STORY #07: Visit

7.1K 391 46
                                    

DEDICATED TO: LeahLaitan (Leah)


DEDICATED TO: LeahLaitan (Leah)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.






NAGLALAKAD si Leah sa isang mahaba, makipot at tahimik na pasilyo. Nakasuot siya ng kulay itim na blouse at pencil cut skirt na ganoon din ang kulay. May dala siyang isang handbag na kulay pula. Marahan lang ang paglalakad niya. Umaalingawngaw pa ang bawat pagtama ng takong niya sa makintab na sementong nilalakaran.

Pagdating sa dulo ng pasilyo ay isang kinakalawang na pinto ang sumalubong sa kaniya. Hinila niya iyon at pumasok.

Nasa isang kulungan siya ng mga kriminal. May dadalawin siya. Isang tao na malapit sa kaniyang puso. Sa pagkakaalam niya ay nasa pinakadulo pa ang kulungan ng taong iyon.

Mahaba-haba pa ang nilakad ni Leah. Nilampasan niya ang mga seldang may tig-iisang preso na nakakulong. Puro mga lalaki. May natutulog, may nakaupo at merong mga nakatulala lang.

Patuloy lang siya sa paglalakad hanggang sa marating na niya ang pinakadulong selda. Isang lalaki ang nasa loob niyon na nakasuot ng kulay orange na t-shirt. Nakaupo sa sahig at magka-krus ang mga binti. Nakayuko ito na para bang wala nang ganang mabuhay.

“Kumusta ka na… asawa ko?” Basag ni Leah sa katahimikan.

Hindi kumibo ang lalaki. Hindi nagsalita na para bang hindi siya narinig.

Tumikhim siya sa pag-asang makukuha ang atensiyon ng lalaki. “Nandito ako para dalawin ka. Hindi ka ba masaya na dinalaw kita?” Nakatingin pa rin dito si Leah.

Oo. Asawa niya ang lalaking nakakulong.

“Umalis ka na.” Iyon ang unang salitang narinig niya mula dito.

Nagpakawala siya ng malalim na paghinga. “Ganiyan ba ang igaganti mo sa pagdalawa ko sa iyo? Ayaw mo bang nandito ako ngayon para—”

“Ayokong makita ka, Leah!” Mabilis na tumayo ang asawa niya at malalaki ang hakbang na lumapit.

Magkatapat ang kanilang mga mukha. Nakahawak ang lalaki sa rehas.

Ngumiti si Leah. “Pero gusto kitang dalawin dito…”

“Lubayan mo na ako! Parang awa mo na! Umalis ka na, Leah!” Halos maiyak na ito.

Napalitan ng galit ang ngiti sa mukha ni Leah. “Gusto kitang dalawin dito. Gusto kong makita kung ano na ang kalagayan mo dito matapos mo akong patayin!” Malakas na sigaw niya.

Sa isang iglap ay mabilis na nagbago ang anyo ni Leah. Nabalot ng dugo ang buong katawan niya. Namutla ang balat at nagkaroon ng maraming sugat mula sa saksak ng kutsilyo. Meron sa leeg, dibdib, tiyan at braso.

Napaatras ang asawa niya nang makita ang nakakahindik niyang anyo. “Parang awa mo na! Tigilan mo na ako, Leah! Nagsisisi na ako! Tigilan mo na ako!” Napasiksik ito sa isang sulok. Takot na takot na umupo at niyakap ang sarili. “Umalis ka na! Ayoko na! Ayoko na!” Patuloy na sigaw nito na akala mo ay nasisiraan na ng bait.

“Hoy! Tumahimik ka nga diyan! Baliw!” sigaw ng isang preso na mukhang naiingayan na sa pagsigaw ng asawa ni Leah.

Matiim niyang tinitigan ang kaniyang asawa na kumitil sa kaniyang buhay. “Hindi kita titigilan hangga’t hindi ka namamatay!” Nagbabaga sa poot ang mga mata ni Leah.














THE END

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now