Ikatatlumpu't pitong kabanata

34 3 98
                                    

C A S E Y  D E  L E O N

"I volunteer!" biglang sigaw ni Lulu habang nakataas ang kanang kamay. Napatingin kaming lahat sa kaniya.

Anong trip niya? Alam naman niyang mahirap 'yong gawin lalo na sa matatangkad na tulad niya.

"Pero mabagal kang kumilos, Lulu. Baka maipit ka pa o mabagalan sa pag-abot," pagtutol ni Sandra na nasa harap niya.

"No, I am not. I can do it," pagmamatigas niya.

"Bahala ka. Basta ilang segundo lang namin maaangat ang sofa, ah. Bilisan mo ang pagkuha."

"Sory, Lulu, pero si Aya ang pinakamabilis kumilos," kalmadong saad ni Charmaine habang nakatayo na sa gilid ng kama, katabi ni Aya.

"Paano mo nasabi?" nagtatakang tanong ni Alexis.

"Roommate namin siya kaya alam ko."

Bumaling si Charmaine kay Aya.

"Aya, ikaw nalang ulit. Pagkaangat namin nito, kuhanin mo agad ang nasa ilalim. O kaya tingnan. Basta ikaw na ang bahala. Kaya mo ba?" tuluy-tuloy na saad ni Charmaine at saglit na sumulyap sa orasan.

"S-Sige, try ko," hindi kampante nitong saad at saglit na tumingin kay Lulu na parang nahihiya. Agad din siyang nag-iwas ng tingin at nagtali ng buhok para siguro walang sagabal. Napatingin ako sa mahaba kong buhok. Mahirap pala talaga 'to. Maggugupit nga ako mamaya.

"What? Akala ko magkaibigan tayo, bakit ayaw mong ako ang kumuha?" Hindi ko alam kung may halong pagbibiro ang sinabi ni Lulu o hindi pero mukha siyang bata ngayon na inagawan ng laruan.

"Hindi ito ang tamang oras para sa ganiyan, Lulu," kinalabit ni Charmaine si Aya at tinanguan, "go na. Pagbilang namin ng tatlo, sumilip ka na agad sa ilalim at kunin kung anong makukuha mo, ah."

Tumango si Aya at huminga nang malalim. Dumapa siya sa sahig at inihanda ang sarili bago kami bumilang ng tatlo. Nasa lahat ng sulok ang mga kaklase ko, maski si Nimrod. Medyo mahirap dahil tatlo lang ang lalaki sa amin at lima ang babae. Hindi kasi makakailang mas malakas ang mga lalaki sa ganitong mga bagay. Pero malakas din naman si Sandra, mas malakas yata siya kay Jace.

Pagkatapos naming magbilang ng tatlo, sabay-sabay naming ginamit ang buong lakas upang iangat ang mabigat na kama. Samantalang pumasok agad paloob si Aya at may kinuhang kung anong bagay. Wala pang ilang segundo ay gumapang na siya palabas habang hawak ang isang maliit na kahoy. Bigla naming binitawan ang kama at halos mapaupo na sa sahig.

Ang hirap naman ng pinagawa nina ma'am! Contest ba talaga 'to? I can see no rivalries. I mean, sa activities, depende nalang talaga sa mga kaibigan ko kung maiinggit sila o hindi.

"Shet, ang sakit na agad ng braso ko!" sigaw ni Sandra at inikot-ikot ang braso niya.

"Oo nga, parang kakalas ang buto ko."

"Anong nakalagay r'yan?" Itinuro ni Kane ang maliit na parang keychain na hawak ni Aya. Kulay brown ito at may nakaukit pero hindi ko mabasa dahil maliit lang ito at natatakpan pa ng kamay ni Aya.

"Baybayin letters," aniya at binasa ang nakasulat. Nagmamadaling lumapit sina Sandra at Jace doon. Eh?

"Tat...long..." mabagal na pagbabasa ni Aya.

"Da...an/Labinwalo," sabay namang pagbasa nina Sandra at Jace. Hinati yata nila ang bawat salita para mas madaling basahin.

"Tatlong daan labinwalo," ani ni Charmaine at pinatayo na kaming lahat.

Saglit kong hiniram ang hawak ni Aya at napangiwi ako. Pamilyar ang mga letra dahil pinag-aralan na namin ang baybayin dati noon pero nakalimutan ko na agad.

High School Dilemma: The Descendants' Defender (Keeper Series #1)Where stories live. Discover now