Kabanata 31

109 15 0
                                    

Olivia,

Sa pagmulat nang aking mga mata ay agad na lang akong napahikab. Tila yata napasarap ang aking pagkakatulog kanina. Napangiti na lamang ako nang mamataan ang mabangong halimuyak ng bulaklak sa tabi ng aking hinihigaan. Kay tagal ko na ring pinangarap na magising sa ganitong pakiramdam. Talaga palang nakagagalak na magising ng walang pagpapanggap.

"Binibining Mira? Gumising na po kayo." Subalit ang ngiti ko ay tuluyang naglaho nang marinig ko ang tangguning iyon. Mukhang kailangan ko nang tanggapin na buong buhay ko ay kailangan kong masanay sa pagpapanggap. Napabuntong hininga na lang ako sa isiping iyon.

"Gising na ako, Agnes. Mauna kana sa hapag." Matapos kong sabihin iyon ay nagtungo na ako sa palikuran upang maglinis ng katawan bago harapin ang mga Señor. Hindi ko naman gugustuhin na mapahiya sa kanilang harapan.

Subalit sa gitna ng paglilinis ay tila may bagay akong gustong alalahanin. Tila hindi ako mapakali at ang tangi ko na lang nagawa ay ang matulala sa batsa na nasa aking gilid.

Malumbay yata ang aking pakiramdam ngayong araw? Hindi kaya ay talagang napagod kong masyado ang aking sarili kahapon? Kung gayon ay marapat lang na ipahinga ko ang aking katawan ngayong araw.

Nang matapos sa paglilinis ay agad na akong nagpalit ng kasuotan. Natawa na lang ako nang mapagtantong damit ni Ramiro ang aking sinuot kaya naman bago pa kumatok ang mga tagapagsilbi ay mabilis na akong nagpalit ng kasuotang pang-binibini. Napili kong suotin ang kulay lilang saya na nasa aking tukador. Isang malawak na ngiti ang sumilay sa akin nang tingnan ko ang aking sarili sa salamin.

"Kung tutuusin ay mas kaaya-ayang tingnan sa akin ang kasuotang ito. Nakatutuwa!" Masaya muna akong nagpaikot-ikot doon na tila ba wala nang pagsidlan ang aking nararamdaman. Natigil na lang ako nang si Manang Lucia na ang kumatok sa aking pintuan.

"Binibining Mira, kanina pa po kayo hinihintay ni Señor Carlos." Doon na ako napaayos ng tayo. Maging ang likod ko ay natuwid nang dahil sa pagkagulat.

"Paririyan na!" marahang sigaw ko pa. Mabilis kong hinagilap ang abaniko sa gilid ng florera ng mga bulaklak. Matapos ay nagdesisyon na akong lumabas na bahagyang nakataklob sa mukha ang abaniko.

"Kay tagal mo naman yata aking pinsan?" malokong bungad sa akin ni Señor Carlos. Kababakasan sa tono niya ang pang-u-usig. Tila gusto ko na lamang siyang saktan dahil sa kaniyang ginagawa. Ngayon pa niya ako sinisimulang buskahin kung kailan napakaganda nang aking gising. Gusto pa yata ng ginoong ito na sirain ang araw ko.

Kaawaan nawa siya ng may kapal.

"Paumanhin." Pilit na pilit at mariing turan ko na lamang bago ako naupo sa tabi ni Agnes na ngayon ay nakangiti sa akin. Bagama't alam kong sa likod ng ngiti niyang iyon ay ang kalungkutang nagtatago. "¡Feliz Navidad!" bati ko na lamang sa kaniya. Ito ang unang pasko niya na wala ang kaniyang pamilya. Hindi ko nanaising siya ay malungkot.

"Maligayang Pasko rin, Binibining Mira." Ngumiti siya nang malawak sa akin. Bumaling naman ako sa mga tagapagsilbi na ngayon ay kasabay muli namin at binati rin sila. Masaya naman nila akong binati pabalik.

"Nasaan ang pagbati mo sa amin, Binibini?" Nabaling ang aking tingin kay Ginoong Leonardo nang siya ay magsalita na. Marahan niyang hini-hiwa ang karneng nasa kaniyang platito. At nang mag-angat siya nang tingin ay napukol na lang iyong lahat sa akin. Hindi ko mapigilan ang hindi matigilan nang magtama ang aming mga mata. Bagama't walang ekspresyon ang kaniyang mukha ay siya namang ingay ng kaniyang mga mata. Lahat yata ng kaniyang damdamin ay tila nakulong sa kaniyang magagandang mata. Hindi ko na napigilang mahalina.

Subalit nang may sumiko sa akin ay roon na lang ako napaiwas at agad na nagtabing ng aking abanikong dala. Hinala ko ay si Agnes iyon.

"Olivia, hindi ba at napaalalahanan na kita?" pabulong na pagpuna niya sa akin. Nakagat ko na lamang ang aking labi at bahagyang napapikit. Olivia, maghunos dili ka. Bakit tila naakit ka yata kay Ginoong Leonardo?

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now