The only tattoo I have were scars (Parts 1 & 2)

39 3 0
                                    


Part 1


(adult content, 18+)

"Kapag ang tao'y may pilat sa kanyang mukha, hindi ka dapat sakanya magtiwala" 'yan ang bagay na itinatak sa aking isipan ng lipunang aking kinagisnan. Kaya noong una'y ilag talaga ako sa mga taong may peklat sa kanilang mukha. Pakiramdam ko kase ay delikado silang tao, pero mali ako. Mali ang kaisipang ipinamulat sa akin. Nabago ang baluktot na pananaw kong 'yan nang mapakinggan ko ang kwento ng buhay ni Rojil. Umpisahan na natin ang kanyang kwento, gamit ang sarili n'yang point of view.Ito ang mapait na karanasan ng aking buhay. Itago n'yo nalang ako sa pangalang Rojil. Masaya naman ang buhay ko noong umpisa, nagkaroon ako ng mapagmahal, mabait, maalaga, maganda at mahinhing girlfriend, si Sheena.Hindi pa kami kasal dahil pinag-iipunan pa namin ito, pero nakatira na kami sa iisang bubong.Everything went smooth, masaya. Naging maayos ang pagsasama namin, hanggang dumating yung araw na nakapagpabago sa lahat. Hindi ko alam na tatlong buwan na palang nagdadalantao si Sheena, nalaman ko lang ito isang araw nang duguin s'ya. Nakunan ang girlfriend ko, nawala ang first baby namin. Tinanong ko s'ya kung bakit n'ya inilihim sa akin na buntis na pala s'ya. "Gusto lang naman kitang sorpresahin kaya hindi ko agad sinabi" yan ang sagot n'ya sa akin. Hindi ko nagawang magalit sa girlfriend ko, dahil hanggang doon nalang ang pag-aalala ko sakanya. Masakit sa akin na mawala ang dinadala n'ya pero laking pasasalamat ko parin na ligtas si Sheena. Makalipas ang ilang buwan, dito na unti-unting nagbago ang mahal ko. Ang dating mayumi at mabini kung kumilos ay napalitan ng tila laging balisang mga galaw, minsan nama'y argresibo.Madalas narin uminit ang kanyang ulo at mabilis na s'yang mairita, hindi s'ya ganito dati dahil napaka-kalmado n'yang babae. Madalas ko rin s'yang marinig na tila may kinakausap, malaki na rin ang kanyang ipinayat dahil hindi na s'ya maganang kumain.Maraming pagbabago pa ang unti-unti kong naobserbahan sakanya, ngunit inisip ko nalamang na baka ganito talaga ang epekto sa mga babae kapag nakukunan. Mas nilawakan ko ang aking pang-unawa dahil mahal na mahal ko si Sheena. May isang bagay lang na labis kong ipinagtataka sakanya. Para sa aki'y malaking pagbabago ang bagay na 'yon, na hindi ko inisip na magagawa n'yang gawin. Isang gabi'y nag-aayos ako ng aming tutulugan, nagulat ako sa ginawa n'ya sa akin. Sinunggaban n'ya ako ng halik, marahas at mapusok. May gigil ang bawat halik na kanyang pinakakawalan, sabik at tila ba uhaw. Hindi ako kaagad nakakibo dahil sa gulat. Oo lalaki ako, pero hindi naging normal para sa akin ang ganoong kilos ng gf ko. Hindi s'ya ganong babae, hindi ganoon ang nakasanayan ko. "love" pagtawag ko sakanya habang inaawat s'ya sa kanyang ginagawa. Hawak ang magkabilaan n'yang braso ay pinigil ko s'ya. Tinitigan ko si Sheena sakanyang mga mata upang magtanong kung bakit tila sya'y kakaiba. Namumungay ang magaganda n'yang mata, puno iyon ng pagnanasa at kamunduhan ng mga oras na iyon. Ang mga ngiting sumungaw sakanyang labi ay lumikha ng larawan ng kahalayan. Sinunggaban n'ya akong muli. Hindi ko maitatangging gusto ko ang ginagawa n'ya sa akin, at hindi ko rin mapigilan ang tawag ng laman lalo pa't mahal na mahal ko ang babaeng ito. Pero patuloy ang pagbagabag ng ilang mga katanungan sa isip ko. Hanggang sa tangayin ako sa agos ng mapaglaro n'yang kilos. Tuluyan ko nang nakalimutang tila hindi si Sheena ang kasama ko ng gabing 'yon. Nang sumunod na gabi, nagising ako sa kalagitnaan ng pagtulog dahil pakiramdam ko'y may nakamasid sa akin. Nagulat ako nang wala si Sheena sa aking tabi kaya agad akong napabangon. Mabilis kong iginala ang aking mga mata sa aming silid, nakapatay ang ilaw ngunit sapat naman ang liwanag mula sa labas upang maaninag ko ang paligid. Mabilis na nag-react ang sarili ko dala ng gulat nang makita ko si Sheena sa aking paanan. Nakatayo habang nakatitig sa akin, nakalagay ang mga kamay sa kanyang likuran. Napabangon ako kaagad. "love? Anong ginagawa mo d'yan ginulat mo'ko. Bakit gising ka pa ng ganitong oras?" may halong inis dala ng pagkabigla na tanong ko sakanya, pero gumuhit lamang ang malapad na ngiti sakanyang mukha. "love?" pagtawag ko muli sakanya, pero nanatili s'ya sa ganoong itsura. Napansin kong tila iginagalaw n'ya ang kanyang mga kamay sa kanyang likuran. Tila ba may itinatago na kung ano kaya pilit ko itong sinilip, pero tila ba iniiwas n'yang makita ko iyon. Tuluyan na akong tumayo sa higaan, pero nagulat ako sa mga sumunod na nangyare. Mabilis na nagbago ng reaksyon si Sheena. Umatras ito palayo sa akin na para bang takot na takot, hanggang sa marating n'ya ang pinto ng kwarto. Dito na s'ya kumaripas ng takbo na tila ba hindi ako ang taong kaharap n'ya, hindi n'ya ako pinakinggan kahit panay ang pagtawag ko sakanyang pangalan. Plano kong sundan si Sheena, pero kusang nanigas ang katawan ko habang tinititigan ang nalaglag na bagay mula sa kamay ng gf ko nang tumakbo s'ya palabas. Ito ang kanina pa n'yang tinatago sa akin mula sakanyang likuran. Isang tanong lang ang nabuo sa isip ko noon. "Bakit s'ya may hawak na kutsilyo?" Pasumandali akong nahimasmasan kaya sinundan ko si Sheena. Matapos kong i-on ang switch ng ilaw sa sala, nakita ko s'yang nakaupo sa sofa, tulala habang nginangatngat ang sariling mga kuko. Paminsan pa'y ngingiti ngunit sa kanyang mga mata'y nakaukit ang hindi maipaliwanag na dahilan kung anong bagay ang kanyang kinatatakutan. Nagsisigaw si Sheena nang mapansin n'ya ang paglapit ko. Nagsimula na itong umiyak at pumalag nang hawakan ko s'ya sa magkabilaang braso. Nang mga oras na iyon, hindi ko alam kung paano ko s'ya tatanungin kung ano ba ang nangyayare.Ilang minuto kaming ganoon, panay ang salag ko sa mga kukong marahas na kumakalmot sa akin. Tiniis ko ang nakabibingi n'yang paghiyaw, kung hindi ko lang kilala si Sheena, iisipin kong isa s'yang baliw nang mga oras na 'yon. Pero sandali, kilala ko pa nga ba talaga s'ya?Sunod-sunod ang mga katok na naulinigan ko sa aming pinto, kasama ng pagtawag ng mga nag-aalalang kapit-bahay. Patakbo kong tinungo ang pinto upang silang pagbuksan, bumungad sa akin ang ilang kapitbahay na hindi ko pa gaanong kapalagayan ng loob. Sabay-sabay kaming napalingon sa gf ko na naroon sa sofa na tila ba nawawala na sakanyang sarili. Pakiramdam ko'y mawawala na rin ako sa aking katinuan habang pinagmamasdan ang babaeng mahal ko na nagkakaganoon. Naging magulo at madilim ang gabi no 'yon, natagalan kaming pakalmahin si Sheena. Pero sa awa ng Diyos ay bumalik rin naman s'ya sa normal matapos ang ilang tila seremonyang iginawad sakanya ng mga nagmalasakit naming kapitbahay. Ilang minuto rin s'yang nawalan ng malay, at nang magising ay hinang-hina, basang-basa ng pawis ang buong katawan, at nanlalamlam ang mga mata. "anong nangyare?" tanging tanong n'ya. Akala ko'y natapos na ang aming kalbaryo ng gabing 'yun. Naging maayos na kase si Sheena ilang araw matapos ng pangyayareng 'yon. Naging kampante na rin naman ako dahil sa ilang bagay na ipinagkaloob sa amin ng mga kapitbahay na anila'y magiging pangontra ni Sheena laban sa demonyong may kagagawan ng lahat. Demonyo? Oo napatanong rin ako nang marinig ko 'yan. Naging mahirap sa akin na paniwalaan ang ganito, ngunit para kay Sheena ay mas minabuti kong paniwalaan nalang bagama't imposible, para sa kaligtasan ng gf ko.Hindi na muna ako pumapasok noon sa trabaho para mabantayan si Sheena, kumunsulta na rin kami sa doktor para mahingi ang siyentipikong paliwanag ukol rito. Ngunit pinayuhan lamang ako ng doktor na mas alagaan ko si Sheena. Normal lamang daw na magkaroon ng kakaibang reaction ang katawan ng isang babaeng nakunan, hindi lamang sa kanyang katawan kung hindi pati narin sa kanyang pag-iisip.Isang gabi habang nagpapahinga na kami sa kwarto, kakaiba na naman ang pagiging agresibo ni Sheena. Hindi pagnanasa ang naramdaman ko nang maghubad s'ya sa aking harapan, dahil tumambad sa akin ang napakarami n'yang pasa sa katawan. Bilang normal na reaksyon, gulat na gulat akong nagtanong. Kailanma'y hindi ko s'ya pinagbuhatan ng kamay, hinding-hindi ko magagawa 'yon, kaya saan nanggaling ang mga pasang 'yon? Ibinalik ko ang kanyang damit na halata namang hindi n'ya nagustuhan ang ginawa ko. "Love 'wag mo naman akong tinatakot, sabihin mo sa'kin ano ba talagang problema? Bakit ka nagkakaganyan ha? Anong nangyare d'yan bakit hindi mo sa'kin sinasabi?" emosyonal na tanong ko sakanya habang nakaupo kaming magkaharap.Noon lang din ako nagka-lakas ng loob na itanong sakanya ang dahilan, kung bakit may hawak s'yang kutsilyo noong nakaraan habang pinagmamasdan akong matulog.Sandali s'yang natigilan, naging malikot ang mga matang nagpalipat-lipat ng direksyon, kaya naman kinabahan ako sa ganoon n'yang reaksyon. "love?" pagtawag ko sakanya dahil nagsimula na s'yang yumuko. Sinakop na ng makapal at mahaba n'yang buhok ang kanyang mukha, hindi na s'ya kumikibo noon habang patuloy ang pagyuko hanggang sa lumapat na ang kanyang ulo sa aming higaan. "i-nnn-utusan n'ya l-lang akkkk-ko" garalgal na boses ni Sheena, impit at tila ba hirap na hirap na ibuga ang kanyang salita. Iba na naman ang pakiramdam ko, tiyak na may hindi na naman magandang mangyayare. Agad akong umusal ng dasal, rinig ko ang paghingal ni Sheena. Palakas ito nang palakas hanggang sa sunggaban n'ya ako. Naging mabilis ang mga pangyayare, umibabaw s'ya sa akin habang mahigpit na sakal-sakal ang aking leeg. Napakalakas n'ya no'n na tila hindi isang babae, ilang segundo pa lang ang nakararaan ngunit pakiramdam ko'y papatiran na ako ng hininga. Nag-iba na ang kanyang itsura, may gigil at puno ng galit sakanyang mga matang dilat na dilat. Namumula ang paligid no'n na tila lalabasan ng luhang dugo, samantalang nangingitim naman ang ilalim ng kanyang mga mata. Bumakat rin ang maninipis na tila litid sakanyang mukha dahil kulay papel na ito. "katapusan ko na ba? Babalik pa ba sa normal ang lahat? Sheena...hindi ikaw si Sheena."


Part 2

Inakala kong kamatayan na ang naghihintay sa akin nang gabing 'yon, ang higpit ng pagkakasakal n'ya sa akin. Hindi ko na halos matagalan ang pagtitig ko kay Sheena, nangingilabot ako sa ganoon n'yang itsura, nanlalabo na rin ang aking mga mata. Ganon pa man, kailangan kong magpakatatag dahil kailangan n'ya ako. Wala akong ibang magawa kung hindi magdasal.Unti-unting lumuwag ang pagkapit n'ya sa aking leeg, hanggang sa maramdaman kong tuluyan na s'yang bimitaw sa pagkakasakal n'ya sa akin. Dali-dali akong bumangon, habol-hininga. Muli na namang nagbago ang reaksyon ni Sheena, napalitan ng takot at pagsisisi ang kanyang mukha. Nag-umpisa na itong umiyak at manginig, marahil ay hindi rin s'ya makapaniwala sa ginawa n'ya sa akin. Ayokong isipin na may sakit na s'ya sa pag-iisip, pero 'di ko maiwasang mapatanong kung anong klaseng pagsubok ba ang pinagdaraanan namin. Kung inaalihan man si Sheena ng isang demonyo, hindi ba dapat na mawalan s'ya ng malay ka oras na lisanin nito ang kanyang katawan? Gusto ko rin paniwalaan na epekto lang talaga ito ng pagkawala ng anak namin, pero bakit ganito? Bakit ganito ang nangyare?Natapos ang gabing 'yon na puro tanong lang ang naiwan sa akin, at ang mga kasagutan magpahanggang ngayon ay hindi ko pa nakakamtan. Nakaligtas ako sa napipintong kamatayan sa sariling mga kamay ng aking mahal, pero hindi pa rin ako nakaligtas sa iginuhit sa akin ng kapalaran. Ito na nga ang pinaka tumatak na pangyayari sa aking buhay, na dadalahin ko na hanggang sa hukay. Mahirap maunawaan at mahirap din namang ipaunawa. —"napahaba na ang pagk-k'wento ko, sa susunod nalang ulit Kira" pagpuputol ni Rojil sa kwentong kanina pa n'ya sinasalaysay sa akin. Tumayo ako dahil tumayo na rin s'ya, matagal rin pala kaming nakaupo sa semento, nangalay na rin ako buhat sa pagkaka-upo."walang naniniwala sa kwento ko, hindi ko nga alam kung bakit sinabi ko pa ito sa'yo haha" dagdag n'ya pa na may kasamang pili na pagtawa."maaaring nagsisinungaling ka lang, maaari ring totoo ang lahat. Ituloy mo ang kwento. Nakikinig ako" muli akong hinarap ni Rojil pero hindi s'ya sa akin nakatingin, kung hindi sa bagay na hawak n'ya. Pinagmasdan ko lang ang nakaguhit na pilat sa kanan n'yang pisngi, malalim ang bakas nito tulad ng kanyang nakaraan.Matapos ang pagbuntong hininga, itinuloy pa rin ni Rojil ang pagkukwento. —Naging madalas ang pagwawala, pagsigaw, at pagkawala sa sariling pag-iisip ni Sheena. Mas lumala pa ang mga ginagawa n'ya dahil sinasaktan n'ya na ang kanyang sarili. Ang dami na naming nilapitan, doktor, albularyo, pari, espiritista, pastor. Halos lahat rin ng santo natawag ko na, pero walang nabago. Pakiramdam ko mababaliw na rin ako, lalo pa nang may malaman ako.Itong pilat ko sa mukha, si Sheena ang may gawa. Hindi ko na lang ikukwento kung paano nauwi sa ganito, ayoko na rin sana maalala. Pero tuwing tumitingin ako sa salamin, pinamumukha talaga nito sa akin ang bangungot ng kahapon. Bago ko rin makalimutang banggitin, palabas lamang pala ni Sheena ang tungkol sa pagkawala ng anak namin. Masakit malamang hindi naman pala namatay ang anak ko, dahil ang totoo'y pinatay ito. Pinatay ng sarili n'yang ina at ng demonyong nag-uutos sa kanya. —"hanggang dito nalang muna. Oh pa'no Kira, maiwan na muna kita. Maghahatid pa ako nito" pagpuputol muli ni Rojil sa kanyang kwento. Hindi ako naka-kibo, napatitig na lang ako sa hawak n'yang bulaklak. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko sa aking mga narinig."hindi mo kailangang maniwala, sapat na sakin yung may nakinig sa kwento ko" dagdag pa ni Rojil. Agad ko s'yang tinapik sa balikat. "naniniwala ako" tugon ko at ngumiti ng malungkot. Ngumiti rin naman s'ya pabalik, ngunit kita ko ang labis na kalungkutan sa kanyang mga mata. At ang mapait na alaala sa likod ng pilat na sa kanya'y naka-marka. Saka ko na lang siguro ibabahagi sakanya ang opinyon ko, sa ngayon kase may kailangan pa s'yang puntahan. Bago ko rin pala makalimutan, nasa sementeryo nga pala kami, araw ngayon ng mga patay. Ang hawak na bulaklak ni Rojil ay para sa kanyang anak. Sa kanyang anak na nakahimlay, sa tabi ng puntod ng yumao na rin nitong nanay. —Napapaisip ka na rin ba? Kailangan mong tanggapin na ganito ang buhay. Lahat lilisan, lahat mamamaalam, at tanging alaala lamang ang s'yang maiiwan. Mga alaalang mas mahirap burahin kaysa sa tinta sa isang sulatin. Mga kwentong nakakubli sa likod ng isang pilat, na kahit naghilom na ay isa pa ring sariwang sugat.

-Higurashi Kira.

Scary Stories (Unedited)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant