Kabanata LII: Ikatlong paligsahan

22 4 90
                                    

IKALIMAMPU'T DALAWANG KABANATA: IKATLONG PALIGSAHAN

C A S E Y D E L E O N

"Good luck sa atin, guys!" puno ng determinasyon sigaw ni Charmaine at inilahad ang likod ng palad sa harap namin. Circle of friends kami ngayon, literal. Bumuo kami ng bilog habang nakatayo at nag-uusap-usap. Para kaming mga varsity player na naghahanda at nagpaplano kung saan anumang oras ay magsisimula na ang laban.

Nang maintindihan ko ang ibig sabihin ni Charmaine, ipinatong ko ang palad ko sa likod ng kamay niya at ngumiti. Nginitian niya ako pabalik bago bumaling sa iba pa naming mga kaibigan na nakatingin sa kamay naming magkapatong.

Nahagip ng paningin ko ang paggalaw ng kamay ni Sandra at akmang ipapatong sa kamay ko pero agad niya itong binawi at nagkrus na lamang ng braso. Ang arte. Pero kunsabagay, ganoon din naman ang gagawin ko kung sakaling siya ang unang nagpatong ng kamay sa kamay ni Charmaine.

Masama pa rin ang loob ko kay Sandra dahil sa mga sinabi at ginawa niya kahapon. Alam kong ganoon din siya sa akin dahil hindi niya rin ako pinapansin hanggang ngayon. Ayoko namang makipag-plastikan sa kaniya. Naiintindihan ko namang magkaiba kami ng pananaw kasi malamang kakampihan niya ang mama niya. Pero kasi dinamay niya ang kawalan ko ng magulang kaya ganito ang ugali ko ngayon. Siya nga na may magulang, masama pa rin. Paano pa kaya ako? Tss.

Sumunod na nagpatong ng kamay sina Alexis at iba pa. Si Sandra ang huling nagpatong ng kamay. Mukha pang sapilitan dahil naka-stretch talaga ang braso niya para maabot ang kamay ni Kane. Medyo nasa labas kasi siya ng bilog at mas malayo ang distansya kumpara sa amin.

"Kaya natin 'to," sigaw ni Charmaine at inangat ang kamay na parang nagma-maiba taya. Ginaya namin ang ginawa niya at sabay-sabay na sumigaw.

"What do you think about today's agenda?" kaswal na tanong ni Sandra at isa-isa silang tiningnan. Nasa gitna ako nina Charmaine at Alexis pero nilagpasan niya ako ng tingin. Sige, magpataasan kami ng pride. Mas magaling ako roon. Tss.

"Ewan ko. Ano sa tingin mo?" tanong ni Alexis sa akin. Peke akong ngumiti at nagkibit-balikat. Sa aming magkakaibigan, sa akin yata pinakamalapit si Alexis. Bukod kasi sa nakakausap ko na siya noong nasa dati pa kaming paaralan, dormmate ko rin siya ngayon.

"Baka maze ulit o match. Ewan ko. Ang hirap hulaan, eh," komento ni Charmaine.

Lima na lang kaming matitirang maglalaban-laban ngayon. Kami na lang nina Charmaine, Alexis, Sandra, at Kane. Tanggal na sa paligsahan sina Lulu, Aya, Jace, at Nimrod dahil may uniform na sila. Lucky them.

Nakatayo kami ngayon sa labas ng gymnasium habang hinihintay itong magbukas. Dito raw kasi gaganapin ang paligsahan at wala kaming audience ngayon bukod kina Lulu na hindi na kasali. Buti naman.

Nasa bandang likod ko nakatayo sina Lulu, Jace, at Aya. Si Nimrod naman ay nakahiga sa isa sa mga bench sa mismong labas ng gymnasium at mukhang natutulog. Nakatakip ang kanang braso niya sa mga mata at nakalapat ang dalawang paa sa sahig. Medyo maliit lang kasi ang bench kumpara sa height niya kaya hindi siya kasya roon.

"Pumwesto na kayong lahat sa harap ng pinto," untag sa amin ni Sir Daryl, ang additional subject teacher namin. Bakit siya ang nandito at hindi si Ma'am Fiona?

"This is it!" impit na tili ni Alexis na halatang nasasabik sa paligsahan ngayon. Ako lang yata ang hindi. Wala naman akong mapapala rito.

"You can do it, guys!" ani ni Lulu habang nakataas ang dalawang kamao habang nakangiti nang malapad. Palibhasa may napanalunan na siya kaya hindi na siya nai-stress.

"Just do it," mahinang saad ni Aya sa isang tabi pero narinig namin kaya napalingon kami sa kaniya, "Nike."

Kumurap-kurap ako at bahagyang nangunot ang noo sa sinabi niya. Nagtataka akong tumingin sa mga kasamahan ko bago ulit tumingin sa kaniya. Natahimik ang paligid at nakatuon sa kaniya ang mga mata at naghihintay ng sasabihin. Si Aya ba talaga ang kaharap namin?

High School Dilemma: The Descendants' Defender (Keeper Series #1)Where stories live. Discover now