DJ Samboy, paki imbestigahan naman

36 4 0
                                    


Ikaw ba ay naniniwala sa kababalaghan? Kung oo, basahin mo ito. At kung hindi naman, maaari bang ipaliwanag mo? Kung ikaw ay edad labinlima pataas, marahil naabutan mo ang palabas na "Midnight DJ" na pinagbibidahan ni Oyo boy Sotto at ini-ere tuwing gabi ng sabado. Napakagandang panoorin bilang pahinga sa isang nakakapagod na linggo. Ikinagagalak ko na isa ang aking tiyuhin sa nagorganisa at nagsilbi ding driver ng mga aktor sa nasabing palabas. Hanggang sa isang araw, ang mga staff ng Midnight DJ ay napadpad sa isang abandonadong bahay sa isang subdibisyon. At dahil nga sa katatakutan ang tema ng palabas, agad naman itong naaprubahan ng direktor at ng buong pruduksyon ng nasabing palabas. Dahil nga sa driver ang tiyuhin ko, isa sya sa mga naunang pumunta sa nasabing bahay. Maayos naman ito pero sadyang may kakaiba ka lang na mararamdaman dahil sa luma at abandonado na ito. Hanggang sa may nakasabay syang magalmusal sa malapit na kainan sa nasabing subdibisyon. Nagkakilala naman sila agad dahil kapwa sila driver. "Oy pare! Ikaw yung driver ni ano diba?" Tanong ng lalaki. "Oo, driver ka din diba? Ano tingin mo sa bagong filming location nila?" Sagot ni tito. "Ayos lang naman, pero yung daanan papunta dito tuwing gabi mga alas nuwebe ng gabi. Kung dadaan ka sa gawing iyon, pakiusap lang, 'wag na 'wag kang titingin sa rear mirror mo." Tugon ng lalaki. "Yung sinasabi mo bang daanan ay yung halos wala kang makakasabay na sasakyan kapag kumagat na yung dilim?" Muling tanong ni tito. "Oo pare, at kung sakaling may pumara sayo sa gitna ng daan, wala kang ibang pagpipilian kundi pasakayin ito. Ito ay mistulang hold-up pero litiral buhay mo ang kapalit kung magmamatigas o maninigas ka sa takot. Sa katunayan nga'y laging may aksidente sa parteng iyon. At kung irereview na sa CCTV? Tila wala sa katinuan ang driver, dahil alam na paliko ang daan pero direderetso parin ito ng takbo. At isa sa mga sabi-sabi, ang huling nadisgrasya sa kalyeng iyon ay walang ibang bukambibig bago ito nalagutan ng hininga kundi; "pasahero". "May sumabay sa'kin." Kaya kung ayaw mong maranasang humiga sa malamig na sahig ng kalsadang iyon, sundin mo yung mga bilin ko." Tugon at babala ng lalaki. "Sir? Aalis na po ata kayo?" Wika ng tindera habang ang aking tito ay unti-unting iminamarka sa kanyang isipan ang mga sinabi ng lalaki. "O pare, mauna na ako, mukhang may nakalimutan yung boss ko, yung bilin ko 'wag mong kalimutan." Paalam ng lalaki. "Oo pare salamat, ingat kayo." Tugon ni tito. At lumipas ang mga araw at nagsimula na nga sa pag-shoot ng mga eksena sa naturang lugar. Sa kagandahang palad, naiiwasan ng aking tito ang oras na alas nuwebe ng gabi. Dahil maaga sila pumupunta at sa pagitan ng alas sais at alas syete sila kung umuwi. Pero tila kahit anong iwas ay gusto talagang iparanas kay tito ang misteryo ng kalyeng iyon. Nagbilin ang amo ng aking tito na sunduin nalang sya ng alas nuwebe ng gabi sa nasabing lugar. Wala namang nagawa ang aking tito kundi sundin ang bilin nito. At dahil nga sa mahaba pa ang oras, nakiramay muna ito sa kamamatay lang nyang inaanak noong mga oras na iyon. At di na sya nagtagal at nagmadali na itong nagmaneho papunta sa kinaroroonan ng kanyang amo dahil nga sa iniiwasan nito ang oras na alas nuwebe ng gabi. Pero malas lang dahil inabutan sya ng traffic. 9:05pm sulyap ng aking tito sa kanyang relo. Nagdadalawang isip ito kung tutuloy ba sya o magdadahilan nalang sa kanyang amo. Ilang saglit muna syang nagantay ng makakasabay na sasakyan pero ang lahat ng ito ay lumiliko palayo sa nasabing daanan. Ilang saglit lang habang patuloy syang nagaabang ay biglang tumunog ang kanyan telepono. "Hello po ma'am?" Bungad ng aking tito. "Asan ka na po? Lima nalang po kaming andito, pakibilisan po." Wika ng kanyang amo. "Opo ma'am malapit na po." Tugon ng aking tito. Hindi na nito naisipang magdahilan dahil sa babae ang kanyang amo at kasalanan nya kung may mangyari dito kapag hindi nya sinundo, kaya buong tapang nyang ini-start ang sasakyan at inapakan ang gas. "Bahala na! Hindi naman ata totoo yung multo multo na yan." Bulong nito sa sarili habang may bahid pa din ng kaba sa dibdib. Natunton na nito ang kalye. Madilim ang paligid, tanging ilaw lang mula sa sasakyan ang kanyang tanglaw. Napakatahimik. Walang kabahayan sa paligid. Habang patuloy nyang binabaybay ang kalsadang iyon, patuloy din na bumibigat ng bumibigat ang kanyang pakiramdam. Ibinaba nya ang bintana dahil sobrang lamig sa loob ng sasakyan. Ngunit mas lalo lang lumamig noong ginawa nya ito. "Diyos ko! Bakit walang dumadaan dito! Kahit isang sasakyan lang po pakiusap! May makasabay lang ako." Bulong nito sa sarili. Hanggang sa kanyang pagpapatuloy, may nahagip ang kanyang kanang mata, isang babaeng nakatayo ng tuwid, nakaputi ito at mukhang dalaga. Nagsimula ng kilabutan ang aking tito. "Hindi kaya, hindi kaya sya yung sinasabi ng lalaki sa kainan?" Natatarantang tanong nito sa sarili. Dahil nga sa pinaghalong takot, kaba at pagtataka, mas binilisan nito ang pagmamaneho. Ngunit ang mas nakapagpakilabot sa kanya, sa kanyang pagmamadali. "Isa. Dalawa? Tatlo? Diyos ko po! Apat? Panginoon tulungan mo po ako!" Naiiyak nitong pakiusap ng sa kanyang pagmamaneho ay apat na beses nyang nakita ang babaeng nakatayo sa kanang bahagi ng kalsada. Tila hindi rin ito nakakarating o nakakalabas sa nasabing kalsada. Naisipan nitong tawagan ang kanyang amo, ngunit nakakapagtakang ayaw bumukas ng kanyang telepono. Ihininto nito ang sasakyan at ibinaliktad ang kanyang damit at nanalangin ng mataimtim. Humingi ito ng gabay sa Panginoon. At sa pagdilat nya'y dahan-dahan nitong pinaandar ng sasakyan at nakalabas na ito sa daang iyon. At nakauwi sila ng kanyang amo ng ligtas. Hanggang sa muli silang nagkita ng driver na nagbabala sa kanya tungkol sa daanang iyon. Agad-agad itong nagkwento at nagtanong. "Pare! Akala ko ba pumapara yung multo sa daanang 'yon? Bakit 'di naman ako pinara?" Tanong ni tito. "Ganon ba? Pero nakikita mo ba yung sorbetes na ito?" Tanong ng lalaki sabay dila sa kanyang sorbetes. "Oo naman, anong koneksyon nyan sa tanong ko?" Tugon ni tito. "Nakita mo namang dinilaan ko na ito diba? Kung bibigyan kita ng pagkakataon, didilaan mo din ba ito?" Muling tanong ng lalaki. "Syempre hindi na, kadiri ka naman pare!" Natatawang tugon ni tito. "Yun yung sagot sa tanong mo kung bakit hindi pumara yung babae sayo sa kalsadang iyon." Wika ng lalaki. "Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong ni tito. "Ang ibig kong sabihin, baka may nakasakay na sayo bago ka pa dumaan sa kalsadang iyon. Kuha mo na?"

-NagsusulatsiBerserk

Scary Stories (Unedited)Where stories live. Discover now