TULA#84- MULTO

54 3 0
                                    

Nang dahil sa'yo, naniwala ako sa multo.

Dahil kahit pa may ilaw sa aking kwarto at malinawag ang paligid,
Pakiramdam ko'y may ibang taong nakamasid.
Oo, ang mga luma nating litrato'y sa akin nakatitig.
Tahimik na nakatingin, nagpaparamdam sa nakakabinging katahimikan ng silid.

Naaamoy ko pa rin ang paborito mong pabango. Nanunuot sa aking kalamnan ang halimuyak nito, sagad hanggang buto. Nararamdaman ko rin ang iyong mga yabag, pati na rin ang init at lamig ng iyong mga yakap.

Matingkad pa rin sa aking isipan ang boses mo t'wing kumakanta, sa kung paano ka magtampo at muling tatawa. Lahat ay nakaimbak sa aking memorya.

Kabisado ko din kung paano ka umiyak, magalit at muling hahalakhak. Hindi lilipas ang araw na hindi ka ngumingiti, mangungulit at sasayaw. Sinasabayan mo ako sa aking mga gusto, sabay tayong kakanta ng mga awiting wala sa tono. Magkasamang tumitig sa mga bituin at bibitaw ng mga pangako.

Ramdam ko pa rin ang presensya mo.
At kung ikaw ay naririto, nais kong malaman mo.





Hindi ako nagbago.





Pamilyar pa rin sa akin ang mga bulong mo bago matulog sa gabi at paggising sa umaga, boses mo ang paboritong tunog nitong aking mga tenga-- tila isang musika, diniduyan sa lambing ng bawat piyesa.
Nakakaginhawa, habang nalalanghap ang amoy ng iyong balat, at ng iyong buhok na humahalimuyak. Nilalasap ang bawat sandaling ikaw ay nagpapasulyap.

Sariwa pa rin sa akin ang lahat ng alaala. Mga masasaya at malungkot, mga naiwang marka ng takot at poot. Gusto kong muling mahawakan ang iyong kamay at makiusap na 'wag mo'kong iwan. Pero hindi. Hindi kita napigil sa iyong paglisan.

Wala kang ibang iniwan kundi mga alaala ng kahapon. Mga markang nagpapaalala sa kung anong meron tayo noon. Nananatiling nakaukit at detalyado sa'king isipan hanggang ngayon. Sa kusina, sa kwarto, sa higaan o maging sa pagdungaw sa bintana. Ramdam kita. Ang pagkanta sa banyo kahit pa sa pagtambay sa sala. Hindi na tayo magkasama pero ramdam kita sa bawat segundo, sa minuto, sa oras o siglo.

Nang dahil sa'yo, naniwala ako sa multo.

ISANG DAANG TULA (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon