TULA #98 Sa Susunod na Habangbuhay

25 1 0
                                    

Sa susunod na habambuhay..... ikaw pa rin ang nais ko.

Sa'yo pa rin babalik itong puso dahil ikaw ang tahanan nito. Ikaw pa rin ang nanaisin kong makadaupang palad at makaututang-dila. Sa'yo pa rin ibubulong ang mga paboritong salita.

Sa susunod na habambuhay, nais ko pa ring magpalamuti ng bahay kasama ka. Maghabulan habang naglilinis, nagluluto o naglalaba . Kakainin ko pa rin ang luto mong ulam kahit masama ang lasa. Pakikinggan pa rin ang iyong pagkanta sa kusina. Ipagsasalikop ang mga palad kahit pa maraming nakatingin sa'tin habang naglalakad.

Sa susunod na habangbuhay, magsasayaw pa rin tayo kahit hindi makasabay sa ritmo. Kakanta ng mga awitin kahit wala sa tono. Nais kong pagmasdan ang paglubog at paglabas ng araw na ikaw ang kasama. Ikaw ang unang nais makita sa paggising sa umaga. Magkasamang sisilong kapag bumuhos ang ulan, magpapatila ng ambon hanggang sa muling umaliwalas ang kalangitan.

Makikinig ako sa mga bagay na nais mong ipagmalaki. Sa mga pagkakataong sinusubok ka ng mundo, nais kong umupo sa tabi mo't isandal ka sa balikat ko. Ipagluluto kita ng paborito mong pagkain at imamasahe ang likod mula sa nakakapagod na trabaho. Naroroon ako sa mga panahong hindi ka kaaya-aya, sa pagkakataong hindi ka kaibig-ibig. Nais kong ako ang una mong naiisip kapag ninanais mong lumisan sandali sa magulong daigdig. Ikaw pa rin ang ititibok nitong dibdib.

Hindi ako magsasawang hawakan ang iyong kamay. Ikaw pa rin ang nais ko maging sa susunod na habambuhay.


ISANG DAANG TULA (COMPLETED)Where stories live. Discover now