STORY #05: There Is Someone In Our House

8.2K 403 104
                                    

DEDICATED TO: KimberlyFortuno23 (Kimberly)

DEDICATED TO: KimberlyFortuno23 (Kimberly)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.








“BABE, babe! Gising…” Pabulong na gising ni Kimberly sa kaniyang asawa na mahimbing na natutulog sa kanilang kama. Sinasabayan niya iyon ng mahinang pagyugyog sa balikat nito. Alas dos na ng madaling araw. Tahimik ang buong kapaligiran at ang tanging naririnig sa kanilang kwarto ay ang mahinang ugong ng aircon.

“Bakit, babe?” ungot ng asawa niya na may kasamang inis. Ikaw ba naman ang gisingin sa gitna ng tulog mo ay kung hindi ka mainis, 'di ba?

“M-may tao. May nakapasok sa bahay natin!” bulalas niya na may kasamang takot.

Napabalikwas ng bangon ang asawa ni Kimberly sa kaniyang tinuran. “Anong sabi mo?!” tila nawala ang antok nito.

“'Wag kang maingay! Baka marinig niya tayo. May nakapasok dito. Sa bahay! Nandoon siya sa kusina.” Bungalow-type ang bahay nila. Sakto ang laki at merong dalawang kwarto. Ang isa ay sa nag-iisa nilang anak na babae.

Kanina ay bumangon siya at biglang nakaramdam ng uhaw. Nagpunta siya sa kusina at uminom ng tubig. Pabalik na sana siya sa kwarto nang may nakita siyang isang pigura ng tao na nakasilip sa nakabukas na pinto papunta sa laundry area. May tangan iyong kutsilyo at alam niyang nakatingin iyon sa kaniya. Dahil sa patay ang ilaw ay hindi niya nakita kung sino iyon o kung ano ang mukha. Tumakbo siya at takot na takot na ginising ang kaniyang asawa.

Matamang tumingin kay Kimberly ang kaniyang kabiyak. Maya maya ay tumawa ito. “'Ayan. Kakapanood mo ng horror movies sa Netflix. Napa-paranoid ka na. Kung anu-anong nakikita mo tuloy.” Ginulo pa nito ang buhok niya. “Ang mabuti pa, matulog na tayo. May family day pa ngayon ang anak natin sa school.” Hinawakan siya nito at iginiya pahiga pero pumiglas siya.

“Hindi imagination ang nakita ko! May ibang tao na nakapasok dito sa bahay natin. Maniwala ka!” Bigla siyang natigilan. “Ang anak natin! Baka kung anong gawin ng taong iyon sa anak natin!”

“Okay, okay. Calm down, Kimberly. Ano ba ang gusto mong gawin ko?”

“G-gusto kong dalhin mo dito ang anak natin. Mag-isa lang siya sa kwarto niya. Baka kung anong mangyari sa kaniya!” Nainis siya sa pagiging kalmado ng asawa niya. Itinulak niya ito nang mahina. “Bakit ba parang ayaw mong maniwala sa akin?!”

“Kimberly, imposibleng may ibang tao na makapasok sa bahay nating ito. Matibay ang mga pinto natin. May double-lock. May grills ang mga bintana at may burglar security alarm tayo. Kung totoo ang sinasabi mong may nakapasok na ibang tao ay tutunog iyon at—”

“Wala akong pakialam sa alarm na iyan! Ang gusto ko, dalhin mo dito ang anak natin! Bilisan mo. Tatawag ako sa pulis!”

Kalmadong itinaas nito ang dalawang kamay. “Okay. Pupuntahan ko na ang anak natin tapos iche-check ko na rin ang buong kabahayan para mawala na iyang takot mo.” Hinaplos pa nito ang kanang pisngi niya.

“M-mag-iingat ka…”

“Daddy? Mommy?”

Nagkatinginan silang dalawa nang marinig niya ang boses ng kanilang anak. Kumatok pa ito ng dalawang beses sa nakasaradong pinto ng kanilang kwarto.

Tumaas ang dalawang kilay ng asawa ni Kimberly. “See?”

“B-buksan mo ang pinto.” Utos niya. Natatakot pa rin siya kahit alam niyang ligtas pala ang kanilang anak. Hindi kasi maalis-alis sa isipan niya iyong pigura ng taong may dalang kutsilyo na nakita niya sa kusina.

Bumaba ng kama ang kaniyang asawa. Halatang tinatamad ito na naglakad at binuksan ang pinto. Lumabas ito at nagulat siya nang malakas na sumara ang pinto.

Isang mahabang katahimikan ang namayani sa silid habang mag-isa lang si Kimberly. Pigil ang paghinga niya habang hinihintay ang pagbalik ng kaniyang asawa kasama ang kanilang anak. Pero halos isang minuot na ang lumipas ay hindi pa rin bumabalik ang kaniyang asawa.

Napasinghap siya nang may dugong umagos sa awang sa ibaba ng pinto. Dahil doon ay nahinuhang niyang may hindi magandang nangyari. At upang makasiguro siya ay nagtapang-tapangan na lang siya sa pagbaba sa kama at lumapit sa nakasaradong pinto.

Nanginginig ang mga kamay na hinawakan niya ang door knob at pinihit. Marahan niyang hinila ang pinto at sa pagbukas niyon ay tumambad sa kaniya ang kaniyang anak. Nakatayo ito at nasa paanan nito ang duguan at puno ng saksak na katawan ng kaniyang asawa. At ang mas lalong gumimbal sa kaniya ay ang hawak na kutsilyo ng kaniyang anak!

“A-anak…” Hindi na alam ni Kimberly ang iisipin.

Matagal silang magkatitigan hanggang sa mapagtanto niya na katulad ng taas at bulto ng katawan ng anak niya iyong pigura ng taong nakita niya sa kusina.

Ang ibig bang sabihin nito ay…

“Mommy?” Ngumiti ito. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ngayon lang siya nakaramdam ng kilabot at takot sa ngiti ng kaniyang anak.

Ito ba ang pumatay sa kaniyang asawa? Pero fourteen years old pa lang ito. Sa tingin niya ay hindi pa nito kayang pumatay!

Hinakbangan nito ang katawan ng kaniyang asawa at marahang naglakad palapit sa kaniya. Bawat hakbang nito ay sinasabayan niya ng isang hakbang paatras. Hanggang sa mapasandal siya sa pinto. “Anak… Bakit ka may dalang—” At hindi na niya natapos ang sasabihin nang mabilis na lumapit ito sa kaniya sabay tarak ng kutsilyo sa kaniyang tiyan.

“I’m sorry, mommy. Kailangan ko lang itong gawin…” Walang emosyong sabi nito habang paulit-ulit siya nito sinasaksak sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan.










THE END

100 Tales Of HorrorOn viuen les histories. Descobreix ara