STORY #74: Creepy Woman

3.6K 222 16
                                    

DEDICATED TO: YvetteWayne (Zirhanna)


DEDICATED TO: YvetteWayne (Zirhanna)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.



NANINIWALA ako na maraming bagay o pangyayari dito sa mundo na mahirap paniwalaan at ipaliwanag. Isa ako sa mga taong naniniwala sa mga kababalaghan gaya ng mga multo at aswang.

Sinasabi ng iba na kapag mas naniniwala ka ay may posibilidad na hindi magpapakita sa iyo ang mga nilalang na aking nabanggit. Pero… mali sila. Dahil isang pangyayari sa buhay ko ang hinding-hindi ko makakalimutan. Isang kababalaghan na hanggang ngayon ay nagpapatayo pa rin sa balahibo ko sa tuwing naaalala ko kahit pa halos isang taon na ang nakakalipas simula ng mangyari iyon sa akin.

Huwag kayong mag-alala dahil buhay pa ako hanggang ngayon. Kaya nga naiku-kwento ko pa ito sa inyo, 'di ba?

-----ooo-----

DATI akong nagtatrabaho sa isang pabrika ng candy. Shifting ang schedule ng aking pasok. Minsan ay sa gabi, minsan ay sa umaga. Sa araw na iyon ay day shift ako. Ala-sais ang pasok ko kaya gumising ako ng maaga. Isa pa, ala-singko ang pick up ng shuttle namin sa amin sa pick up point.

Kasama ko sa iisang apartment ang katrabaho at kaibigan kong babae. Nagkataon na off niya kaya ako lang ang nagising ng alas-kwatro ng umaga para mag-asikaso sa pagpasok.

“Ingat ka, Zirhanna!” sabi sa akin ng katrabaho ko.

Halata sa mukha niya ang labis na pagod. Masyado kasi siyang masipag. Minsan ay diretso ang pasok niya sa isang linggo. Mabuti nga at naisipan niyang mag-off ngayon.

“Bakit naman gumising ka pa, Faye?” Palabas na ako ng apartment. Nasa may pinto na ako.

Bumuntung-hininga si Faye. “Ewan ko. Hindi ako makatulog kahit pagod na pagod ako. Pag-alis mo, Zirhanna, susubukan ko ulit matulog,” saad niya.

Tumawa ako ng mahina. “Sige na. Aalis na ako para makatulog ka na. Bye!” sabi ko at lumabas na ako ng unit namin ni Faye.

May tatlong palapag ang apartment na tinitirahan namin at nasa third floor ang aming unit.

Oo nga pala, naglalakad lang ako papunta sa pick up point ng shuttle namin. Hindi iyon malayo dito sa aming apartment. Madilim pa rin kapag ganitong oras. Tahimik pa ang paligid at halos wala pang tao sa labas.

Naglalakad na ako sa hagdan paibaba nang may nakita akong babaeng nakasuot ng kulay itim na blouse at palda na nakaupo sa hagdan. Mahaba ang buhok niya gaya ko. Ang sa akin nga lang ay nakaipit habang sa kaniya ay nakalugay. Umaabot iyon sa may beywang niya. Hindi ko makita kung sino siya dahil nakatalikod siya.

Lalampasan ko na lang sana ang babae pero bigla siyang tumayo at naglakad. Mabagal siyang maglakad at nasa likuran niya ako kaya hindi ko magawang bilisan ang paghakbang.

Gusto ko nang umuna sa kaniya pero dahil sa hindi malawak ang hagdanan ay hinayaan ko na lang siya sa paglalakad ng mabagal.

Sa wakas ay nakalabas na ako ng apartment. Nasa unahan ko pa rin siya.

Walang ibang tao akong nakikita sa labas. Isang mahabang kalsada ang lalakaran ko bago ako makalabas sa main highway.

Hindi ko alam pero may kakaiba akong nararamdaman sa babaeng nasa unahan ko. Nagtatayuan ang balahibo sa braso ko. Ewan ko, baka dahil iyon sa malamig na hangin tuwing madaling araw. Hindi ako sigurado.

Tuwing sinusubukan kong umalis sa unahan niya ay humaharang pa rin ang babae sa unahan ko. Kapag pupunta ako sa kaliwa ay kakaliwa din siya. Kapag sa kanan ay kakanan din siya.

Ano bang problema ng babaeng ito? May inis kong tanong pero hindi ko na isinatinig. Sa ginagawa niya ay baka maiwanan ako ng shuttle namin.

Hindi na ako nakatiis. “Ate, baka pwedeng mauna ako sa iyo. Baka kasi ma-late na ako.” Pinilit kong magpakahinahon.

Para siyang walang narinig. Naglalakad pa rin siya sa unahan ko.

Huminto ako. Tumigil din ang babae.

Kumaliwa ako pero humakbang din siya sa kaliwa kaya naharangan na naman niya ako.

Doon na ako hindi nakapagtimpi. Nasigawan ko na siya. “Ano ba, ate?! Nananadya ka ba?! Kanina ka pa!” Hinawakan ko siya sa balikat at pilit na iniharap sa akin.
Marahan siyang pumihit paharap. Huli na para malaman ko na mali ang ginawa kong pagpapaharap ng babae sa akin.

Nanlamig ang buong katawan ko at hindi ako nakagalaw nang makita ko ang mukha niya. Kamukhang-kamukha ko siya! Ang tanging ipinagkaiba namin at ang talagang nagbigay ng takot sa akin ay nakabaligtad ang mukha niya. Nasa itaas ang bibig niya at nasa ibaba ang mga mata. Talagang baligtad ang kaniyang mukha!

Ngumiti pa siya ng malaki na naging dahilan para mawalan ako ng malay…






THE END

















NOTE: Hindi po muna ako kukuha ng mga pangalan para sa characters sa linggo na ito dahil may mga naka-pending pa pong names. Salamat po.

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now