STORY #75: You're Not That Scary

2.9K 247 22
                                    


DEDICATED TO: ChixNaPogiAko (Jeanne)

DEDICATED TO: ChixNaPogiAko (Jeanne)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.





WELCOME to “Kakabakaba Horror House”—ang horror house kung saan mapapaihi ka sa takot! Awooo… Awooo!

Ako si Jeanne at isang taon at isang buwan na akong nagtatrabaho dito. Ano ang trabaho ko? Isa lang naman ako sa nananakot sa mga pumapasok sa aming horror house. Ang cool, 'di ba? Duguang white lady ang ganap ko. Puti ang mahabang damit na may dugo, mahaba ang buhok at may nakakatakot na mukha. Nakapwesto ako malapit sa exit. Kumbaga, ako ang pang-finale.

Marami ang nagpupunta sa aming horror house dahil sa mura ang entrance. One hundred pesos lang. Mura na kumpara sa ibang kalaban namin na mga horror house.

Mahal na mahal ko ang pananakot. May kakaibang satisfaction akong nararamdaman sa tuwing nakikita kong natatakot sa akin ang mga tao. Sa sobrang pagmamahal ko sa trabahong ito, palagi kong sinasabi sa sarili ko na ito na ang gusto kong maging trabaho hanggang sa aking pagtanda… hanggang sa huling hininga.

Alam ninyo kasi, nahirapan talaga ako noong unang buwan ko sa trabaho kong ito.

Bakit? E, kasi hindi daw ako nakakatakot. Wala daw kwenta ang acting ko bilang isang white lady. Pinagtatawanan ako ng mga tao imbes na matakot sila.

Nang makarating iyon sa may-ari ng Kakabakaba Horror House ay kinausap niya ako. Ang sabi niya, isang linggo na lang ako sa horror house at aalisin na niya ako. Humihina daw kasi ang kita nila dahil sa akin. Ikinukwento kasi ng mga pumapaso sa horror house na hindi daw ako nakakatakot at nakakarating iyon sa iba. Kaya imbes na pumunta sa Kakabakaba Horror House ay hindi. Sino ba naman ang pupunta sa isang hindi nakakatakot na horror house, 'di ba?

Nakiusap ako kay ma’am na huwag niya akong aalisin dahil sa hindi na ako sigurado kung may tatanggap pa ba sa akin. Hindi kasi ako nakatapos ng high school kaya nahihirapan akong maghanap ng trabaho.

“Kapwa tawad tayo, Jeanne. Malulugi ang negosyo kung hindi kita aalisin. Pasalamat ka at binigyan pa kita ng isang linggo!” Iyan ang sinabi ng amo ko sa akin dati.

May naisip akong idea. Ganito naman ang sinabi ko sa kaniya. “Ma’am, kapag po ba naging nakakatakot ako ay hindi niyo na ako aalisin? Please po! Gagawin ko po ang lahat. Kapag sa loob ng isang linggo at walang pagbabago sa akin ay aalis na ako!”

“Okay. Sige, Jeanne. Pero duda ako na may matatakot pa sa iyo. Dahil ako mismo ay pumasok sa horror house at sa iyo lang ako hindi natakot. Pero doon sa ibang nananakot ay nagkanda-utot ako sa sobrang takot ko!”

Ganiyang ang naging deal namin ni ma’am.

Ginawa ko ang lahat para maging nakakatakot ako. Nilalakasan ko ang pag-iyak at pagsigaw ko ngunit tila wala pa rin iyong epekto sa mga tao.

Hanggang may naisip akong isang ideya. Isang ideya na nagpabago ng buhay ko. Simula kasi ng gawin ko iyon ay marami na ang natatakot sa akin. May mga naiihi, naiiyak at may nanghihimatay pa nga, e.

Nakakatuwa dahil akala ko ay mawawala na ang trabaho kong ito sa akin. Pero tingnan ninyo, nandito pa rin ako sa pwesto ko sa Kakabakaba Horror House. Ako pa rin ang pang-finale!

Uy, teka lang. Mamaya na ako makikipag-kwentuhan sa inyo. May paparating na kasi sa pwesto ko. Mananakot na ako. Panoorin ninyo kung paano ako manakot!

Madilim sa kinatatayuan ko kaya hindi pa ako nakikita ng dalawang babae na paparating. Halos magyakap na sila sa takot. May mga nakakatakot din kasi bago ako pero ako talaga ang pinakaaa nakakatakot!

Nakatuntong nga pala ako sa upuan na yari sa kahoy tapos may lubid na nakatali sa leeg ko. Nakakonekta ang lubid sa matibay na kahoy sa kisame.

Inhale… Exhale… Kailangang galingan ko. Simula kasi ng gawin ko ito ay wala nang tao ang hindi natatakot sa akin.

'Ayan na. Malapit na sila sa akin!

Biglang bumukas ang ilaw sa tapat ko nang nasa harapan ko na sila. Tumalon ako sa upuan at takot na takot na napasigaw ang dalawang babae nang makitang nakabigti ako habang nakalawit ang mahaba kong dila. May lumabas na malapot na dugo sa bibig ko na sinundan ko ng malakas na pag-iyak.

Sa sobrang takot no’ng isa ay nawalan siya ng malay. Natatarantang binuhat siya ng kasama niya na halos mabaliw na sa pag-iyak. Nang makalabas na silang dalawa ay saka ko inalis lubid sa aking leeg at tumawa nang tumawa.

Nakakatawa kasi ang hitsura nilang dalawa!

Naririnig ko pa ang pagsusumbong ng babae sa lalaking nagbabantay sa exit.

“Kuya! Grabe naman iyong white lady sa exit! Sobrang nakakatakot! Nanghimatay pa 'tong kaibigan ko, kuya!” Humahagulhol talaga siya.

“G-ganoon po ba, ma’am. Pasensiya na po. May clinic po kami dito. Samahan ko po kayo.”

'Di ba? Totoo ang sinabi ko sa inyo. Nakakatakot na talaga ako!

Maya maya ay narinig ko ulit na nagsalita iyong bantay sa exit pero iba na ang kausap niya. Isang lalaki din.

“Naku, umatake na naman si Jeanne. Nagpakita siya doon sa dalawang babae!”

“Dapat kasi pinapadasalan na iyang horror house para hindi na nagmumulto diyan si Jeanne.”

“Pagka-tanga naman kasi ng babaeng iyon. Biruin mong nagbigti-bigtihan para makapanakot. 'Ayon, natuluyan kaya diyan siya namatay!”

Napangiti na lang ako sa pag-uusap na narinig ko. Bumalik ako sa pagkakatuntong sa upuan at naghintay ng susunod na papasok sa aming horror house…






THE END

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now