Kabanata VIII: Kahulugan ng panaginip

70 5 89
                                    

IKAWALONG KABANATA: KAHULUGAN NG PANAGINIP

C A S E Y  D E   L E O N

"Casey, umalis na tayo rito," saad ni Alvaro habang nakatago kami sa likod ng puno. Madilim ang paligid at napapaligiran ng mga puno ang lugar na ito. Tanging mga yabag lang ng tao at paghampas ng hangin sa mga dahon at tangkay ang tanging naririnig.

"Pero hindi natin sila pwedeng iwanan! Umaasa sila sa akin. Kailangan nila ako," pagpupumilit ko habang patuloy ang pag-agos ng luha mula sa mga mata ko. Bakas ang awa sa kaniyang mga mata habang nakahawak sa braso ko. 

Humigpit ang hawak niya sa akin at diretso akong tiningnan sa mga mata.

"Kung babalikan natin sila, hindi mo rin sila maliligtas dahil huli na ang lahat. Nangyayari na ang dapat mangyari," hinihingal niyang saad dulot ng kanina pa naming pagtakbo. Mariin akong pumikit at nagluksa sa mga kaibigan ko. Lumunok ako at tinakpan ang mukha ko gamit ang kaliwa kong kamay. Hindi ko na kaya. Ang bigat sa dibdib.

"Casey," pagtawag niya sa akin.

"Casey," hinawakan niya ang mga pisngi ko at pinaharap sa kaniya, "hindi ito ang tamang oras para sumuko. Kung ayaw mong masayang ang lahat ng pinaghirapan niyo, gagawin mo ang lahat ng makakaya mo para mabuhay." 

Mahigpit niyang hinawakan ang dalawa kong kamay.

"Hindi tayo makakaalis dito hangga't hindi ka pa kumakalma." Dahil sa sinabi niya, pinilit ko ang sarili kong kumalma sa pamamagitan ng paghinga nang malalim. Bumitaw ako sa kaniya at pinunasan ang mga luha sa pisngi ko. Hindi ko inalintana ang pagod at matinding kalungkutang nadarama ngayon. Pinilit kong tumayo at sumama sa kaniya.

I have to live.

Nagising ako at napahawak sa aking dibdib. Hinabol ko ang hininga ko dahil ramdam ko ang takot sa dibdib ko at pagod. Dahan-dahan kong kinapa ang pisngi ko at lumingon sa paligid. Nasa dorm pa rin ako at may bakas ng luha sa pisngi ko.

Nightmare.

Katulad ng panaginip ko kahapon, parang totoong-totoo ito. Parang mangyayari sa hinaharap. Sa lagpas isang buwan kong nakita si Alvaro, doon ko lang siya nakitang may emosyon at may pakialam. Bakas sa mga mata niya ang magkahalong takot, lungkot, at kadesperahan habang kausap ko. Posible ba 'yun?

"Cas, buti gising ka na. Bumangon ka na r'yan at papasok na tayo," pagkalabit sa akin ni Alexis. Bumangon agad ako ng kama at hindi na nag-abalang magligpit dahil late na ako--ayoko rin naman talagang magligpit-- at dumiretso na sa banyo para maligo.

Mabilis lang akong naligo dahil malapit na kaming mahuli sa klase. First time pa naman naming i-me-meet si Ma'am Benilda, professor namin sa Filipino.

Hindi ko na nagawang kumain 'di tulad nila dahil ang nahuli akong nagising at naligo kanina. Pagkatapos kong mag-ayos ng sarili ay lumabas na agad kami sa dorm para pumasok.

Good thing, wala pa si ma'am pagpasok namin sa room. 

Inilibot ko ang paningin ko sa loob ng classroom at napalunok ako nang makita ang kumpleto kong kaibigan, maliban kay Kelly, na maayos ang kalagayan at buhay na buhay. Kinapa ko ang dibdib ko at pinakiramdaman ang mabilis na tibok ng puso ko. Kahit paano ay napagaan nito ang loob ko.

Right, that dream is just a nightmare.

Huminga ako nang malalim at umupo na sa upuan ko.

Pagkalipas ng ilang minuto ay dumating na si ma'am. Wala siyang dalang kahit ano bukod sa isang papel.

"Magandang araw, ako si Binibining Benilda, ang inyong guro sa asignaturang ito," pagpapakilala niya at ngumiti. Mahaba at unat ang itim niyang buhok, katamtaman ang tangkad, at may dimples. Morena siya at mukhang mabait kapag nakangiti. Sana lang talaga mabait siya.

High School Dilemma: The Descendants' Defender (Keeper Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon