Kabanata 61

87 8 0
                                    

Leonardo,


"Señor Manuel, ano po ang nangyari sa mga magulang ni Carlos?" Kilala nila ako bilang tahimik na bata subalit ang ganitong usapin ay hindi ko na kayang maipagsantabi lang. Hindi lingid sa aking kaalaman na ang mga magulang ni Carlos ay isa ring mga kasamahan ng kanilang alyansang binuo.

Kung kaya naman, bagama't nakababastos ang bigla ko na lamang pagbukas at pagpasok sa kaniyang silid ay akin pa ring paninindigan.

Nakatingin lang ang Señor sa akin habang kaniyang pinaglalaruan ang kaniyang paboritong maliit na patalim sa kaniyang mga kamay. Subalit ang biglaang pagpasok ni Señora Geneva mula sa balkonahe ng kanilang silid ang hindi ko napaghandaan. Mukhang nasa gitna yata sila ng masinsinang pag-uusap at ako'y nakadidistorbo lamang.

Subalit kailangan ko iyong malaman. Kailangan kong alamin ang lahat tungkol doon.

"Uulitin ko Señor, bakit tila biglaan ang pagkamatay ni Don Juanito at Doña Amelia?" lakas loob kong wika. Nakikipagtitigan at tinalikuran ang sariling takot.

"Talaga palang malakas ang iyong paninindigan." Ang Señora ang siyang unang nagsalita. "Kung gayun ay marapat lamang na iyong malaman ang nangyayari." Napalunok ako sa paraan ng kaniyang pag-imik. Wala na ang lambing at napupuno na iyon ng lamig. Ito ang tipikal na Anastasia. Ang kilalang maalamat na ereheng mamamana. "Subalit kailangan mong lumagda sa isang kasunduan." Natigilan ako roon at hindi ako mangmang upang hindi maintindihan ang kaniyang kagustuhan. Nais niyang ako ay sumali sa kanilang pag-aaklas. "Kasunduang ikaw ang hahawak ng alyansang aming binuo sa oras na kami ay pumanaw." Doon na ako tuluyang napaamang. Tila ako ay nabingi sa kaniyang tinuran. Hindi alam kung ano ang unang gagawin, iisipin at sasabihin. "Handa ka ba sa ganoong responsibilidad kapalit ng maliit na detalye ng pagkamatay ng mga magulang ng iyong tinatanging kaibigan?" Tuso, matinik at magaling magmanipula ang Señora. Sa likod ng natatangi at kapita-pitagang pangalan ni Heneral Manuel Ignacio ay ang kaniyang matalinong Tsinay na asawang walang pangalan sa lipunan subalit sa likod niyon ay isang kapita-pitagang babaeng hindi kailanman mapapantayan ninuman. "Mamili ka, responsibilidad o kamangmangan?" Sa puntong iyon ay naging sunod-sunod ang aking paglunok. Pilit kong nililingon si Señor Manuel subalit nanatiling tikom ang kaniyang bibig.

Ang kaba ko ay nag-uumapaw maging ang pagniningas ng apoy sa lampara ay sinasabayan ang init ng aming usapan. Ang desisyon ko lamang ang kanilang kailangan. Iyon lang ang kanilang tatanggaping salita mula sa akin sa pagkakataong iyon. Subalit ako ay labing dalawang taong gulang lamang. Walang alam sa mundong aming ginagalawan. Kulang pa sa karunungan at hindi rin kayang ipagtanggol ang sinuman.

"Ngunit ang nais ko ay maging manunulat."

"Maari kang maging manunulat Nardong, huwag mo kaming bigyan ng kahangalang mga dahilan," mabilis na bwelta ng Señora. "Lalamunin ka ng takot at ang takot mo ang papatay sa mga taong pinakapinagkakaingatan mo. Ngayon, uulitin ko. Responsibilidad o kaipokrituhan? Mamili ka." Sa pagkakataong iyon ay lalo akong kinabahan. Walang halong pagbibiro ang Señora, lalong wala itong kahit na ano pa mang ngiti sa labi. Nangangahulugang seryoso siya sa kaniyang inaalok.

Bata pa man ay ninais kong maging liwanag na tatanglaw sa marami kagaya nila. Kung ito na ang hudyat, pakakawalan ko pa ba?

"Tinatanggap ko ang responsibilidad." Bago ko pa man napag-isipan ay nabitawan ko na ang mga iyon. At wala na akong balak pang bawiin ang bagay na aking napagdesisyonan.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now