TULA#96 TAKIPSILIM

19 2 0
                                    

Kung sakaling ito na ang dulo, maaari bang sa dapithapon tayo magtagpo?

Sa may dalampasigan, kasama ng mga alon at sa piling ng lumulubog na sikat ng araw, doon. Doon mo banggitin ang 'yong pamamaalam.

Dahil ako'y labis na mangungulila sa'yo. Sa'yong mga bawat halik, sa mga hikbi at hagikhik. Sa kung paano ka magtampo, tumawa at magalit. Sa mga away at bati, yakap, pagluha at pagngiti. Mananatili lagi sa aking isip.

Magkita tayo doon. Do'n sa may dalampasigan upang kahit papaano ay maging maganda ang huli nating alaala. Magiging saksi ang mga bihangin, ulap at dagat, pati na rin ang mga ibong nasa himpapawid.

Ngunit pakiusap, sa iyong pagtalikod at paglakad papalayo ay 'wag ka nang lumingon, upang manatili sa akin ang ganda nitong dapithapon.

Dapithapon ang siyang sa akin ay magsisilbing paalala na minsan sa buhay ko'y nakilala't minahal kita. Sagisag ang rikit ng araw sa'yong yumi at ganda. Lahat ng ito ay iuukit ko sa aking memorya. Aking nanamnamin ang huling sandali na ikaw ay yakapin bago pa tuluyang maglaho ang natitirang liwanag sa dilim.

Ikaw ang pinakamatamis kong bukangliwayway at pinakamapait na takipsilim

ISANG DAANG TULA (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon