P R O L O G U E

472 32 0
                                    

Prologue

GRIMWALD EMPIRE. Ang isa sa dalawang malalakas na imperyong namumuno sa kabuuang lupain ng RavenGrynde Continent. Kontinenteng puno ng kababalaghan at mga nakatirang mahikerong sabik sa itim na mahika't kasakiman. Dalawang libong taon na ang nakalilipas magmula nang simulan ng isang Dark Bishop na nagngangalang Fergorn, ang kauna-unahang Empirical Dark Magic War na kalahok mismo ang tatlong kaharian na nasasakupan ng imperyo ng Moonovien na sakop ang tatlong malalakas na kaharian sa kanluran.

Nangunguna ang Yeloumi kingdom, ang kahariang mismong nakatayo sa sentrong lupain ng Moonovien empire. Pinamumunuan ito ng makapangyarihang Haring si Rhagna, ang matalik na kaibigan ng dark bishop na si Fergorn. At sa pamamagitan ng kanilang masakim at makasariling hangaring itaboy ang magiting na emperador ng Grimwald na si Emperor Grey, sumiklab ang digmaan sa pagitan ng dalawang imperyong ito.

Si Emperador Moon. Ang kaisa-isang taong may likas na taglay na uri ng puting mahika, at sa tulong pa ng malalakas na diablerie- mga masasamang conjurers o mahikerong tanging hangad ay maghasik ng kaguluhan sa mundo, bumagsak ang buong imperyo ng Grimwald.

Naghari si Fergorn sa bumagsak na imperyo na tumagal nang halos pitong taon na kalauna'y tinawag ng kasaysayan bilang ang 'Fergorn dictatorship' o ang panahon ng 'Heartless Leadership History'.

Mula sa pagiging mabuting imperyo, naging katulad ng Moonovien ang Grimwald sa loob ng pamumuno ni Fergorn. Dumating ang tag-gutom. Ang lahat ng nasasakupang kaharian nito'y bumagsak din kasabay no'n at maraming inosenteng mamamayan ang nawalan ng buhay, sa kamay man ng malupit na diktador o dahil sa di makayanang pagod at gutom.

Hanggang sa hindi inaasahang pagkakataon. Sa isang malayong dako ng kontinente, malapit sa malupit na karagatan ng Ivalan. Sakop ng isang tagong lugar ng dukedom- isang independenteng kaharian na malayo sa sakop ng dalawang nagkakagulong imperyo.

Isinilang ang isang batang lalaking kakaiba sa nakararaming sanggol na isinilang sa panahong 'yon. Sya'y may asul na kulay na mga matang hugis hourglass. Sya ang anak ni Duke Galahad, ang anak ng isang White Bishop na minsang namuno na sa Grimwald Empire at ang aasahang uupo muli sa trono ng Grimwald at magbabalik ng kaayusan sa pagitan ng dalawang di magka-unawaang imperyo.

Ngunit bago pa man mangyari ang inaasahang propesiya, isang assassination ang naganap. Namatay ang mga magulang ng bata sa isang madilim at maulang gabi sa hindi malamang salarin.

Sa isang palasyong puno ng guwardiya't magical barriers, pumasok na nagmamadali ang white bishop sa protektadong silid ng sanggol kasama ang mangilan-ngilan na lamang na mga knight conjurers upang ito'y alamin kung ligtas ba.

Subalit huli na ang lahat, nang maabutan nila sa isang puting kumot ang duguang sanggol at wala na itong buhay.

Nang sa sandaling hagkan ng white bishop ang patay na katawan ng kanyang apo, umiyak sya't nagluksa kasabay ng buong kalangitan nang mismong gabing 'yon.

At sa mismong sandaling ito, dahil sa pagnanais ng white bishop na mabuhay ang bata kahit ano pa man ang mangyari, nakipagkasundo sya sa espiritu ng dilim. Ang hari ng kadiliman, ang panginoon ng kamatayan.

Sa mismong silid na 'yon, sa makidlat at maulan na gabing 'yon, ginawa ng white bishop ang lahat ng paghahanda upang simulan ang reincarnation ritual na minsang ipinagbabawal sa kanilang angkang gamitin.

Pinilit man syang pigilan ng kanyang natitirang nasasakupan subalit ang white bishop ay hindi nagpatinag at itinuloy pa rin ang kanyang nais. Sa mga huling sandali ng mga di maipaliwanag na salitang kanyang binanggit na minsan na nyang napag-aralan at hindi inasahang kanyang magagamit sa sandaling ito, binalot ng magkahalong itim at asul na liwanag ang buong silid.

Sa takot ng iba, napilitan silang lumabas na nanginginig sa presensyang kanilang naramdaman na umusbong mula mismo sa isang madilim na bahagi ng kwartong iyon. Maliban, sa nanghihinang white bishop na nakaluhod sa sahig na puno ng kanyang luha't pawis.

Natapos ang kanyang ritwual sa wakas. Ngunit hindi pa rin nito napansin o narinig man lang ang iyak o ungol ng kanyang apo. Patay pa rin ito sa kabila ng kanyang ginawa.

Napahagulhol na lamang sya sa sobra-sobrang pagod at hinagpis. Lumapit ang itim na pigura sa kanyang gilid. Ito'y may dala-dalang karit na lagpas hanggang ulo ang haba mula sa pagkakatungkod sa sahig. Kalansay ang mukha't mga kamay na may mahahabang kuko. Pula ang mga nagliliwanag nitong mata't bungo ang anyo ng mukha.

"Sinadya mong suwayin ang batas ng iyong angkan, white bishop. Tanggapin mo ang kaparusahan sa iyong muling pagbuhay sa dapat ay patay na't, ako'y ginambala mo pa dahil sa iyong sariling interes lamang!"

Malamig at malalim na saad ng kamatayan sa nakayukong white bishop.

"Bakit hindi nabuhay ang aking apo?" nanghihina ma'y nagawa pa rin itong maitanong ng white bishop sa aninong kausap nya.

Matagal bago muling nagsalita ang kamatayan. "Hindi sya mabubuhay muli sa iisang katawan lang. Muli syang isisilang sa ibang katauhan ngunit hindi mo sya kailanman, muling masisilayan."

"Hangad kong makita ang apo ko!" tumayo na galit na galit ang white bishop na hinarap ang anino. "sabihin mo sa 'kin kung nasaan sya. Kung ayaw mong sapilitan ko 'yong gawin-arghk!"

Isang malakas na pagkatusok sa mismong dibdib ng white bishop ang nagpatigil sa kanya sa pagsasalita. Tumagos ang karit na hawak ni kamatayan sa katawan ng white bishop. Umagos ang dugo mula roon nang matanggal ang sandata't bago bumagsak ang white bishop, isang dark and white hourglass ang nilikha ni kamatayan at mabilisang ibinaon ito kapalit sa pwesto kung saan ang nasirang puso ng white bishop.

"'Yan ang takda ng ating kasunduan. Sa oras na maubos ang puting abo sa itaas na bahagi ng hourglass, magiging itim na abo ang mga ito sa ibabang parte't 'yon ang tanda na tapos na ang oras mo. Ikaw ang susunod na magiging isang grim reaper pero bago 'yon, bibigyan kita ng palugit na mabuhay bilang tao, katumbas ng oras na natitira sa puting abo sa hourglass mo."

Sa naging malinaw na paliwanag ni kamatayan natigil ang white bishop at hindi makapaniwala sa naririnig nito.

"Ang sanggol na tinangka mong buhayin muli, ay ang tinakdang maghahari maging sa kadiliman at sa buong kaharian sa balat ng lupa. 'Yan ay parangal ko sa 'yo bilang pag-sakripisyo sa buhay mo para tubusin ang gawain ko't maglaho."

"Kung gano'n. Niligtas kita?" tanong ng white bishop subalit hindi sumagot si kamatayan.

"Walang dapat makaalam sa kasunduang naganap dito. Tandaan mo ang halaga ng buhay na ipinahiram ko sa 'yo sa sandaling ito. Hamak na tao." matapos no'n ay lumitaw si kamatayan sa tuktok ng gusali sa mismong palasyo ding 'yon.

Itinaas ang dalawang palad at ito'y nagpalitaw ng kayumanggi, asul, pula, berde, puti, itim, at magkahalong puti at itim na hourglass na nakalutang sa ere.

"Sa pamamagitan ng pitong uri ng hourglass na ito, nagkasundo ang langit at kadiliman na pakawalan ko ang kapangyarihang ito sa buong mundo. Susubukan kung sino ang mas malakas. Susubukan kung sino ang mas sakim, at susubukan kung sino mas marangal kapg taglay nila ang ganitong klase ng kakayahan na ipagkakaloob ko." at sa sabay na pitik ng daliri ni kamatayan, tila bombang sumabog nang pagka-lakas-lakas ang lahat ng hourglass na 'yon.

Kumalat ang shockwave na tila anyong bahaghari na umabot saan mang kasulok-sulukan ng mundo. At kinaumagahan no'n, nagbago ang lahat sa isang iglap lamang.

Ang buong mundo'y mas lalong nagkagulo. Mas mabagsik na digmaan ang naganap. At higit sa lahat, mas marami ang namatay sa loob ng dagdag na sampung taong digmaan ng makapangyarihang nilalang. Kung noo'y nasa Dukedom lamang ang tinatawag na conjurers, ito'y lumaganap na sa buong mundo't mas nahasa pa ng mas maraming tao.

Ang mahika'y hindi na kailanman naging sikreto. At ito'y inisip na normal na lamang ng lahat, at gaya ng inasahan ng hari ng kadiliman na nagmamasid lamang ng patago, naging mas masakim ang lahat ng tao.

"Ito'y sadyang inasahan ko nang mangyayari. Ano na ang gagawin mo ngayon, kaibigan." bulong ni kamatayan na nakatingala sa kalangitan. "Sinabi ko na sa 'yong tanging pagkawasak lamang ang hatid nang pagiging mapagbigay mo. Pustahan nati'y natalo rin kita."

"Ngayon..."

"...nasa sa kamay na mismo ng batang may asul na kulay na mga mata ang magiging kapalaran ng buong sanlibutan."

The Grim Reaper's Hourglass [COMPLETED]Where stories live. Discover now