STORY #67: Till Death

Start from the beginning
                                    

Kaya walang pagdadalawang-isip na inilagay ni Lana ang lahat ng gayuma sa isang pinggang pansit bihon. Pumunta siya sa bahay nina Bernardo at saktong mag-isa doon ang binata. Pinakain niyang lahat ang pansit kay Bernardo at naubos nito iyon.

Kinabukasan ay naniwala na ng husto si Lana na totoo ang gayuma ng kaniyang lola dahil umaga pa lamang ay hinahanap na siya ni Bernardo. Nanliligaw na ito at gusto na agad siyang pakasalan. Nang nag-oo siya ay binuhat siya nito at dinala sa kaniyang kwarto. Pinaghahalikan siya nito at hinubaran ng damit.

“Ano ba, Bernardo?! Baka makita tayo ng itay at inay!” Kinikilig na hiyaw ni Lana nang naghuhubad na ang binata sa harapan niya.

“Wala akong pakialam, Lana! Ang nais ko ay maiparamdam sa iyo ang init ng aking pagmamahal!” Akala mo ay uhaw na uhaw ito sa kaniya.

“Ay, sige. Gusto ko iyan!” tili niya.

Biglang pumasok ang nanay at tatay ni Lana. Galit na galit ang mga ito at sinabihan si Bernardo na kailangan nitong pakasalanan si Lana. Hindi tumutol si Bernardo at tuwang-tuwa pa nga ito na magpapakasal sila. Kaya ng sumunod na linggo ay nagpakasal silang dalawa sa simbahan. Simple lang ang kasal pero walang pakialam si Lana. Ang importante ay mag-asawa na sila ng lalaking dati ay hindi siya mahal.

-----ooo-----

NAGPATAYO sina Lana at Bernardo ng sariling bahay na medyo malayo sa bahay ng kanilang mga magulang. Malapit iyon sa paanan ng bundok. Sa harapan ng kubo nila ay isang malawak na palayan na sinasaka ni Bernardo.

Masipag si Bernardo. Nagtatrabaho ito para sa kaniya. Para daw hindi siya magutom.

Isang buwan na ang nakalipas simula ng maikasal si Lana kay Bernardo pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayari. Napakabilis. Parang isang panaginip na anumang oras ay bigla na lang siyang magigising. Ngunit sigurado siya na totoo ito dahil palagi niyang sinasampal ang sarili at asawa niya pa rin si Bernardo.

Dama din ni Lana na maraming kababaihan ang naiinggit sa kaniya dahil siya ang pinakasalan ng gwapo at makisig na si Bernardo. Halos magpakamatay nga ang nobya nito dati nang malaman na magpapakasal sila. Wala na iyong nagawa dahil siya ang pinili ni Bernardo!

At walang ibang dapat na pasalamatan si Lana kundi ang kaniyang lolang mangkukulam. Kapag dumalaw ito sa kanila ay ipagluluto niya ito ng napakaraming lumpiang shanghai hanggang sa magtae ito ng husto.

Kung tatangungin naman si Lana kung masaya ba siya na ginayuma niya si Bernardo ang sagot niya ay oo. Masayang-masaya siya. Lalo na at hindi lamang gwapo ang lalaki kundi ubod din ng bait at responsable.

Tuwing umaga ay nasa palayan na ito at nagsasaka at nagtatanim. Meron silang kalabaw na binili para kahit paano ay maging madali ang pag-aararo nito. Siya naman ay nakaupo palagi sa isang upuan na yari sa katawan ng puno na ginawa talaga ni Bernardo. Malapit ang upuan sa palayan dahil ang gusto ni Bernardo ay palagi siyang nakaupo doon para daw ganahan ito sa pagtatrabaho. Gusto nito na palagi siyang nakikita. Sa kaniya daw ito kumukuha ng lakas. At talagang ginawa pa siyang energy drink ni Bernardo!

Ngunit walang kaso iyon kay Lana. Gusto din naman niya ang ganoon.

Isang umaga, nakapwesto na sa kaniyang upuan si Lana. Tapos na si Bernardo na pagsasaka. Hinihila na ito ang kalabaw papunta sa puno kung saan ito itinatali.

Nilapitan ni Lana si Bernardo habang itinatali nito ang kalabaw. “Naku, pawis na pawis ka na, sweetheart!” ani Lana habang pinupunasan ang pawis ng lalaki sa mukha gamit ang bimpo.

“Salamat, sweetheart! Ano pala ang gusto mong ulam mamaya sa tanghalian?”

“Gusto ko sana ay adobong kalabaw, sweetheart.”

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now