STORY #32: Blink, Blink, Blink

4.3K 289 47
                                    

DEDICATED TO: HarylArascow (Moira)

DEDICATED TO: HarylArascow (Moira)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.





NAKAUPO ako sa sahig habang yakap ang mga tuhod. Mula doon ay naririnig ko ang pag-uusap ng lalaking kasama ko sa bahay na iyon at ng isang pulis.

"May nakapagsabi sa amin na may babaeng sumisigaw daw dito sa bahay mo. Tumawag sila sa amin para i-check kung totoo ang sinasabi ng mga kapitbahay mo," boses iyon ng pulis.

"Naku, naghaharutan lamang po kami ng asawa ko kagabi. Napalakas siguro ang sigaw niya. Alam mo na, sir!" Tumawa nang maikli ang lalaki.

"Asawa? Asawa mo ang babaeng sumisigaw daw kagabi?"

"Opo, sir. Sandali at tatawagin ko siya." Tumingin ang lalaki sa akin. "Moira, halika nga dito. Sabihin mo sa pulis na ayos ka lang."

Agad akong tumalima. Tumayo ako at pumunta sa kinaroroonan ng lalaki. Nasa tabi niya ako. Nasa labas ng pintuan ang lalaking pulis na medyo may edad na.

"Totoo ba ang sinasabi niya na asawa ka niya?" tanong ng pulis.

Ngumiti ako. "Yes po, sir." Tatlong beses akong kumurap nang mabilis. Kasunod ay tatlong beses na kurap na mabagal at tatlong beses na kurap na mabilis ulit.

"Ikaw ba ang sumisigaw dito kagabi? Para daw humihingi ng tulong sabi ng mga kapitbahay ninyo. Ayos ka lang ba dito, Moira?" tanong pa ng pulis.

Kumurap ako ng mabilis. Tatlong beses. "Ayos lang po ako, sir." Kumurap ako ng tatlo. Mabagal. "Totoo ang sinabi ng asawa ko na naghaharutan lang kami. Napasigaw ako nang malakas kasi kinikiliti niya ako. Iyon lang po iyon. Ayos lang po ako dito." At kumurap ulit ako ng tatlong beses na mabilis.

Tumango-tango ang pulis. "Mabuti naman kung ganoon. O, sige. Aalis na ako. Mag-iingat kayo..."

Inulit ko ang pattern ng pagkurap ko.

Kumunot ang noo ng pulis. "May problema ba iyang mata mo at kanina ka pa kurap nang kurap? Ipatingin mo na iyan sa doktor at baka kung ano na," aniya sabay talikod.

Halos maiyak ako habang papalayo na ang pulis. Sa tingin ko ay wala siyang alam sa Morse code... Hindi niya naiintindihan ang ibig sabihin ng pagkurap ko.

"Halika ka na, Moira." Mahigpit na pinisil ng lalaki ang isa kong braso habang isinasara niya nang mabagal ang pintuan.

Tatlong mabilis na kurap. Tatlong mabagal na kurap. At tatlong mabilis na kurap.

Ang ibig sabihin niyon ay SOS-kailangan ko ng tulong.

Sana, ang susunod na pulis na pumunta dito ay iyong alam ang dahilan ng pagkurap ko ng ganoon. At sana kapag nangyari iyon ay hindi pa huli ang lahat.

Gusto ko nang umuwi sa amin.

Gusto ko nang makawala sa lalaking ito na dumukot sa akin ilang araw na ang nakakaraan.







THE END

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now