STORY #66: Knock, Knock, Knock 2

3.2K 212 25
                                    

DEDICATED TO: carmelaraineriego (Russel)


DEDICATED TO: carmelaraineriego (Russel)

Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.






ISA ako sa mga taong hindi natatakot sa mga multo at mga aswang kahit pa naniniwala ako sa kanila. Malaki kasi ang paniniwala ko na hindi lang tayong mga tao ang naninirahan dito sa mundo. Naniniwala ako sa mga kababalaghan at bagay na hindi kayang ipaliwanag ng siyensa.

Pero akala ko ay matapang na ako sa mga ganiyang bagay. Akala ko lang pala. Dahil isang karanasan ang sumubok sa akin at sa tapang ko...

Nagkakagulo sa labas ng aming bahay. Nagwawala na naman daw ang tiyuhin ko. Alam kong lasing na naman iyon. Ganoon kasi ang tiyuhin ko. Kapag lasing lang lumalabas ang tapang. May inuman kasi sa amin habang nakaburol ang aking lolo. Nasa may salas ako ng sandaling iyon at nakaupo sa mahabang upuan na halos isang dipa ang layo sa kabaong ng aking lolo na nakaburol.

Sa mga oras na iyon ay abala ako sa paglalaro ng Mobile Legends sa aking cellphone.

"Russel!" Medyo nagulat ako sa natatarantang pagtawag ng aking nanay makalipas ang ilang minuto matapos na tumahimik na sa labas.

"Bakit po?" sagot ko nang hindi tumitingin sa kaniya. Nasa cellphone ang aking mga mata dahil nasa kalagitnaan ako ng paglalaro.

Kapag kasi naglalaro ako niyon ay hindi ako naaabala.

"Ikaw muna ang bahala dito kay lolo mo. Pupunta kami sa baranggay."

"Ha? Bakit po?"

"E, ang tiyuhin mo-may nasuntok na sa labas! Nasa baranggay ngayon. Pupuntahan ko lang."

"Sige po. Ako na ang bahala dito. Saglit lang naman kayo, 'di ba?"

"Oo." Kinalabit niya ako sa likod ng aking ulo. "Hoy, ikaw! Bantayan mo ng maigi dito. Baka naman kupitan mo ang abuloy sa lolo mo. Ikaw bahala na multuhin niyan!"

"Ako pa talaga tinakot ninyo, e, hindi ako matatakutin sa ganiyan." Natatawa kong turan.

Umalis na ang nanay ko. Tutok pa rin ako sa aking cellphone. Nang matapos ang aking nilalaro ay napatingin ako sa aking likuran. Doon ko nalaman na mag-isa na ako. Wala na ang mga taong nakikipaglamay kanina. Mukhang nakiusyuso ang mga iyon nang manggulo sa labas ang tiyuhin ko. O baka natakot sa pagwawala niyon kaya umalis silang lahat.

Kumibit-balikat lang ako at naglaro pa ng isang game. Nakadalawang sunod na talo ako kaya itinigil ko muna. Wala pa rin ang nanay ko. Medyo inaantok na ako ng oras na iyon dahil malapit na ang hating-gabi.

Tumayo ako sandali para isarado ang pinto. Ini-lovk ko iyon para walang makapasok. Kakatok naman sina nanay kapag dumating sila. Hindi naman ako malalim matulog at mabilis lang akong magising sa kakaunting ingay.

Bumalik na ako sa aking pagkakaupo. Dahil sa mahaba ang kinauupuan ko ay humiga ako doon ng patagilid. Nakaipit sa gilid ng aking shorts ang aking cellphone.

Mabilis akong nakatulog. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na tulog nang magising ako dahil sa pagkatok na aking narinig. Malalakas na pagkatok na para bang gigibain na ang aming pinto. Tatlong magkakasunod na mga katok.

Muntik pa nga akong malaglag sa pagkakahiga sa upuan sa gulat.

Kakamot-kamot sa ulo na binuksan ko ang pinto. Inaasahan ko na makikita ko sina nanay pero hindi. Ang nakakapagtaka pa ay walang tao doon.

Sino kayang nang-ti-trip sa akin? Tanong ko sa sarili.

Isinara ko ang pinto at naglalakad na ako pabalik sa upuan nang may kumatok ulit ng tatlo. Binuksan ko ang pinto ngunit wala ulit akong nakitang tao.

Luminga ako sa labas. Wala akong nakikitang tao. Lumabas pa ako ng bahay at nagpunta sa gilid at baka naroon ang nang-ti-trip sa akin pero wala din akong nakita. Kaya pumasok na ako at isinarado ang pinto.

Pagtalikod ko sa pinto ay may kumatok ulit. Tatlo. Mas malakas.

"Putang-" Binuksan ko ng mabilis ang pinto. Wala na naman akong nakita.

Doon na tuluyang nag-init ang ulo ko. "Hoy! Kung sino ka man na tarantado ka! Hindi maganda ang ginagawa mo! Magpakita ka sa akin at nang makita mo hinahanap mo!" Naging kagaya na tuloy ako ng tiyuhin kong matapang kapag lasing.

Iiling-iling ako dahil walang sumagot o nagpakita sa aking tao.

Kaya para hindi na ako maloko ng kumakatok ay hindi ko na isinarado ang pinto. Hindi na ako tutulog at hihintayin ko na lamang na makauwi sina nanay.

Pagkaupo ko sa kinauupuan ko kanina ay narinig ko na naman ang tatlong katok.

Mabilis akong napalingon sa aking likuran upang tingnan ang pinto. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakaramdam ako ng pagtaas ng balahibo sa aking braso. Iyon ay dahil may malamig na hangin na tila humaplos sa aking balat.

Napalunok ako ng sariling laway.

Saan nanggaling ang pagkatok na iyon? Bukas na ang pinto, e.

Habang nakatingin ako sa nakabukas na pinto ay narinig ko ang pagkatok. Doon ko napagtanto na hindi sa pinto nanggagaling ang pagkatok na aking naririnig. Marahang pumihit ang ulo ko at napatingin sa kabaong ng aking lolo na nasa aking unahan.

Nagulat ako nang may kumatok ulit.

Sigurado na ako. Sa loob ng kabaong nanggagaling ang pagkatok!

Kung kanina ay patatlo-tatlo lang ang pagkatok ngayon ay sunud-sunod na. Nakikita kong gumagalaw na ang kabaong. Umaangat na ng kaunti ang takip niyon sa bawat pagkatok!

"Mama ko!!!" Hindi ko na napigilan ang mapaihi sa sobrang takot.

Napatakbo ako palabas ng bahay at muli akong napasigaw nang makasalubong ko ang nanay ko at tiyuhin. Takot na takot na ikinuwento ko ang nangyari pero tinawanan lamang nila ako at hindi pinaniwalaan.

Simula ng gabing iyon ay naging matatakutin na ako. Hindi ko alam kung bakit nagparamdam si lolo sa akin sa ganoong paraan. Hanggang sa ngayon ay isang malaking palaisipan pa rin sa akin ang pangyayaring iyon...







THE END

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now