DEDICATED TO: ChelsieNepomuceno (Chelsie)
MALAKAS na bumuhos ang ulan habang naglalakad ako papunta sa waiting shed. “Ay, shit!” mura ko sabay takbo.
Basang-basa ang school uniform ko hanggang panty nang makarating ako sa waiting shed. “Ano ba iyan? Malas naman!” inis kong turan habang pinupunasan ng panyo ang aking braso.
Sobrang lakas ng ulan. Unexpected dahil tirik na tirik ang araw kanina. Bigla na lamang dumilim ang kalangitan sabay buhos ng ulan. Ang unpredictable talaga ng panahon, 'no. Parang iyong boyfriend ko na ex-boyfriend ko na ngayon. Kahapon ang saya-saya namin tapos kanina nakipag-break sa akin. Na-fall out of love daw siya sa akin. Study first daw muna. Leche siya!
Parang ang sarap tuloy makinig sa hugot songs ngayon at umiyak nang umiyak gawa ng ulan.
Mukhang wala pang dadaan na taxi, a. Uwing-uwi na ako sa bahay.
“Ineng…”
“Ay, matandang kurimaw!” Gulat kong sigaw nang may biglang magsalita sa likuran ko na boses ng isang matandang babae.
Paglingon ko ay may nakita akong matandang babae na nakasuot ng kulay itim na blouse at palda. Kulubot na ang balat niya at payat na payat. Parang after ng balat niya ay buto na agad. Wala nang laman. Sa sobrang bwisit ko sa pagkabasa ko sa ulan ay hindi ko yata napansin na merong matandang nakaupo sa waiting shed.
May kandong siyang isang manikang mukha luma. Kung hindi ako nagkakamali ay porcelain doll ang tawag sa ganoong uri ng manika. Medyo creepy ang hitsura ng doll ni lola.
Napahawak ako sa dibdib. “Lola, 'wag niyo po akong ginugulat. 'Buti at hindi kita nasipa. Don’t do that again. Okay?”
“Nakikita ko na marami kang katanungan, ineng. Gusto mo ba na magkaroon ng kasagutan ang mga tanong na gumugulo sa utak mo? Anong pangalan mo, ineng?”
“Chelsie po. Manghuhula kayo, lola? Naku, hindi po ako naniniwala sa ganiyan.”
“Hindi ako. Itong si Belladonna. Ang aking manika ang sasagot sa mga tanong mo.”
May pagdududa kong tiningnan ang manika ni lola. “Lola, porcelain doll iyan. Hindi nagsasalita ang mga ganiyang doll. Ikaw, lola, ang tanda mo na pero budolera ka pa!” Iiling-iling kong saad sa kaniya.
Hindi niya ako maloloko, 'no. Ako pa ba?
“Bakit hindi mo subukan? Bente pesos ang isang tanong pero libre ang unang tanong para sa iyo. Subukan mo lang, ineng. Walang mawawala sa iyo. Ang maaari mo lang itanong kay Belladonna ay mga katanungan na pwedeng sagutin ng oo o hindi…”
Nag-isip ako. Subukan ko na nga lang. Tutal bored na ako dito at mukhang wala pang dadaan na taxi. “Okay, fine. Dahil pinilit ninyo ako ay magtatanong na nga ako.” Nag-isip ako ng magandang tanong. “Ay, may naisip na ako. Belladonna, maganda ba ako?”
“Hindi.” Mabilis na sagot ni Belladonna. Parang bata ang boses niya.
“Aba’t! Babasagin ko 'yang manika mo lola!”
“Nagsasabi lang siya ng totoo, ineng. Ano? Magtatanong ka pa ba?”
Humugot ako ng bente sa aking wallet at inabot sa matanda. “Another question dahil gusto kong subukan ang manikang iyan. Belladonna, brokenhearted ba ako ngayon?” Dito ko malalaman kung totoo ba ang chika ni lola tungkol kay Belladonna niya.
“Oo.” Hindi bumubuka ang bibig ng manika pero naririnig ko siyang magsalita.
“Correct! Naku, lola, baka ikaw lang iyong nagsasalita, ha.”
“Hindi kita lolokohin, ineng. Sige, magtanong ka pa.”
Binigyan ko ulit siya ng bente pesos. “Belladonna, magkakabalikan ba kami ng ex-boyfriend ko?” tanong ko. Sa bibig ako ni lola nakatingin para sure na hindi siya ang nagsasalita.
“Hindi!”
Nanlaki ang mata ko. Hindi si lola ang nagsasalita. Iyong manika talaga!
Ang creepy pero mukhang nagsasabi nga siya ng totoo.
Nagtanong pa ako. “Belladonna, sixteen years old na ako ngayon. Aabot pa ba ako ng twenty years old?”
“Hindi!”
“Belladonna, in natural death ba ako mamamatay? Like sakit or accident?”
“Hindi.”
“May papatay ba sa akin intentionally?”
“Oo.”
Doon na talaga ako kinilabutan. Itinigil ko na ang pagtatanong ko. “Ayoko na, lola. Ang morbid na ng sagot ng manika mo.” Tumalikod na ako sa kanila para maghintay ng taxi.
Lumipas ang halos kalahating oras pero wala pa ring dumadaan at hindi pa rin humihinto ang ulan. Mas lalo pa iyong lumalakas. Medyo hindi na rin ako kumportable sa matandang may manika na kasama ko. Naririnig ko kasi si lola na kinakausap si Belladonna. Para siyang may sira sa utak!
Naisipan kong tawagan ang mommy ko at sa ganitong oras ay pauwi na siya mula sa office. May sasakyan kasi siya. Baka pwede niya akong sunduin dito.
“Chelsie, bakit?” Iyon agad ang bungad ni mommy.
“Mommy, where are you?”
“Nasa kotse. Nagda-drive pauwi. Bakit?”
“Mommy, sunduin mo naman po ako dito sa waiting shed na malapit sa school. Stranded ako. Ang lakas ng ulan tapos wala pang dumadaan na taxi!” Sinulyapan ko iyong matanda sa likuran ko. Nakatayo na siya at bitbit ang manika na parang isang baby.
“Okay, Chelsie. Nandiyan na ako in ten minutes.”
“Bilisan mo, mommy. Please!”
Naputol na ang tawag.
“Belladonna, masusundo ba si Chelsie ng mommy niya?” Narinig kong tanong ng matanda sa kaniyang manika.
“Hindi!” sagot ni Belladonna.
Unti-unting naglalakad ang matanda palapit sa akin. Kung hindi lang umuulan ay tatakbo na ako. Ang creepy niya!
“Belladonna, masusundo ba si Chelsie ng mommy niya?” Muling tanong ng matanda.
“Hindi!”
“Lola, diyan ka lang. 'W-wag kang lalapit—”
“Belladonna, masusundo ba si Chelsie ng mommy niya ngayon?”
“Hindi!”
“Huwag kang lalapit! Nakakatakot ka na, lola!” Kulang na lang ay maihi ako sa sobrang takot sa matandang kasama ko sa waiting shed.
“Belladonna, masusundo ba si Chelsie ng mommy niya?” Marahan siyang humahakbang. Halos ilang dangkal na lang ang layo niya.
“Hindi!”
“Belladonna—”
“Hindi. Hindi! Hindi!”
“Tama naaa!!!” Parang nababaliw na sigaw ko. Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan ulit si mommy. “Mommy, bilisan mo na, please—”
“Chelsie, ano ka ba? Nagda-drive ako! Malapit na ako!”
“May matanda kasi dito, mommy! Bilisan mo na! Nakakatakot siya!”
“Chelsie, nagda-drive ako—” Naputol ang pagsasalita ng mommy ko sa kabilang linya.
Narinig ko pagsigaw ni mommy kasunod ang malakas at nakakangilong tunog ng mga nayuping bakal.
“Mommy? Mommy?! Anong nangyari, mommy?!” Kinakabahan at naiiyak kong tanong.
“Belladonna, masusundo ba si Chelsie ng mommy niya?”
“Hindi!”
“Belladonna, patay na ba ang mommy ni Chelsie?” Nakakalokong tanong ng matanda.
“Oo!” sagot naman ng manikang buhat niya.
THE END