Kabanata 34

296 27 0
                                    

Olivia,

Sa mga sinabi nila sa akin ay nabuhayan ako. Hindi pa nga naman katapusan ng lahat. Marami pang mangyayari at hindi nararapat na magpa-api ako sa pagdadalamhati at kalungkutan. Kaya naman, napili ko na lamang na muling magsanay sa pag-awit na tila walang nangyari para sa darating na bagong taon. Ngayon ay si Agnes ang kasama ko upang magsanay ng husto. Buong araw at gabi ay hindi ako tumitigil. Sineryoso ko ang pag-e-ensayo sa tulong ni Madame Racelita na kagaya ko ay humaharap sa marami na tila walang nangyari.

"Mali!"

"Hindi ganiyan!"

"Taasan mo pa!"

Tiniis ko ang araw-araw na paninigaw at nakabibinging tugtog ng mga instrumento. Gayundin naman si Agnes na tila mapupudpod na ang balat sa kamay sa kaniyang pagtugtog gamit ang bandurya. Hindi kami tumigil na tila ginagawa na lamang namin iyong dahilan upang maabala at hindi na kami mag-isip ng kung ano.

"Maaari na muna kayong magpahinga." Sabay kaming napabuntong hininga ni Agnes nang marinig iyon mula kay Madame Racelita. Subalit, agad din kaming natigilan nang marinig ang mahinang bungisngis ng isang taong kanina pa kami pinapanood. Halos panabay na naming binalingan si Carlos na tila walang ibang magawa sa mga oras na ito kung kaya't nagagawa niyang ubusin iyon sa panonood sa amin.

"Señor, wala ka bang ibang gawaing kailangang tapusin?" mariing wika ko. Hindi ko maiwasang isiping kami ay kaniya lamang binabantayan. Sa puntong iyon, tila isang hudyat na ang aking pagsasalita na siya ay umalis na mula sa kaniyang pagkakasandig sa may aparador at tuluyan na kaming lapitan. Umakyat siya sa entablado na kinapu-pwestuhan namin at naupo na roon.

Bahagya pa kaming nagkatitigan ni Agnes bago niya napiling maupo na lang din doon kagaya ng ginawa ng Señor. Habang ako naman ay binalingan ko ang isa pang lalaki na kanina pa nagsusulat sa may gilid na tila nasa pagitan na siya ng buhay at kamatayan. Tutok na tutok ito roon at 'di alintana ang presensya namin.

"Ano pa ang iyong tinatayo riyan, Binibining Mira. Halika at samahan mo kami na maupo." Doon na muling nakuha ng Señor ang aking atensyon.

"Ano ang mayroon sa kaniya, kuya?" Halos hindi ko na napag-isipan ang aking pagtatanong na iyon kung hindi lamang ako biglang hinampas ni Agnes sa paa. Nakalimot ako panandali. Ako na nga pala si Mira at hindi na si Ramiro Laong. "Ang aking ibig sabihin ay ano ang mayroon kay Ginoong Leonardo at puspusan yata ang kaniyang pagsusulat?" Sa hindi ko malamang dahilan ay tumawa ng husto ang Señor bago niya binalingan ang kaniyang matalik na kaibigan matapos ay ibalik sa akin at malokong ngumiti.

"Ikaw ba ay may pagtingin sa aking kaibigan, aking pinsan?" Doon na nanlaki ang aking mga mata. Binalingan ko pa ang Ginoo na biglang natigilan din sa sinabi ng Señor.

"Ano ang iyong tinuturan! Isa iyang kahibangan! Ako ay may tao nang gustong pakasalan simula nang ako ay bata pa! Mahabagin!" Marahas kong binuksan ang aking abaniko at itinaklob iyon sa aking mukha bago nagpasyang maupo na lang din. Bakit ba kay talas naman ng dila ng Señor na ito at kung ano-ano ang kaniyang pinagsasabi? Narito pa naman ang Ginoo. Nakakahiya!

Pumalahaw ang malakas na halakhak ni Señor Carlos sa buong Bahay Aliwan na tila nanonood siya ng isang nakatatawang pagtatanghal. Kahibangan!

Hindi ko na lamang siya pinansin at pinanatiling nakataas ang aking abaniko. Nakahihiya talaga iyon.

"Ako ay nagbibiro lamang, aking pinsan. Masyado mo iyong sineryoso. Alam ko naman ang tungkol sa iyong pag-irog sa binatang iyong tagapagligtas. Subalit, hindi mo naman siya kilala, kung kaya't paano mo siya pakakasalan?" Muling nanlaki ang mata ko sa winika ng Señor. Sa papaanong paraan niya iyon nalaman? Subalit hindi pa man ay nabalingan ko na ang napapakamot na si Agnes. Doon ko na napagtantong mukhang na-i-kwento nito sa Señor iyon. Masyado silang naging malapit nitong mga nakaraan kaya naman hindi na nakabibiglang marami na silang napagsaluhang mga kwento.

"Pasensya na, binibini." Napabuntong hininga na lang ako bago nagpasyang saraduhan na ang abanikong aking hawak.

"Pakiramdam ko ay kilala ko na siya," mahinang anas ko matapos ay bahagyang binalingan ang ginoong muling nagbalik sa puspusang pagsusulat.

"Pakiramdam? Hindi ka sigurado?" Matalim ang matang binalingan kong muli ang Señor na kanina pa tanong nang tanong. Doon ay agad na siyang nagtaas ng kamay na tila sumusuko. Muli nalang akong napabuntong-hininga.

"Hindi ba'y dapat abala ka sa paghahanda para sa pagdiriwang ng Bagong Taon, Señor?"

"Marami akong tauhan, sila na ang bahala roon. Ang tanging ginagawa ko ay ang magbilang ng salapi at bigyan sila ng nararapat na sahod para sa kanilang maayos na pamumuhay." Hindi ko na naiwasang mapailing sa aking narinig sa kaniya. Ito talaga ang lubos kong ipinagtataka sa loob ng napakaraming taon. Isang batugang tao si Señor Carlos, kung kaya't sa papaanong paraan niya napalago ang kaniyang negosyo. Gayunpaman ay talagang tinitingala siya ng karamihan dito sa San Fernando dahil kalahati ng populasyon dito ay nabubuhay sa pagtatrabaho sa Señor. Binibigyan niya ang mga ito ng karampatang bayad sa kanilang serbisyo. Isang dahilan kung bakit talagang matunog ang pangalan ng Señor sa mga karatig bayan. May ilang nagsabi na kung tatakbo lamang itong Gobernadorcillo ay tiyak ang pagkahalal nito. Subalit wala sa isip nito ang politiko o baka talagang masyado lamang siyang batugan. "Hindi ba, aking kaibigan?" Biglang pagdawit nito kay Ginoong Leonardo. Subalit hindi man lamang siya nito pinansin. "Pagpasensyahan niyo na ang aking kaibigan mga binibini. Talagang napipipi lamang siya kapag dumarating na ang huling araw ng pasahan ng mga akda upang maipalimbag." Ngumiti pa ito upang hindi mapahiya sa hindi pagpansin ng kaibigan. Hindi na tuloy namin pa napigilan ni Agnes ang mapatawa. Tumikhim na lang ang Señor na nakapagpatigil sa amin.

"Mamaya na ang iyong pagtatanghal, Anastasia. Handa kana ba?" Tuluyan ko na lamang nahigit ang aking hininga nang basagin ng tanong na iyon ni Ginoong Leonardo ang biglang katahimikan. Sa sobrang dalang niyang magsalita ay talagang nanunuot sa aking pandinig ang kaniyang tinig. Tila bumabaon iyon sa aking kaibuturan at nagpapaulit-ulit sa aking pandinig. Hindi ko na namalayang nakatitig na ako sa likod ng Ginoo na kinakausap ako habang abala pa rin sa pagsusulat. Ang muling paghampas na lamang sa akin ni Agnes ang nagpabalik sa akin sa reyalidad.

"Binibini, nag-a-antay ng sagot ang Ginoo." Doon na naging malikot ang aking mga mata. Lalong lumala ang aking pagkailang nang makitang tumigil na ang Ginoo sa kaniyang pagsusulat.

"M-Maayos naman. Iyon ang magiging una kong pagtatanghal bilang si Anastasia. Alam kong hindi pa man ako nakapagtatanghal sa pangalang iyon ay matunog na ang tangguning iyon dahil iyon ay tinawag sa akin ni Madame Racelita. Huwag mag-alala, hindi ko kayo bibiguin." Hindi ko na napansing masyado na palang napabilis ang aking pagsasalita.

"Maigi kung ganon." Nagtaka ako nang siya ay tumayo na at nagligpit. "Ngayon, kung ika'y wala nang gagawin, samahan mo akong dalhin ang manuskritong ito ng aking mga tula." Doon na niya ako binalingan. Tumama pa ang liwanag sa kaniyang bilugang salamin dahilan ng pagkislap nito. Sa nasaksihang iyon ay tila mas bumilis ang pintig ng aking puso. Sa simpleng mga kilos ng Ginoo ay talagang nadadala ako. Tila isa akong may sinding kandila na unti-unting nauupos. Hindi ko talaga maiwasang katitigan siya kaya naman bago pa iyon lumala ay sinuway ko na mismo ang aking sarili at ibinaling na lamang sa iba ang aking atensyon. "Maaari mo ba akong samahan Olivia?" Tumango na lang ako bilang sagot. Matapos ay pinili ko na lamang tumayo at hindi balingan ang ngiting-ngiting si Señor Carlos at Agnes. Lumapit na lamang ako sa Ginoo na ngayon ay kinatitigan ang kaniyang pambulsang orasan (pocket watch). "Kung gayon ay humayo na tayo." Kasabay ng pagsarado niya sa orasan ay ang pagtakbo nito. Napanguso na lamang ako nang ako ay kaniyang maiwanan na.

"Ginoo! Hintayin mo ako!" Tumakbo na lang ako pasunod. Narinig ko pa ang malakas na sigaw ni Agnes ng pangalan kong 'Mira' na tila pinapaalalang huwag na akong umaktong si Ramiro.


I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now