STORY #76: Couple's Trouble

Magsimula sa umpisa
                                    

“Idea mo ito, 'di ba? Pwes, tumahimik ka diyan—” Walang anu-ano’y marahang bumukas ang pinto sa aming harapan. Umingit pa iyon na para bang puno na ng kalawang ang bisagra ng pinto.

Isang mahabang katahimikan ang namayani. Parehas kami ni Arnel na nagtataka kung bakit bumukas iyon nang walang nagbubukas. Baka sa lakas ng mga katok ko kaya bumukas ang pinto. Ganoon nga siguro.

“I-it’s open now…” May ngiming ngiti na turan ko sabay tulak kay Arnel papasok.

Pinauna ko siya at baka may kung ano sa loob gaya ng halimaw o multo. Para siya ang unang makakakita at masasabi niya sa akin. Makakatakbo agad ako.

Lumipas ang ilang segundo. Wala akong sigaw na narinig mula sa loob kaya pumasok na rin ako. Kinuha ko sa boyfriend ko ang flashlight para hanapin ang switch ng ilaw. Meron malapit sa pinto. Pag-on ko niyon ay lumiwanag sa kabuuan ng bahay. Mukhang walang tao pero malinis at maayos ang mga gamit. May hagdan papunta sa itaas.

“Dito ka lang. Pupunta ako sa itaas at baka nandoon ang may-ari nitong bahay,” ani Arnel.

Pinigilan ko siya dahil natatakot ako na mag-isa pero mapilit siya. Ayaw niya rin akong sumama sa kaniya kaya wala akong nagawa kundi ang umupo sa isang upuan na yari sa kahoy sa salas.

Inikot ko ang mata ko sa paligid nang umakyat na sa hagdan si Arnel. Hanggang sa may nakita akong mga lumang dyaryo na nakalagay sa ibabaw ng center table. Kumuha ako ng isa para magbasa at libangin ang sarili kahit paano.

Sumalubong sa akin ang malaking headline sa unahan: CALL CENTER AGENT, NAWALA SA KAGUBATAN!

Out of curiosity dahil sa nasa gubat kami ay binasa ko ang kabuuan ng balita sa page 2. Ayon sa lumang balita sa dyaryo ay niyaya ng isang bagong katrabaho na lalaki ang isang call center agent na si Jesselle na magbakasyon sa bahay nito sa gitna ng kabugatan. Hindi na daw ito nakabalik at hindi na rin nakita ang lalaking kasama nito.

Natigilan ako at nag-isip. Si Arnel kasi… hindi pa kami matagal na magkakilala. Actually, two months pa lang ang relationship namin. Nandito kami sa isang bahay na nasa gitna ng kagubatan. Hindi kaya…

Mabilis kong ibinalik ang dyaryo nang may marinig akong yabag ng sapatos sa itaas. Mukhang pabalik na si Arnel. Kinakabahan na ako. Malakas ang kutob ko na siya ang lalaking nabasa ko sa dyaryo. Kung ganoon ay nasa panganib ako!

Anong gagawin ko? Baka magaya ako Kay Jesselle na hindi na nakita pa!

Iginala ko ang aking mata. May nakita akong kitchen knife sa ilalim ng center table. Kinuha ko iyon at isinuksok sa likuran ng aking pantalon. Tumayo ako nang makita si Arnel. Nakangisi siya sa akin na para bang may masama siyang binabalak.

Nanginginig na ako sa takot. Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa magkabilang balikat.

“Alam mo bang hindi talaga tayo nawawala, Arlene?” seryoso ang tono ng boses niya.

Sinasabi ko na nga ba—sinadya niya akong dalhin sa bahay na ito sa gubat!

Siya nga ang lalaking tinutukoy sa dyaryo!

“Plinano ko ang lahat ng ito…” Hinaplos niya ang kaliwang pisngi ko.

Kung dati ay kinikilig ako kapag hinahawakan niya, ngayon ay natatakot na ako.

Bago pa siya may gawin na kung anong hindi maganda sa akin ay kumilos na ako. Malakas kong itinulak si Arnel. Nang mapaatras siya at mawalan ng balanse ay tumakbo agad ako palabas ng pinto. Ngunit hindi pa man ako nakakalayo ay nahawakan na niya ako sa isa kong kamay.

“Sandali lang, Arlene!”

Dala ng takot ay hinugot ko ang kutsilyo sa aking likuran at nakapikit ang mga mata na iwinasiwas iyon kay Arnel. Pagbukas ko ng mata ay impit akong napasigaw nang makita ko ang sumisirit na dugo sa malaking sugat ni Arnel sa leeg. Doon ko pala siya tinamaan.

Hinawakan niya ang malaking sugat sa leeg at tinakpan iyon ng mga kamay. Maya maya pa ay bumagsak na ito sa lupa.

Napaiyak ako. Hindi ko gustong gawin iyon sa kaniya pero mas mabuti na rin siguro iyon dahil simula sa gabing ito ay wala na siyang mabibiktima pa.

Aalis na sana ako nang may narinig akong boses ng mga tao mula sa loob ng bahay. Sa kagustuhan kong malaman kung ano iyon ay bumalik ako sa loob. Dala ko pa rin ang kutsilyo sa pangamba na baka kailanganin ko pa iyon.

“Surprise, Arlene! Happy birthday!!!” Nagulantang ako nang makita ko na nakatipon sa salas ang mga katrabaho at kaibigan namin ni Arnel.

Natigalgal ako. Naguguluhan ako.

Ano ito? Bakit nandito sila?

“Gulat na gulat siya, o! Naku, ang galing talagang gumawa ni Arnel ng surprise!” hirit ng katrabaho kong babae.

“O, 'ayon pala kay Arlene iyong panghiwa ng cake na kanina pa natin hinahanap!” Itinuro ng kaibigan kong lalaki ang hawak kong kutsilyo.









THE END

100 Tales Of HorrorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon