No Title

61 2 0
                                    

Hindi akalaing sa ganitong paraan matatapos ang lahat.
Na para bang nabalewala ang mga nabuong pangarap.
Ang mga masasayang araw na ating nakalap,
Hindi na ba maibabalik ng nagsusumamong mga yakap?



Sa huling pagtatalo ay hindi tayo nakausad.
Panunumbat at pagkapoot ang siyang iginawad.
Ngayo'y paglimot at paglisan ang sa ati'y tumambad.
Pinagkait sa isa't isa ang salitang patawad.



Sa huling sandali ay hindi tayo nakapag-usap.
Hindi nabigyang-pagkakataon ang pusong lumilingap.
Lumipas na ang galit ngunit ngayo'y hindi na mahanap.
Napagod ka at pag-ibig mo'y naubos nang ganap.



Tinalo tayo ng galit at sa unawa'y naging salat.
Relasyo'y nagbago at unti-unting nagkalamat.
Hindi na matukoy kung ano ang dulo at ugat.
Pagmamahal ay tila hindi na naging sapat.





Humatong tayo sa dulong lahat ay hindi na tiyak.
Kung saan ang bawat gabi ay napuno ng pag-iyak.
Tinalikuran at hindi na muling sumulyap,
Hanggang sa magkabilang direksyon ang tinahak.



Aking naalala ang sinasabi ng iba,
Na ang relasyon ay masayang lang daw sa umpisa.
Kaya't humiling na magbalik tayo sa simula.
Natupad nga, ngunit sa panahong hindi tayo magkakilala.



ISANG DAANG TULA (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon