah, ano ba 'yan, nag-rereminisce na naman ako."

Malaki siguro talaga ang epekto ng pagkawala ni Syrius kay Lissa at ganoon na lang ang pagbabago nito, aniya sa kanyang isip.

Naisip niyang ibahin ang usapan para di na lalong malungkot si Rummstein.

"Teka, nakita ko kanina 'yung reaction mo nung nakasalubong natin si Professor Sen ah," aniya dito. "Di mo rin ba siya gusto? Ako kasi, sa totoo lang, naki-creepyhan ako sa kanya haha, 'wag mo lang sabihin ha."

"Hindi lang naman ikaw eh," seryosong sabi nito. Lumamig bigla ang boses nito. "Ayoko rin sa taong 'yon. At sa totoo lang, sa lahat ng tao dito sa Academy, maliban na lang kay Kaizer King-Croix, sa kanya ako pinakawalang-tiwala. May dahilan ako. Sapat na dahilan."

Nagtaka naman siya. "Ano 'yun?"

"Si Professor Sen ang nakakita ng bangkay ni Syrius doon sa Forbidden Tower," anito sa kanya na mas binilisan ang lakad. "At maaaring siya din ang huling kasama ni Syrius bago siya nawala. At ang bilin sa amin ni Syrius bago siya kinuha ng mga 'yon, 'wag kaming magtitiwala sa kanya o kahit sinupaman sa High Council."

Nanlaki naman ang mga mata ni Verdandi sa rebelasyong narinig. Natahimik silang dalawa ni Rummstein. Mas bumilis pa ang paglalakad nito kaya napilitan siyang humabol. Naaninagan niyang malapit na pala sila sa mala-mansyong Administration's Building.

Maraming mga naka-park roon na mga karwahe at sasakyan. May mga knights at gwardya ding nakaantabay kahit saan. Inalok ni Rummstein ang braso nito sa kanya.

"S-sigurado ka ba talaga dito?" tanong niya sa kasama na bigla na namang kinabahan. "I-ikaw lang naman ang invited, tsaka baka di ako pwedeng maging escort mo. Wala naman akong espesyal na prebilehiyo."

Tiningnan siya ng seryoso ni Rummstein. "Alam mo, noong una kitang makita, alam ko na may kakaiba kang katapangan diyan sa puso mo. Tapos ngayon, sinasabi mo 'yan?" anito sa kanya. Napayuko siya.

"P-pero puro mga nobles at Olympians ang nasa loob, di ako bagay dun, ipapahiya ko lang ang sarili ko--"

"Tsk! Sinama kita dito, kaya magtiwala ka sa'kin. Kung nandito lang si Syrius, hinila ka na niya papasok. Walang may karapatan na sabihin 'yan sa'yo kaya tumigil ka sa kakaisip niyan," anito sa kanya. Ngumiti na lang siya sa pagpapalakas ng loob nito sa kanya. "Halika na, Vernini."

"Verdandi nga sabi eh," bulong niya dito. Alanganin naman niyang sinilid ang sariling braso sa braso nito. At sabay silang naglakad papunta sa main entrance kung saan isang butler ang naghihintay sa reception desk.

"Name, sir, ma'am?" anito sa kanila.

"Mr. Jhaegar Diovino Rummstein," anito sa butler. First time niyang makita na ang pormal ni Rummstein. "And my escort--"

Tumingin ito sa kanya at tinaas ang mga kilay na parang nagtatanong. Pinipigilang niyang masapak ito dahil nakalimutan na naman nito ang pangalan niya.

"Miss Anastasia Verdandi Fiametta," aniya sa receptionist na titig na titig sa natatawang si Rummstein.

Tiningnan nito ang listahan na nasa lumulutang pa na parchment at tumango ito. Binigyan silang dalawa ng masks nito at sinuot naman nila nito 'yon. Buti naman at may mask, aniya sa sarili. Tumerno naman ang kulay ng kanyang maskara sa kanyang suot na gown at glass slippers.

Sinamahan silang dalawa papunta sa loob at doon ay pinagbuksan sila ng mga nakaunipormeng butlers din. At sa pagbukas ng malaking double-door na pinto, ay sinalubong si Verdandi ng nakakasilaw na ilaw.

Napapikit siya ng konti, at nang maimulat niya na ulit ang mga mata, ay nakita niya ang mga nakayukong butler at knights na inaaya sila papasok sa engrandeng Hall.

"Let's go?" tanong sa kanya ni Rummstein. Tumango naman siya at tinago ang kabadong paglunok.

May mga nakatayo sa ma-espasyong hall at napatingala si Verdandi sa nakalutang na mga chandelier sa kisame. Ang pinakamalaki na nasa gitna, ay inadornohan pa ng mga mamamahaling kristal at ginto kaya tuloy mukhang kumikislap at kumikinang ang paligid nila. May mga nakaunipormeng butlers na naghahatid ng mga inumin sa bisitang nagpapaligsahan yata sa ganda ng suot na ball gowns at galanteng suits.

Ang mundo ng mga mayayaman, aniya sa sarili. At makapangyarihan. Hindi ko akalain na makakatuntungtong ako sa lugar na kagaya nito.

Hinanap ng mga mata ni Verdandi ang mga kaibigan pero di niya ito mahagilap. Sa gilid ay mga knights na may suot pang armor at helmet kaya di alam ni Verdandi kung isa ba si Dardy doon. Sa dami ng taong nandoon, wala talaga siyang mahagilap na pamilyar na mukha--maliban sa iilang schoolmates na di naman niya masyadong kilala, pero alam niyang may kaya din ang mga ito.

"Oh, dear, is that guy Rummstein?" Narinig niya bigla na mukhang pinag-uusapan na sila. Ngayon lang din niya napansin na nakatitig pala sa kanila ang ibang mga bisitang naroroon habang naglalakad sila. Nakadama na naman siya ng hiya at parang gusto niyang matunaw sa kinatatayuan.

Pero hinigpitan lang ni Rummstein ang pagkakalabit nito sa braso niya at ngumiti ito sa kanya.

"Sino 'yang babaeng kasama niya? Mukhang mas bata pa sa kanya ng ilang taon ah."

"Parang ngayon ko lang siya nakita, pero parang nakita ko na rin siya dati."

"Ah, I remember her now. She looked quite different tonight. I must say old Rummstein got himself a pretty escort, huh?"

"Hindi, parang siya 'yung first year na gumawa ng eksena noon sa barko, remember?"

"Social climber?"

"Or a gate crasher?"

"She's hot, though. Galing mamili ni ole boy Rummstein."

Nanlaki ang mga mata niya pero tinatagan niya ang sarili. Dapat di niya ipahalata na naiintimidate siya sa mga tao dito, at sa lugar na ito.

"Hayaan mo na sila," bulong nito sa kanya. "Diba dapat wala tayong pakialam sa kanila?"

Napangiti naman siya sa sinabi nito at natawa naman si Rummstein. Nilapit nito ang bibig sa tenga niya at may tinuro. Sinundan naman niya ito ng tingin.

Sa malayo, malapit sa isang table, ay isang magandang babae na at maraming alahas na nakapulupot sa katawan. Katabi nito ang isang matandang naka-wheelchair at halos hindi gumagalaw. Magiliw itong nakikipag-usap sa ibang mga babaeng nandoon.

"'Yan si Lady Ferjane, at si Lord Ferjane. Ano sila sa tingin mo?"

"Mag-ama?" di siguradong sagot niya.

"Ang inosente mo. 'Yan si Lord Ferjane, isang count at isa sa mga loyal bannermen ng mga King-Croixes ng kaharian nila. Kilalang babaero ang kondeng 'yan, hanggang sa pinakasalan niya 'yan si Lady Ferjane na dating namamasukan sa kastilyo nila. Isang taon pagkatapos niyon, bigla na lang naging baldado si Lord Ferjane," anito na may kakaibang ngiti. "Sabi ng iba kinarma, sabi ng iba nilason."

Nanlaki naman ang mga mata niya pero may tinuro ulit si Rummstein. Sa pagkakataong 'yon, isa 'yong lalaking nakasuot ng armor at nakatayo malapit sa isang mesa. Mukhang mataas na ang ranggo nito dahil dito lumalapit ang ibang mga knights para magbigay ng ulat. Ngunit wala man lang itong kangiti-ngiti at panay ang tingin sa ibang mga bisita.

"'Yan si Sir Benedict Kreims. Ang 'pinakamarangal' at hinahangaang knight sa Minora City--according sa official reports. Pero di mo aakalain ang tinatago niyan sa ilalim ng mga gloves niya," anito sa kanya.

"Ano?"

"Mga daliri," anito. Sasapakin na sana niya ito kung hindi ito nagpatuloy magsalita. "Ang ibig kong sabihin, mga nakaipit na daliri ng ibang tao. Sinong nakakaalam anong ginagawa niyon dun?"

Sa isipin pa lang kung ano ang posibleng ginawa nito, ay para nang gustong bumaliktad ang sikmura ni Verdandi. Inilayo niya ang tingin sa nakakatakot na si Sir Benedict Kreims na tinitigan sila bigla ng matalim.

"Paano mo ba nalaman lahat ng 'yan?" bulong niya dito. "At seryoso ka ba sa mga pinagsasabi mo? Baka mapahamak ka sa mga pinagsasabi mo tungkol sa kanila!"

Nagkibit-balikat si Rummstein. "I have connections, y'know. Tsaka ikaw, bahala ka kung maniniwala ka o hindi. Basta ang gusto kong sabihin sa'yo, pag-uusapan at pag-uusapan ka ng ibang mga tao. Kahit anong gawin mo, may sasabihin pa rin sila tungkol sa'yo. At 'yang mga makikinang na tao sa lipunan? Di lahat ng kumikinang na 'yan eh ginto."

Natahimik naman siya nang mapagtanto ang punto nito.

"Kaya taas mo 'yang mukha mo, batiin mo sila." Tumango naman siya at iniangat ang tingin. Nakita niya ang pagngiti at pagkaway ni Rummstein sa isang lalaking nag-alok dito ng isang kopita ng alak. Ibang-iba ito kaysa sa normal na Rummstein--umaalingasaw sa alak, pasuray-suray kung maglakad at madungis. Ngayon, marami ng babaeng napapatingin dito.

"'Yung kinawayan ko? Sinuntok ako niyan doon sa Perean Town," anito sa kanya. Napanganga naman siya ng konti.

"Eh ba't mo kinawayan? Plastikan lang?" aniya dito. "O nagkabati na kayo?"

"You girls call it like that, pero hindi ganoon 'yon. It's the Art of Being Polite--to people you don't like," anito naman sa kanya. "Tsaka, nakaganti na rin naman ako diyan kaya quits-quits na kami--slight."

Sa tulong na rin ni Rummstein ay unti-unti na ring nawala ang grabeng pagkailang niya sa lugar na 'yon. Hindi naman kasi siya sanay sa ganoong klaseng sitwasyon kaya naaasiwa pa siya. Alam naman niyang, kahit sa bihis niya ay magkaiba pa rin naman talaga ang mundo at lebel ng mga ito sa kanya.

"Ansabi ko, 'wag ka ngang umakto na parang ang baba baba mo sa kanila," matigas na sabi ni Rummstein sa kanya. "Di ka ba nakakaintindi?"

"Hindi naman sa ganun. Hindi lang kasi talaga ako sanay eh," ani Verdandi dito. Tumaas naman ang isang kilay ni Rummstein. "Di naman kasi ako lumaki sa ganitong mundo--pero sinusubukan ko naman eh. See?"

Alanganin siyang ngumiti dito at nagbuntong-hininga din. Kinurot naman siya ni Rummstein sa may pisngi at napailing. Pinahid naman niya na parang bata ang pisngi at tumawa lang ito.

Lumapit sila sa isang mesa at pinaupo naman siya ni Rummstein doon. May mga pagkakataon pa rin pinagtitinginan sila ng mga tao sa malapit. Pagkatapos ay umupo naman ang lalaking kasama niya sa kanyang tabi. Panay din ang pagtatanong nito kung may kailangan ba siya. Minsan ay di pa rin siya makapaniwala na si Rummstein talaga itong kasama niya.

May butler namang dumaan sa tabi nila at inalok sila ng alak. Tumanggi naman siya pero si Rummstein, ay mukhang di talaga nakapagpigil at kumuha talaga hanggang sa ilang beses na itong nahatiran ng wine. Pinagsabihan naman niya ito na 'wag masyadong maglasing at baka anong mangyari dito.

"'Wag kang mag-alala, alam ko paano kontrolin ang sarili ko," anito ngunit halata na sa boses nito na nakainom ito. Panay na ang ngiti nito. "'I'm gonna take care of you tonight. I promise."

Nag-peksman pa ito. Napabuntong-hininga siya. Sana lang ay di lang talaga ay walang mangyaring di maganda ngayong gabi.

Maya-maya ay naalala din ni Verdandi ang mga kaibigan at kaklase at hinanap ng mga mata niya ang mga ito. Ngunit dahil lahat ng mga bisita roon ay nakasuot ng maskara--half masks at full masks--ay nahihirapan siyang makita ang kahit isa sa kanila sa dami ng tao.

Ang tanging napansin lang niya ay si Lissa na nakaupo sa harap, sa isang long table kung saan may mga nakaupo ring mukhang mga importanteng tao sa Academy.

Ngunit nang mapansin nitong nakatitig siya ay agad itong napalingon at magiliw na kumaway sa kanila. Gusto yata nitong bumaba at umupo sa table nila ng kaibigang si Rummstein ngunit kinakausap ito ng mga maharlikang nakaupo malapit doon. Kumaway na lang ito sa kanilang dalawa.

"Rummstein," aniya sa kasama. "Diba pwedeng makapunta si Lissa dito? Mukhang malungkot siya doon ah."

Umiling si Rummstein. "Dahil naging Queen si Lissa last leap year, honorary member din siya ng High Council. Sa ayaw niya't sa gusto--kailangan niyang makisalamuha sa mga matataas na tao roon," anito na humigpit ang hawak sa kopita. Lumagok ulit ito ng alak.

May isang lalaking naka-cloak at nakaitim na maskara ang lumapit kay Lissa at kumausap dito. Sinulyapan sila ni Lissa bago ito tuluyang maglaho sa likod ng matangkad at malaking lalaki.

"Ganun ba," ani Verdandi na mas lalong bumaba ang opinyon sa Ceremony of Crowns. Siya lang siguro ang iilan sa mga taong--kabilang na sina Azrielle at Rummstein--na hindi hyped sa Ceremony.

Pinagmasdan niya pa ang ibang mga nobles na naroroon sa harap. Sa isang gilid, nakatayo ng tuwid at nakasandal sa pader habang tahimik na iniinom ang kanyang kopita ay isang lalaking nakasuot ng red and gold doublet, pantalon at kapa. Nakasuot ang lalaki ng kalahating maskarang na parang mukha ng isang phoenix. Kahit di niya makita ang kalahati ng mukha nito ay kitang-kita niya pa rin parte ng ilong at ang bibig nito. At sa ilalim ng mga labi nito ay ang mga piercings na alam na alam niya.

Kaizer King-Croix.

Napatingin naman ito maya-maya sa kanya at nagkasalubong ulit ang tingin nila. Iiiwas na sana niya ang tingin ngunit bahagya nitong tinanggal ang maskara at tinitigan siyang lalo. Nakilala kaya niya ako? kabadong tanong niya sa sarili. Napalunok siya na tumalim din bigla ang tingin dito. Baka kung ano na namang nakakainsultong mga bagay ang sasabihin nito sa kanya at magkakagulo lang silang dalawa.

Iniwas niya ang tingin ngunit bago 'yon ay may sumilay na namang ngiti sa labi nito na para bang nang-iinis ito. Umirap na lang siya. Ano ba talagang problema ng lalaking 'to sa kanya?

Patuloy niyang hinanap sina Emi o Azrielle. Ngunit di talaga niya makilala ang mga ito roon. Pumunta ba kaya talaga ang mga ito roon? aniya sa sarili.

Di nagtagal ay napabuntong-hininga na lang siya. Inilibot niya pa ng isang beses ang paningin at sa malayo ay nakita niya ang isang pa sa mga taong kanyang hinahanap. Lumawak ang ngiti sa labi niya.

Nakasuot ito ng silver, blue at black doublet, at nakasuot ng isang simpleng itim na half-mask, ay iisa lang ang estudyanteng kilala niyang may buhok na sa sobrang tingkad ng pagka-blond nito ay nagmukha ng puti. Tahimik itong nakaupo doon habang may hawak din itong isang kopita ng alak.

"Osiri--" tawag niya dito ngunit naputol din nang isang babaeng blonde at maiksi ang buhok ang lumapit bigla dito. Sinilid nito sa braso ang kamay ng lalaki at magiliw itong kinausap ng babae. Maganda ang babae kahit nakasuot lang din ito ng maskarang tinatakpan ang mga mata, at halata namang mayaman din ito. Nilapit pa ng husto ng babae ang sarili na halos na lang idikit nito ang mukha kay Osiris. Mukhang halos di naman sumasagot si Osiris at panay lang ang tingin nito sa kopita.

Sa kung anong dahilan ay biglang may parang sumikip ang dibdib niya.

"Pssst, okay ka lang ba?" tanong sa kanya bigla ni Rummstein. Muntik na niyang nakalimutan na nandito pa pala ito sa tabi niya. Lumingon siya dito at pilit na ngumiti.

"Alam mo, alam na alam ko ang ngiti at tingin na 'yan," nakangiting sabi ni Rummstein sa kanya.

Tinaliman naman niya ito ng tingin. "Anong ibig mong sabihin?"

Tumawa ng kaunti si Rummstein at tiningnan siya ng diretso sa mata. "Alam na alam ko, Versace, alam na alam ko. Kahit di mo sabihin sa BFF mong 'to na si Winea, I know that look my dear, I know," anito at tumawa-tawa pa. Akma niyang sasapakin ito sa braso dahil di niya alam kung bakit tawa ito ng tawa. "Ganyan na ganyan ang itsura ni Lissa tuwing may ibang babaeng ka-flirt si Syrius noon."

"Anong--?"

"Versari--este, Versiris," sinandal pa ng siraulong si Rummstein ang siko nito sa mesa at nangalumbaba. Ngumiti ito sa kanya ng makahulugan. "That heart of yours is--nagseselos, you know?"

"H-hoy! Tumigil ka nga!"

"Kailangan ba kitang lasingin para lang umamin ka, ha?" anito sa kanya na aliw-aliw pa rin sa pang-aasar sa kanya. Sinulyapan nito sina Osiris na nasa malayo saka binalik ang tingin sa kanya. "Kahit di mo pa tinatanong, alam kong gusto mong malaman kung sino ang babaeng 'yan at bakit malaya siyang nakakalapit kay Grimmcaster. Hindi siya isang maharlika, sa pagkakaalam ko, pero anak siya ng isang taong may mataas na posisyon sa High Council at may malaki silang negosyo. Ewan ko, baka trip niya si Grimmcaster. Or baka--naman--ewan, di ko rin talaga kasi alam."

Napatango na lang siya sa sinabi nito na bahagyang nalungkot. Napaisip siya ng malalim pero si Rummstein ay panay lang ang titig sa kanya at laking-laki ang ngiti. Nang di niya maiwasang mapatingin ulit kay Grimmcaster. At nagkasalubong nga ang tingin nila.

Nakatitig ito sa kanya at siya rin dito. Inalis pa nito ang maskara para makita siya ng buo, at tumingin din naman ito kay Rummstein na salubong ang kilay. Pati ang babaeng kasama nito ay napatingin sa kanila.

Tumingin naman si Rummstein kay Osiris at tinaliman ito kuno ng tingin. Ngumiti lang ng alanganin si Verdandi at iniwas na ang tingin sa dalawa nang wala siyang matanggap na reaksyon mula sa lalaki. Pinilit na lang niya na libangin ang sarili sa pag-uusap nila ni Rummstein. Pero kahit anong pilit niya ay bumabalik pa rin ang isip niya sa pagtatanong: ano bang meron sa babaeng 'yon at kay Osiris? Ngayon lang niya nakitang may babaeng kung makalapit dito ay parang may kung anong namamagitan sa kanila.

Nang bigla-bigla, habang nagkukuwento na naman si Rummstein, ay nakita niyang hinalikan ng babae sa pisngi si Osiris--malapit sa labi nito. Ngunit ang mas ipinagtaka niya, ay di man lang tuminag si Osiris nang gawin nito iyon. Nakaramdam siya ng kaunting--kirot?

Hindi, aniya sa sarili, syempre naman hindi ako nagseselos no. Bakit naman ako magseselos? Kaibigan lang naman kami, eh.

Napansin siguro ni Rummstein na hindi na siya nakikinig ay muli ulit itong tumingin kay Osiris. Tiningnan niya si Osiris ngunit parang abala ito sa pakikinig sa kung anong pinagsasabi ng babaeng katabi nito--na ngayon ay nakasandal na ang ulo sa balikat ng lalaki. Wala sa sarili ay napatiim-bagang siya.

Di magpakasaya siya, aniya sa sarili, ano bang pakialam ko?

"Verkairi, ano 'yang nasa mata mo?" biglang tanong ni Rummstein.

"Ha?" aniya naman na napatingin dito. Walang anu-ano ay hinawakan ni Rummstein ang magkabilang pisngi ni Verdandi at nilapit ang mukha nito. Napaatras man siya ng konti sa gulat ay tumigil rin naman siya nang may kinalikot ito ng marahan sa mata niya at inalis mula roon. "W-wala na ba?"

"Wala na." Umatras na si Rummstein at nasisiyahang bumalik sa pagkakasandal sa upuan.  Nagtaka man ng konti sa kinilos nito ay pinagwalang-bahala na lang din 'yon ni Verdandi. Nang tingnan niya ulit si Osiris, ng di sinasadya, ay nakatingin ito ng masama sa direksyon ni Rummstein.

"Verdandi, gusto mo ng maiinom?" tanong ng escort niya.

Tumango naman siya at maya-maya pa'y, sa utos na rin ni Rummstein ay hinatiran sila ng butler ng isang bote ng mamahaling inumin. Nangako naman si Rummstein na hindi nakakalasing 'yon at nang inumin naman niya 'yon ay masarap naman ito.

"Ngumiti ka naman diyan," tukso ni Rummstein. Ngumiti na din naman siya at maya-maya'y bumalik na naman si Rummstein sa pagbibitaw ng corny jokes.

"Knock knock?"

"Who's there?"

Suminghap ito. "Akala ko ba ako lang ang makakalimutin sa pangalan, ha? Ako 'to, si Rummstein, nakalimutan mo na ba?"

"Rummstein who?"

"Wait! Di 'yon ang knock knock ko. Eto na, eto na: knock knock."

"Who's there?"

"Knock knock."

"Who's there nga?"

"Knock knock nga."

"Alright, knock knock who?"

"Mamaya na, nakalimutan ko na eh."

Verdandi rolled her eyes and resisted the urge to punch him.

Nagpatuloy naman ang selebrasyon doon. May mga lumalapit sa table nila ni Rummstein para makipagkumustahan (as if naman kilala niya ang mga taong 'yon) at magalang naman siyang pinakilala ng kasama sa mga ito. Di nagtagal ay nangawit na siya sa kangingiti at kakamay sa mga tao roon.

Maya-maya pa'y inanunsyo na rin na magsisimula na ang sayawan. Noon lang din napagtanto ni Verdandi na isa rin palang ball ang dinaluhan niya. Tumayo si Rummstein at inalalayan siyang tumayo din. Alanganing tinanggap naman ni Verdandi ang kamay nito at tumayo na siya. Naglakad sila papunta sa gitna ng hall saka siya iniwan roon ni Rummstein.

"Rummstein!" tawag niya ngunit ngumiti at sumenyas lamang ito sa kanya. Sumulyap siya sa parehong gilid niya at napansin niyang may mga nakatayo ring mga babae sa tabi niya. In fact, parang bumuo ng isang mahabang linya ang mga babae at nakaharap silang lahat sa iisang direksyon. At sa kabilang panig naman ng hall, ay naroroon din nakalinya ang mga kalalakihan.

Sa mismong tapat ni Verdandi, ilang metro mula sa kinatatayuan niya ay nakatayo roon si Rummstein na nakangiti, kasama ang iba pang mga kalalakihan. Nang makita niya ang pagyuko ng mga lalaki bilang paggalang, ay alam niyang susunod na rin sila. At nag-curtsy naman silang mga babae.

Nagsimula na silang maglakad papunta sa direksyon ng kapareha. Tinaas ng mga lalaki ang kanilang mga palad at nakigaya na rin si Verdandi nang makitang ganoon din ang ginawa ng mga babae. Lumamlam ang ilaw at papalapit na ng papalapit si Verdandi kay Rummstein. Ngunit sa halip na tanggapin nito ang kamay niya para isayaw, ay inabot nito ang kamay ng babaeng katabi niya.

Anong? naguguluhang tanong niya sa sarili. Ngunit may ibang kamay ang umabot sa kanya--at bago pa niya makita kung sino ang kumuha sa kamay niya ay hinapit na siya nito sa baywang. Napatingin siya sa may-ari noon at nagulat siya nang mamukhaan ito sa likod ng maskara.

"Osiris?" aniya. Hindi ito sumagot pero mataman lang na nakatitig sa kanya. Para itong naiinis o kung anuman. Dahil ba ang kasayaw nito ngayon ay siya at hindi ang babaeng kasama nito kanina?

Ibinuka niya ang bibig para sana may sasabihin pero naunahan siya nito.

"Bakit mo kasama si Rummstein?" anito sa kanya sa malamig na boses. Nainis pa ng konti si Verdandi sa ma-otoridad na pagkakasabi nito.

"Mahabang kwento--pero inaya niya akong maging escort," matigas niyang bulong pabalik. Nag-grunt na naman ito at may sinabi na namang hindi niya narinig. "Anong sinabi mo?"

"Ba't ka naman pumayag na maging escort niya?"

"Eh ano naman ngayon?"

"Ah, ganun? 'Eh ano naman ngayon?' Nagtatanong lang naman ako ah!" anas naman nito pabalik. "Tapos nagpahalik ka pa sa kanya--"

Napasinghap siya at nilabanan ang sarili na 'wag itong sapakin.

"Ano bang pinagsasabi mo? Hindi niya ako hinalikan at sinamahan ko lang siya dahil kaibigan ko siya," inis na sabi niya. Naalala naman niya kanina ang ginawa ni Rummstein at naintindihan din naman kung bakit nasabi nito 'yon. "Inalis niya lang ang puwing sa mata ko, 'yun lang 'yun!"

"Ikaw nga eh, may kasama ka ding ibang babae," ganti niya dito. Para itong nagulat at di agad makapagsalita. "Ang sweet-sweet niyo nga eh. G-girlfriend mo ba 'yung kasama mo?"

Di agad nakapagsalita si Osiris. Huminto ang tugtugan at ibang tugtog na naman ang pumalit. Ngunit kasabay din niyon ay ang pagpapalit ng kapareha sa pagsasayaw, kaya bago pa makasagot si Osiris ay may iba nang sumalo sa kamay niya.

"Hello Verdandi," bati ng bago niyang kapareha. Tumingala siya at nakasalubong ang nakangiting mukha sa likod ng green-gold-silver mask na may dekorasyong fins sa bawat gilid. "Ako 'to, si Sebastien. Karangalan kong makasayaw ka ngayong gabi."

Yumukod pa ito ng konti sa kanya bago siya nito sinayaw. Habang sumasayaw ay nagkwentuhan pa sila ng kaunti ni Sebastien na panay ang ngiti sa kanya. Sa lahat yata ng lalaking classmates niya, with the exception of Hapi, ito ang pinaka-gentleman. Masaya man siyang kasayaw si Sebastien ay di naman nawala sa kanya ang tanong niya kay Osiris na nabitin sa ere. Kasalukuyan namang kasayaw ni Osiris ay iba ring babae.

"Hanggang sa muli, Verdandi," pamamaalam ni Sebastien sa kanya nang ibigay siya nito sa iba na namang kapareha. Hindi niya kilala ang sumunod niyang partner, at habang sinusubukan nitong makipagkwentuhan sa kanya ay hinanap naman ng mata niya si Osiris. At mukhang ganoon din yata ito dahil nakatingin ito sa kanya at tumango na parang may sinisenyas.

Change partners ulit. At ulit. Nag-enjoy naman siya sa bawat sayaw, hanggang sa nakapareha niya si Marcus Romagna.

"Oy Fiametta, ikaw pala. Ang ganda mo ngayong gabi ah," bati nito at amoy na naman niya ang alak mula rito. Biglang sumibol ang yamot sa puso niya lalo na nang maalala ang binalak nitong gawin sa kanya noong nakaraang school fair. Tinangka niyang dumistansya ngunit hinapit nito ang baywang ng marahan.

"Romagna, ano ba--" protesta niya.

"Alam mo, di naman kita masisisi kung ilag ka sa akin eh, pero kung ano mang ginawa ko sa'yo noong school fair, pasensya na naman o," anito sa kanya pero bakas pa rin niya ang malisya sa tono nito. "Medyo wala lang talaga ako sa sarili noong mga panahong 'yon. Kaya sensya na. Ano? Bati na ba ulit tayo?"

"Kung akala mo ganoon lang kadali ang lahat, sana di mo na lang tinangka sa simula pa lang," malamig na sabi niya. Nagpalit din naman ng partners kaya na-relyebo na din si Verdandi at di na niya kailangan pang tiisin si Romagna. At nang mag-iba na naman ulit ng kapareha ay sa wakas, si Osiris na naman ulit ang naging kapareha niya.

"Hindi ko siya girlfriend," bungad ni Osiris nang magsayaw ulit sila. "Pinsan ko siya. Ganoon lang talaga siya tuwing nagkikita kami."

Sa di niya maipaliwanag na dahilan ay nakadama siya ng ginhawa ng marinig 'yon. Napatingin siya dito at tinitigan din naman siya nito. Walang nagsalita sa kanila habang sumasayaw sila sa mabagal na tugtog na 'yon mula sa orkestra sa harap--hanggang sa panahon ulit para magpalit ng kapareha. Napunta nga sa iba si Verdandi--at nang tanggapin niya ang kamay ng sunod na kaparehang lalaki ay di niya inasahan kung sino ito.

"Hindi kita nakilala, Verdandi Fiametta. Mukha kang maharlika sa suot mo," sabi ng pamilyar na boses ng antipatikong lalaki.

"Kailangan ko bang magpasalamat sa papuri mo, Lord King-Croix?" sagot naman niya. Tumawa lang ng marahan si Kai.

"It's not a compliment, you know," anito na sumilay na naman ang nakakalokong ngiti sa mga labi. "You look like a lady--ngayon lang din."

"Shut up," aniya na hinigpitan ang hawak dito kaya napaaray ito ng konti.

"Do you do that to your other partners? How unfortunate," anito sa kanya. Ngayon lang napansin ni Verdandi ang tapang ng amoy ng alak sa hininga nito. Lasing ba ito? Kaya pala mas dumaldal. Hiniling niya na sana mag-iba ulit ng kapareha pero masyadong mabagal ang tugtog bago 'yon matapos.

"Know how to dance tango, Fiametta?"

"Hindi," matabang na sagot niya. Naiinis siya dahil masyado itong malapit sa kanya. At di maalis-alis ang tingin nito sa mukha niya. "Bakit? Pwede ba--"

"Then," anito at inilapit ang mukha sa may leegan niya. "I'll teach you."

Bumitaw ito sa kanya at sumenyas ng kaunti sa orkestra. Tumigil sa pagtugtog ang banda, ngunit nagsimula naman ito ng panibago at medyo mas mabilis na tugtog. At tulad nga ng pinangako nito ay isinayaw nga nito siya ng tango.

"K-kai, ano ba--!" reklamo niya ngunit hindi ito nakinig. Mas lalo lang nito inilapit ang katawan niya at hinigpitan pa ang pagkakahapit sa kanyang baywang. Isa, dalawa, tatlong hakbang--at kaysa ipahiya ang sarili niya ay sinunod niya ang bawat hakbang ng mga paa nito.

"Madali ka naman palang turuan," he said, smirking beneath his phoenix half-mask.

Ramdam ni Verdandi ang kamay nito sa halos backless niyang damit. Napasinghap naman siya ng kaunti nang banayad itong bumaba patungo sa ibabaw ng pwetan niya. Inilapit siya nito. Pagkatapos ay inilayo gamit ang kaliwang kamay. Inikot siya nito gamit ang kamay na iyon at pagkatapos ay isinandal sa isang braso nito. Ngayon ay nakatingala na siya dito at ito nama'y nakayuko sa kanya. Gusto man niyang magreklamo dahil nahilo siya sa ginawa nito pero di na siya nakapagprotesta pa, dahil nagulat siya sa ginawa nito. She never expected this from a despicable guy like him. Pero baka lang din pinaglalaruan siya nito.

Nilapit nito ang mukha sa kanya habang nasa ganoon silang ayos. Napatingin naman siya sa mga mata nitong aliw na aliw sa kanya. Nagkatitigan sila hanggang sa bumaba ang tingin nito--papunta sa labi niya.

Nanlaki ang mga mata niya. Di kaya--?

Ngunit bago pa nangyari ang pinangangambahan niya ay muli lang itong ngumisi at binangon siya. Di na namalayan ni Verdandi na ilang beses na palang nagpapalit ng tugtog at si Kai pa rin ang kapareha niya. Muli siya nitong isinayaw sandali, pinaikot sa isangkamay at inalayo sa sarili nito. Akala niya ay bibitawan nito ngunit tinangka pa rin nitong kunin siya ulit--nang may ibang humagip sa kanyang malayang kanang braso.

Napalingon siya. At sa kanyang likuran, mahigpit na nakahawak sa kanyang kanang pulsuhan ay isang lalaking nakasuot ng itim at silver na maskara. Si Osiris.

"Oh, look who we have here. The lover boy," anas ni Kai. Hawak nito ang kanyang kaliwang braso ng mahigpit. Sinusubukan siya nitong hilahin pabalik para isayaw muli, ngunit mahigpit din nakahawak si Osiris sa kanya. Ngayon ay nakatayo siya sa gitna ng dalawa at halos hindi makagalaw.

"Ano ba--b-bitawan niyo nga ako," she hissed, while trying to let go both of her arms.

And they were making quite a scene. Nakatingin sa kanila ang ibang magkapareha roon, at pati na ang ibang mga bisitang nakaupo. As much as possible, ayaw ni Verdandi na masyado siyang pagtuunan ng pansin ng mga bisita roon para makaiwas na rin siya sa posibleng gulo.

"Kanina pa nagpalit ng kapareha, Lord King-Croix," ani Osiris sa tonong nanunuya. "Kung pwede bitawan mo na ang braso ng babaeng gusto kong makapareha."

Ngumisi lang si Kai at tiningnan siya. "Bakit hindi na lang natin tanungin si Lady Fiametta? Ikaw, sino bang pipiliin mo? Ako, o siya?"

Tiningnan lang ito ni Verdandi ng masama at hinila ang sariling kamay. Mukha namang nainis si Kai sa ginawa niya pero di niya inintindi 'yon. Hinila na rin niya ang isa pang kamay mula sa pagkakahawak ni Osiris.

"If you'll excuse me, uupo na lang ako," aniya sa dalawa. Hindi niya alam kung anong trip ng dalawa pero di niya gusto na pinagtitinginan siya ng mga tao dahil doon. Mukhang umupo na lang din si Osiris ngunit si Kai ay nagpatuloy sa pakikipagsayaw doon.

Bumalik siya sa mesa nila ni Rummstein, ngunit pagdating doon ay hindi niya nakita ito nakita. Umupo siya roon at sinubukang hanapin si Rummstein sa paligid at sa mga nagsasayaw ngunit di niya ito mahagilap. Iniwan kaya siya nito?

Napapalatak si Verdandi at napabuntong-hininga. Di kaya iniwan na ako nun? tanong niya sa sarili. Pilit niyang hanapin ito ngunit ni anino nito ay di niya talaga mabakas. Tiningnan naman niya ang table na kinaroroonan ni Lissa at baka lumapit lang ito roon. Ngunit wala talaga ito. Pati si Lissa ay wala rin doon.

Umuwi na ba sila at iniwan ako?

"Enjoying the attention you're getting?"

Napalingon si Verdandi sa likuran niya at na-disappoint siya nang makita niya ang tatlong kinaiinisang kaklaseng babae. Sigurado siyang wala na namang balak na maganda ang mga ito. Lamia smiled at her humorlessly. Nakatingin naman sa kanya si Bridgit na para bang nang-iinsulto.

"Anong ginagawa niyo dito?" mahinang sabi niya bago niya pa mapigilan ang sarili. "Ano na namang kailangan niyo?"

"Kami dapat ang nagtatanong niyan, Fiametta," ani Lamia sa malambing na boses. "What in the world, are you, doing here? Sa party ng mga maharlika at mga Olympians? You're neither a noble nor a special student, am I right? So bakit ka nandito?"

Nagsimulang bumangon ang inis sa dibdib niya pero tinatagan niya ang sarili. Hindi siya dapat magpadaig o magpaapekto sa mga ito.

"The answer is obvious Lamia," susog naman ni Bridgit bago pa siya makasagot. "She's--grate crashing. Right, Fiametta?"

"Hindi kasi siya invited but all her friends are here. So she devised whatever means she used in order to get here," ani Euyrnnne Myreen na isa pa sa kaibigan ng dalawa. "But we don't see your pathetic squad around, where are they kaya?"

"Pwede ba umalis na lang kayo?" aniya na nagsimula ng manginig sa galit. "Isinama ako rito ni Rummstein at kung ako lang, wala rin naman akong gustong pumunta dito kung hindi lang dahil sa kanya."

Luminga-linga naman si Lamia na parang may hinahanap. Saka ito muling tumingin sa kanya na nanlabi. "Rummstein? You mean that drunkard moron na natutulog lang kahit saan dito sa Academy? But I don't see him around. Baka ginagawa mo lang siyang dahilan para sabihing makapasok dito?"

"'Wag mo siyang tawagin ng ganyan," mababang singhal niya. Nagsisimula na silang patinginan ng mga tao. "At hindi ako nagsisinungaling. Sinama niya ako dito--at hindi gatecrashing ang tawag doon, diba?"

"Oh really?" hamon ni Lamia na mukhang nainis sa pagsagot niya. "Let's see then. Excuse me."

Pinalapit nito ang isa sa mga butler na nasa malapit.

"Can I see the visitors logbook? Just to check her name. Baka kasi may nakapasok na outsider dito, mahirap na diba?" ani Lamia na pinakilala din ang sarili sa butler bilang si Lady Fray. Tumango naman ang butler at kinumpas nito ang kamay sa ere. Lumabas ang isang scroll at doon ay binasa nito ang laman.

"Yes, escort po siya ni Mr. Rummstein," sabi ng butler. Napangiti ng konti si Verdandi nang makita ang ekspresyon sa mukha ni Lamia. "Pero lumabas po si Mr. Rummstein mga twenty minutes ago."

"Oh?" sabi ni Lamia na may matagumpay na ngiti sa labi. Nilingon naman nito ulit si Verdandi."Your escort's not here anymore, Verdandi. So maybe--it's also time for you to go. Oh, and before that, have a taste of this."

Walang anu-ano'y binuhos nito ang dalang wine sa ulo niya. Nagulat man si Verdandi ay pinilit niyang 'wag ipahalata iyon. Nagsinghapan ang mga tao sa paligid. Sa malayo, nakaupo pa rin katabi ang kanyang pinsan, tiyuhin at tiyahin ay napatayo si Osiris.

Lamia stepped back smiling triumphantly. Eurynne giggled and Bridgit smirked. May mga ibang bisitang nakitawa na rin sa panghihiya ni Lamia sa kanya.

"Going now, Verdandi? Wala ka man lang thank you na pinatikim ko sa 'yo ang wine na 'yon? That's the most expensive wine in the whole realm. Para man lang ang mga malanding gate crasher na kagaya niyon ay makatikim niyan even once," matalim na sabi nito.

Tumayo naman siya. Pero hindi dahil susundin niya ang pagpapalayas nito sa kanya. Tiningnan ni Verdandi ang mga ito ng buong dignidad kahit basang-basa na ang buhok at magandang damit niya dahil sa wine na binuhos nito.

Kinuha ni Verdandi ang juice na ininom at wala ring sabi-sabi ay tinapon ito mukha ng tatlo. Napaatras at nasapo ni Lamia ang mukha na napanganga sa gulat. Halata namang di nito inaasahan na gaganti siya sa harap ng maraming tao at sa mga bisita may mga matataas na antas sa lipunan.

"Di mo inasahan 'yon, ano?" panimula ni Verdandi. "Of course, you would never expect na isang cheap na orange juice lang ang ibubuhos sa inyo. Kasing-cheap ng pag-uugali ninyong tatlo."

"How dare you--!" gigil na sabi ni Lamia at tinangka siyang sampalin. Ngunit napigilan niya ang kamay nito.

"Tapatin mo nga ako Lamia, naiinis ka ba sa presensya ko rito o naiinis ka dahil sinayaw ako ng fiance mo?" malamig na sabi niya dito. Di ito nakasagot at pilit na kumakawala sa pagkakahawak niya para siguro masampal siya. "Tch. 'Wag kang mag-alala, wala naman akong planong agawin ang fiance mo. Now, if you'll excuse me."

Winaksi niya ang kamay nito at nagmartsa paalis ng royal hall. Naalala niya ang sinabi ni Rummstein kanina. Itinaas niya ang mukha at hindi pinansin ang tinginan ng mga tao pati  na ang mga knight ng House Fray na inutusan ng ni Lamia na sundan siya dahil sa harapang pamamahiya niya sa isang noble. Hindi na rin niya napansin ang pagpalakpak ng magandang pinsan ni Osiris at ang pagsunod sa kanya ng lalaki. Diri-diretso siyang umalis doon. At hindi rin niya napansin ang pagpigil ng iba pang grupo ng mga knights para di na siya masundan pa.

Wala na siyang pakialam.

Lumabas siya ng royal hall at nang tuluyan na siyang makalabas sa pinto ay nagsimula na siyang magmadali. Hindi niya alam kung anong dahilan ni Rummstein para iwan siya doon pero ipagpapabukas na lang niya ang planong tanungin o bweltahan ito. Ngayon, ang gusto lang niya ay makaalis mula sa lugar na iyon.

Nanginginig pa rin sa galit ay patakbong binaba ni Verdandi ang malapad at mahaba-habang staircase. Napaluha siya ng konti pero pinahid niya agad iyon dahil ayaw niyang maiyak. Tinaas niya ang mahabang gown para makalakad ng mabilis, ngunit sa kakamadali niya ay natisod siya sa hagdan at muntikan nang mahulog.

Ganunpaman, napaluhod siya sa hagdanan.

"Aray--malas naman o," reklamo niya at sinubukang makatayo ulit sa kabila ng hapdi ng kanyang paa. Nagka-sprain pa ata siya.

"Akin na 'yang kamay mo. At suotin mo ito."

Nagulat naman si Verdandi nang marinig ang mahina ngunit matatag na boses ng isang babae. Tinanggap naman niya muna ang kamay na nakalahad sa harap niya at hinayaan itong tulungan siyang makatayo. Saka pa niya tiningnan kung sino ito, at mas lalo siyang nagulat nang makilala ito.

"L-lady King-Croix," mahinang usal niya. Pinasuot siya nito ng isang cloak. "S-salamat."

Hindi ito sumagot bagkus ay tiningnan lang siya nito. Ang ganda at elegante nito tingnan. Nang maalala niya na isa itong maharlika ay yumukod siya ng konti dito bilang paggalang.

"Kaanu-ano mo si Hector Fiametta?" biglang tanong nito.

Nanlaki ang mga mata niya at namutla ng wala sa sarili. "A-ama ko po siya. Bakit ho ninyo natanong? At paano niyo siya--"

"I see. Kaya pala," sabi lang nito. Nagsimula na itong umakyat sa hagdan pabalik sa grand hall. Hinabol niya ito ng isang hakbang dahil gusto niyang itanong kung bakit nito kilala ang kanyang ama. Ngunit para siyang natuod doon sa kanyang kinalalagyan.

"Ina," tawag ng isang boses mula sa itaas. Sinundan ni Verdandi ng tingin ang pinanggalingan ng boses at nakita niya si Kai na nakatayo sa tabi ng malaking pintuan.

"Hinahanap ka na ni Ama," pagpapatuloy ni Kai. Tumango lang ang Ngunit nalipat din ang blangko nitong tingin sa kanya.

Nabigla din siya nang makita ang paglabas ni Osiris mula roon. Nagkatinginan sila.

"Verdandi," tawag nito.

Napatingin din ang ina ni Kai kay Osiris. Pagkatapos ay nalipat ang tingin nito kay Kai. Saka ibinalik sa kanya. Napangiti ito ng konti na napailing ng marahan. "Seeing the three of you here. Tonight. Sinong mag-aakala?" pabulong nitong sabi ngunit narinig pa rin itong lahat ni Verdandi. Sa kung anong rason ay parang nanindig ang balahibo ni Verdandi sa sinabi nito. Muli itong naglakad papaitaas hanggang sa muli na itong nakapasok sa grand hall.

Atlantis Academy of Gods and Goddesses (UNDER HEAVY CONSTRUCTION)Where stories live. Discover now