STORY #42: The Adopted

Start from the beginning
                                    

Nilampasan ko na si Markus. Hindi ko talaga siya gusto. Nakakainis na simula ngayon ay dito na siya titira kasama namin. Sana ay mag-umpisa na ang school para makalipat na ako sa Manila at hindi ko na makita si Markus.

-----ooo-----

“MARKUS, bakit hindi ka kumakain? Kaninang lunch ay hindi ka rin kumain. Ayaw mo ba ng food? Ano bang gusto mo at ipapaluto ko kay manang…”

Naitirik ko ang aking mga mata sa sinabi ni mommy kay Markus. Hindi man lang kasi ginagalaw ng ampon nila ang pagkain nito. Kare-kare ang aming ulam. Specialty iyon ng kasambahay namin at personal favorite ko.

Ang arte naman ng Markus na ito!

Hindi nagsasalita si Markus. Nakayuko lang siya.

“Markus, sabihin mo kung anong gusto mong kainin. Iluluto or ibibili ka namin,” segunda pa ni daddy.

Umiling si Markus. “Wala po.”

“Masyado niyong bine-baby iyan. Kung ayaw niyang kumain, hayaan niyo siya. Kakain din iyan kapag nagutom!” Inirapan ko si Markus.

Pero kinabukasan ay hindi pa rin kumain si Markus. Hanggang sa umabot na isang linggo na itong hindi kumakain. Puro tubig lang ang inilalaman nito sa sikmura. Kahit nanghihina na siya ay ayaw niya talagang kumain. Nakakatakot kasi hindi normal iyon sa kagaya nitong bata. Sa pagkakaalam ko ay malakas kumain ang mga batang nasa edad nito.

Nag-decide na ang mommy at daddy ko na magpatawag ng doktor para tingnan si Markus. Binigyan lang ito ng vitamins para pampagana na kumain. Pero wala pa rin iyong epekto kay Markus. Ayaw pa rin nitong kumain kahit ba binibigyan ito ng masasarap na pagkain.

Hindi ko tuloy maintindihan kung magagalit pa rin ako sa ampon nina mommy o maawa. Pakiramdam ko tuloy ay ginugutom niya ang sarili para mamatay. E, sino ba naman ang gagawa ng ganoon na more than a week na hindi kakain. 'Yong isang araw na nga lang na hindi ako kumain ay nakakapanghina na.

Minsan ay nahuhuli ko si Markus na ngumanganga nang malaki na para bang ini-stretch niya nang husto ang kaniyang bibig. Ang weird lang. Tapos kapag nakikita niya ako ay tumitigil siya at tinitingnan ako nang masama.

Doon na ako nagkaroon ng pagdududa kay Markus. There’s something wrong with him.

Nag-imbestiga ako. Pumunta ako sa ampunan kung saan galing si Markus. Nagpakilala ako na anak ng umampon kay Markus para magtiwala ang mga madre sa pagbibigay ng information na kailangan ko.

Iniharap nila sa akin ang madre na madalas na mag-alaga kay Markus—si Sister Belen.

“Ang totoo niyan ay ipinaampon si Markus dito ng nanay niya noong limang taong gulang siya. Mahirap lang ang pamilya ni Markus. Kayo ang pangalawang umampon sa kaniya. Iyong unang umampon kay Markus noong anim na taon siya ay nawala na parang bula. Hanggang ngayon ay walang nakakaalam kung ano ba ang nangyari,” pagkukwento ni Sister Belen.

Nasa playground kami ng bahay-ampunan.

“Hindi ba nagkaroon ng investigation?” usisa ko.

“Meron. Ngunit walang nakuhang sagot ang mga pulis kung ano ang nangyari o nasaan ang pamilyang umampon noon kay Markus. Tumawag na lang sa amin ang kapitbahay nila at sinabing umiiyak si Markus. Mag-isa lang siya doon nang puntahan namin.”

Nang sandaling iyon ay mas lalong lumala ang masamang kutob ko kay Markus.

“E, kumusta po siya dito sa ampunan? Marami po ba siyang kaibigan, sister?”

“Wala. Takot ang ibang bata kay Markus dahil palagi siyang tahimik.”

“Okay po. Kukunin ko na lang po iyong address ng bahay ng totoong nanay ni Markus.”

“Confidential ang bagay na iyon—”

“Sister, please… Kailangan ko po talaga na makausap ang nanay ni Markus. Baka po kasi alam niya ang dapat gawin kay Markus dahil ilang araw nang hindi kumakain ang bata. Please, sister. Para din po ito kay Markus.”

Mabilis na nag-isip ang madre at sa huli ay ibinigay niya sa akin ang address kung saan nakatira ang nanay ni Markus. Hindi nga lang daw siya sigurado kung hanggang ngayon ay doon pa rin ito nakatira.

-----ooo-----

WALANG kasiguruduhan pero pinuntahan ko pa rin ang address. Isa iyong maliit na bahay na gawa sa plywood ang dingding at pawid ang bubong. May malawak na palayan sa likuran ng bahay at walang kapitbahay.

“Tao po! Tao po!” tawag ko habang nasa labas ako ng bahay.

“Ano ang kailangan mo?” Isang babae ang dumating. May bitbit siyang isang bilao na may ilang piraso ng pechay at kangkong. Hula ko ay galing siya sa pagtitinda ng mga iyon. May telang nakaikot sa ulo niya at natatakpan niyon ang right side ng kaniyang mukha.

“Dito po ba nakatira si Miranda Felimino?”

“Ako si Miranda. Ano ang kailangan mo sa akin?”

Ako na ang lumapit sa kaniya. “Kayo po ang nanay ni Markus?”

Sandali siyang natigilan. “A-ako nga. Bakit mo kilala ang anak ko?”

“Ako po si Sherlene. Anak po ako ng parents na umampon sa kaniya ngayon. Nagtataka lang po kasi kami kung bakit hindi siya kumakain ng ilang araw. Baka po alam ninyo ang dapat naming gawin sa kaniya.”

Napanganga si Miranda. Nanginig siya at nakita ko ang takot sa mukha niya.

“Ilang araw na siyang hindi kumakain?” May kaba sa tanong na iyon ni Miranda.

“One week and two days na po. Ano po ba ang problema ni—”

“Siyam na araw!”

“Ano po?”

“Siyam na araw nang hindi kumakain si Markus! A-ayoko nang may ibang mapahamak pa dahil sa kaniya. Kailangan niyo siyang patayin bago sumapit ang ika-labingtatlong araw ng hindi niya pagkain!” Binitawan niya ang bilao at hinawakan ako sa isa kong braso. “Patayin niyo si Markus!”

“Wait lang po…” Nagtataka kong inalis ang pagkakahawak niya sa akin. Napaatras ako ng isang hakbang dahil sa takot sa pinagsasabi niya. “Joke po ba ito o prank? Parang masyado naman yatang morbid ng gusto ninyong mangyari sa anak ninyo. Yes, mainit ang dugo ko kay Markus pero never kong naisip na patayin siya. Ang gusto ko lang naman pong malaman ay kung bakit ganoon si Markus—”

“Dahil inihahanda niya ang sarili niya para kainin kayong lahat! Inihahanda niya ang kaniyang tiyan para kaya niya kayong kainin! Sa ikalabingtatlong araw ng hindi niya pagkain ay kakain na siya. Iyon ang dahilan kaya ginugutom niya ang kaniyang sarili!” deklara ni Miranda.

Gumapang ang kilabot sa buong katawan ko. Hindi ako nakapagsalita. Parang ang hirap paniwalaan ng sinabi ni Miranda.

“Ayaw mo pa rin bang maniwala sa akin?! Tingnan mo ito!” Inalis niya ang telang nakatakip sa kaliwa niyang mukha at tumambad sa akin ang malaking uka doon. Kita ang ngipin niya sa gilid at halos nabubulok na ang laman na naroon. Maging ang kaliwang mata niya ay wala na.

Naituptop ko ang kamay ko sa aking bibig at muntik na akong mapasuka sa aking nakita.

“Si Markus! Siya ang may gawa nito sa mukha ko! Muntik na niya akong kainin noon!” Malakas at takot na takot na saad niya sa akin.







THE END

100 Tales Of HorrorWhere stories live. Discover now