Kabanata XLIII: Ang paglisan ni Casey

23 4 82
                                    

IKAAPATNAPU'T TATLONG KABANATA: ANG PAGLISAN NI CASEY

C A S E Y D E L E O N

Tuluy-tuloy ang pag-agos ng luha sa mga mata ko habang tinatahak ang makitid na lagusan. Bitbit ang lamparang nagbibigay liwanag sa dinaraanan ko, pinipilit ko ang sarili kong tumayo at ipagpatuloy ang paglalakad sa kabila ng sakit na nararamdaman. Hindi ito pisikal na sakit kundi emosyonal. Sa totoo lang, ang pinakaayaw ko sa lahat ay ang maiwan at mang-iwan. Sa nangyari kanina, pareho ko 'yong naranasan. Iniwan ako ni Alvaro at iniwan ko si Kuya Nicholai.

Kung ganito ang naranasan ko ngayon, paano pa kaya sa future? Paano kung hindi namin mapagtagumpayan ang misyon? Ganito rin kaya ang mararanasan ko o mas masakit pa?

Halos madapa-dapa na ako sa paglalakad dahil sa suot kong saya na abot hanggang paa. Unti-unti na akong nawawalan ng lakas at pag-asa dahil sa sobrang bigat ng loob. Hindi ko akalaing aabot ako sa ganitong punto sa mundong 'to.

Maya-maya'y nakakita ako ng isang hagdan pababa. Dahil one-way ang lagusang ito, sigurado akong hindi ako nagkakamali ng direksyong tinatahak. Bumaba ako ng hagdan at naglakad sa gitna ng dilim. Underground passage.

Pagkababa ko, hindi ko maiwasang lumingon sa dinaanan ko kanina.

Kumusta na kaya si Kuya Nicholai? Sana walang masamang nangyari sa kaniya.

Katulad niya, aasa rin ako na magiging ligtas siya. Ayokong masaktan si Kuya Nicholai nang dahil sa akin. Hindi ko iyon matatanggap.

Eh, si Alvaro kaya? Kaya ba siya umabot sa future ay dahil nagtago siya ngayon?

Hinawakan ko nang mahigpit ang lampara at ramdam ko ang paglubog ng puso ko dahil sa naisip. Sa buong buhay ko, ito na yata ang pinakamasakit na naranasan ko kay Alvaro. Noong una ay ayaw kong paniwalaan na may gusto na ako sa kaniya dahil sa takot na mauuwi ito sa wala pero hinayaan ko pa rin ang sarili ko. At ngayon, kailangan kong harapin ang sakit. Sa mga oras na 'to, hiniling ko sa sarili ko ay sana naging guardian ko nalang siya para hindi niya ako iwanan. Alam kong taliwas ito sa iniisip ko sa future pero wala, eh, nagkagusto ako sa kaniya.


Pagkalipas ng ilang minutong paglalakad nang diretso at paliko-liko, nakakita ako ng isang hagdan paakyat. Sa dulo nito ay isang pinto na napapalibutan ng vines. Kahit paano ay gumaan ang pakiramdam ko dahil sa palagay ko ay iyon na ang labasan.

Ibinaba ko ang lampara sa hagdan at ginamit ang dalawa kong kamay sa pag-angat ng saya habang naglalakad paakyat. Pagkarating sa taas, panandalian kong pinunasan ang pawis sa noo ko at mga natitirang luha gamit ang kanang braso.

Napangiwi ako dahil sa lagkit ng pakiramdam. Hindi na ako komportable sa suot kong baro't saya dahil nahaluan na ito ng pawis at mga luha. Ang hirap naman ng ganito.

Sa huling sandali ay nilingon ko ang dinaanan ko kanina habang nakakuyom ang kamao. Humugot ako ng malalim na buntong-hininga at lumunok. Ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa takot sa maaaring nag-aabang sa akin sa kabilang dako ng pintong ito.

Dahan-dahan kong inangat ang nanginginig kong kamay para hawakan ang doorknob. Kasabay ng malakas ng pintig ng puso ko, pinihit ko ito at at itinulak para buksan ang pinto.

Lahat ng imahinasyon na pumasok sa isip ko ay nag-iba nang masilayan ko ang labas. Taliwas sa mga iniisip ko, maaliwalas ang paligid at mapayapa. Mataas ang sikat ng araw at tumatama sa balat ko ang sinag nito.

High School Dilemma: The Descendants' Defender (Keeper Series #1)حيث تعيش القصص. اكتشف الآن