Kabanata 40

127 16 2
                                    

Olivia,

"Para sa unang misyon mo Mira bilang kasapi ng Cagabong, nais naming magtungo ka sa munisipyo ngayon sa pagpatak ng alas otso." Tumango ako sa sinabing iyon ni Don Mariano. Gamit ang isang mapa ng buong San Fernando na gawa mismo sa lupa ay inilagay niya ang isang tangkay ng kahoy na tila magsisilbing ako sa munisipyo.

Gabi na ngayon at ang tanging tanglaw namin sa kuta ay ang mga lampara na sinindihan kani-kanina lang kung kaya't ang apoy niyon ay talagang nagniningas.

"Ang kailangan mo lamang gawin ay pumosisyon sa dakong doon." Sa pagkakataong ito ay si Kapitan Arturo na ang umiimik—Kapitan ng San Ignacio. Itinuro niya sa akin ang malapit na simbahan. "Sa tuktok, para sa magandang posisyon."

"Subalit paano ako makakapasok doon?" Agad kong tanong sa kanila. Pilit kong pinatatatag ang aking loob bagama't lubos akong kinakain ng kaba. Narito ang lima sa pinakamatataas na ranggo ng samahan. Wala man si Ginoong Leonardo ay ramdam ko ang kanilang awtoridad sa gagawin ko ngayong gabi. Ako lamang ang susugod dahil ito'y tila isang pagsusulit. Itatalaga nila ako bilang mamamana, hindi maaaring basta lamang akong papana sa malapit dapat ay makakaya ko rin sa malayo. At higit sa lahat ay dapat kaya ko ring ipatama iyon sa tao.

"Huwag kang mag-alala, papapasukin ka ni Padre Martin. Siya ay atin ding kapanalig. Ang kailangan mo lang gawin ay magsuot ng kasuotang pang-madre at pumasok doon," saad naman ng mayamang si Tsu Ciao—isang negosyanteng Intsik. Hindi man tuwid ang kaniyang pananagalog ay maluwalhati ko naman iyong naintindihan.

"Ang iyo lamang pakatatandaan ay ang mapatay mo ang Governadorcillo na lalabas sa mga oras na yaon." Ngayong gabi ay naatasan akong kitilin ang buhay ng Governadorcillo ng buong San Fernando na siyang buong puso kong gagawin.

Hindi naman naglaon ay natapos ang pagpaplano. Sinabi rin nila na sila ay mga nakabantay lamang kung sakaling magkaroon ng pagkakamali o kaguluhan.

Si Agnes ang nag-ayos sa akin at siya rin ang tumulong sa akin upang magpalit ng kasuotang para sa mga madre.

"Huwag kang kabahan, maliwanag ba Olivia?" Tumango ako sa kaniya bilang sagot. Ngayon ay palabas na ako ng aming kuta para sa susunod na hakbangin. Kailangan na itong matapos sa pinakamadaling panahon. Lalo pa at noong isang araw lamang ay nadakip ang aming dalawang kasamahan at walang awang pinugutan ng Governadorcillo Feleciano Fernando sa plaza kahapon.

Lubos na nagluluksa ang buong samahan sa nangyari kung kaya't iniutos ni Señor Carlos bilang aming pinuno na ipapatay ang Governadorcillo bilang sagot sa kaniyang pagpaslang sa aming kasamahan.

"Hindi ba maaaring huwag ka na lamang tumuloy?" Bakas ang pag-a-alalang saad ni Agnes subalit sa pagkakataong ito ay buo ang loob ko.

"Para sa kalayaan, Agnes." Ang salita kong iyon ang tuluyang nagpaluha sa kaniya.

"Kung gayon ay basbasan ka nawa ng diyos. Patawarin nawa tayo sa ating pagkakasala." Marahang hinawakan pa niya ang aking pisngi bago niya ako giniya paalis. Sa huling pagkakataon ay akin siyang tinanguan.

Sa aking paglalakad palayo sa kuta ay bitbit ko lamang ang lampara. Bahagya ring nakatali ang aking buhok gamit ang palamuting ibinigay sa akin ni Ina bago siya lumisan. Natatakluban man iyon ng belo at hindi nakikita lubos ko pa rin naman iyong nararamdaman.

Mula sa aking damit ay nakatago ang pana't palaso na aking gagamitin ngayong gabi. Isang palaso lamang ang ipinadala nila sa akin. Tila sinasabing gamitin ko ang isang palaso na ito upang ipakita ang aking kakayahan.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now