Kabanata 65

87 11 0
                                    

Leonardo,

"Sasagutin mo ba ako o itatarak ko sa leeg ng anak mo ang espadang hawak ko?" mariing saad ko bagama't nakataklob ang aking mukha ng telang parati kong ginagamit. Kaharap ko ngayon ang kutserong napadaan sa insidente. Ngayon ay nagmamakaawang nakaluhod ito sa aking harapan nang akin siyang bisitahin.

"Ginoo, maawa kayo sa aking anak. Hindi pa siya labis na nakapagsasalita, ako na lamang Ginoo. Ako na lamang." Lalong uminit ang ulo ko sa kaniyang tinuran at doo'y hindi na napigilan ang biglaang pagsigaw.

"De puta! Umimik ka!"

"Ang Señorito Felicito Fernando. G-Ginahasa niya ang mga Binibini. Hindi ko nagawan ng paraang patakasin ang dalawa s-subalit akin namang natulungan ang dalawa, bagama't naisagawa na ng Señorito ang kaniyang krimen." Sa pagkakataong iyon ay tila nais ko na lamang kitilan ng buhay si Felicito Fernando. Nanginginig ang aking kamay na lumabas ng kubo at iniwan ang mag-amang aking pinagbantaan.

"Humayo na tayo!" galit na saad ko at akmang magtutungo na sa Hacienda Fernando nang marahas akong tutukan ng baril ni Carlos.

"Sige Nardong. Gumalaw ka ng hindi maganda at aking ipuputok ito sa ulo mo." Hindi ako natatakot sa kaniyang banta, bagkus ay naiintindihan ko siya. Ito na lamang ang huli niyang baraha para ako ay kalmahin. "Malapit na ang bagong taon, kailangan nating maisakatuparan ng ayos ang ating naplano, Nardong. Umaasa sa atin ang buong hukbo. Hindi tayo nararapat magpadalos-dalos." Subalit kahit anong gawin ko ay hindi ko magawang kumalma. Dahil doon ay mas pinili ko na lamang na higitin ang baril na kaniyang itinututok sa akin at pinaputok iyon sa itaas sa sobrang galit. Naghuhumiyaw at nagmumura.

Ano ba ang aking nagawang kasalanan at ganito kalupit ang mundong aking ginagalawan. Nagkulang ba ako sa pag-iingat kung kaya naman lahat ng taong aking pinahahalagahan ay napapahamak?

Sa isiping iyon ay isinagawa ko ang plano nang mag-Bagong Taon. Bagama't hindi inaasahan ng grupo na ang paglusob ay magaganap sa aliwan ay akin pa rin iyong itinuloy bagama't nakasalalay ang negosyo ni Carlos doon. Namatay ang anak ng Gobernadorcillo roon at ilang mga tiwaling opisyales. Nakamit namin ang tagumpay nang gabing iyon. Nais kong linlangin ang mga mata ng mga kalaban sa pamamagitan ng pagpapanggap na kami ay biktima rin ng mga ereheng sumugod. Subalit tila hindi ko iyon magagawa sa mga mata ni Olivia. Muli ay hindi ko napaghandaan ang kaniyang biglaang pagdating sa aming kuta. Hindi ko maintindihan kung bakit tila lahat ng bagay patungkol kay Olivia ay hindi ko kailanman mapaghandaan.

"Ipakilala mo ang iyong sarili," matigas na tanong ko habang pinakatitigan si Olivia na ngayon ay nakadapa sa aking harapan. Gayunpaman ay hindi ko na maitago ang inis na nadarama. Ano ba ang kaniyang ginagawa rito? Bakit siya nagtungo sa lugar na ito?

"Pinuno, nararapat siyang patayin, isa siyang espiya-" Hindi ko na pinatapos si Kanor sa kaniyang sasabihin at muli akong umimik.

"Inuulit ko, ipakilala mo ang iyong sarili." Wala akong nagawa kundi ang tutukan siya ng aking baril. Ikinasa ko iyon para ipakitang hindi na lamang ako nagbibiro. Gusto kong malaman niya na ang mundong ito ay mapanganib ngunit tila umaasa lamang ako sa wala sapagkat tila nakalimutan kong anak nga pala siya ng Señora Geneva. Kahit yata ang salakot ay hindi maikukubli ang kaniyang pagkakakilanlan sa paningin ko.

"O-Olivia Cartello Ignacio ang aking pangalan, a-anak ng yumaong sina Geneva Cartello at Manuel Ignacio." Natahimik ang buong paligid matapos niyang sabihin ang katagang kaniyang binitawan. Sa puntong iyon ay nakaramdam na ako ng pagkatakot. Hindi para sa akin bagkus ay para sa buhay ni Olivia.

Natapos na lamang ang katahimikan nang pumailanlang sa paligid ang tinig ni Carlos. "Huwag kayong mabahala, siya ay ang anak ng dating pinuno. Ako mismo ang makapagpapatunay niyan. Ngayon mga kapanalig, ipaghanda niyo siya ng piging." Sa unang pagkakataon ay ninais kong putulan ng dila si Carlos. Hindi ko gustong pasalihin sa hukbo si Olivia. Ayaw ko siyang madamay sa gulo. Ayokong siya ay mamatay sa harapan ko. Subalit wala na sa aking kamay ang desisyon at mukhang sa pagkakataong iyon ay lubos na siyang nakapagdesisyon. Hindi kana nga bata, hindi na kailanman mahal ko.

Labag man sa aking loob ay pilit ko pa ring tinulungan si Olivia sa pagsasanay sa maliliit na paraan. Ako ang magdamag na mulat upang igawa siya ng matalas na palaso at marami niyon upang kaniyang gamitin sa pagsasanay.

Subalit, muling hindi inaasahang pangyayari ang aking naabutan.

"Paumanhin—" Agad akong natigilan sa aking paglalakad nang mayroong bumangga sa akin. Narito ako sa pamilihan upang mangalap ng maraming kasamahan para sa aming susunod na paglusob subalit ang makita si Olivia na ngayon ay may dalang pana at palaso ay hindi ko inaasahan. Suot niya ang itim na kasuotan na lubos na ikinasalubong ng noo ko. "Leonardo?" Ano ang ginagawa niya rito?

Lalo akong naalerto nang makarinig ng mga yabag at hiyaw ng mga Gwardya Sibil na tila may tinutugis. Doon na niya ako hinila at doon ko na rin napagtagpi-tagpi ang nangyayari. May ginawa siya na hindi nakaabot sa akin kung kaya't tinutugis siya. Anong kalokohan ito?

Lumiko kami at tinungo ang kahabaan ng makipot na eskinita papunta mismo sa daungan ng mga barko.

"Ano ang nangyayari?" Pilit ko pa rin iyong itinanong dapatwat tila may hinala na ako sa nangyayari.

"Wala akong panahon upang ipaliwanag." Hindi ko lubos nagustuhan ang isinagot niya sa akin ngunit hinayaan ko ang sariling tumakbo kasama siya dahil mas lalong hindi ko gugustuhing kami ay magkausap nalang ng matino sa selda. Palabas na sana kami ng eskinita nang bigla naming matanaw mula sa malayo ang mga Gwardya Sibil na tumatakbo na rin. Ang balak ko sana ay hihilahin siya pabalik sa aming pinanggalingan subalit bago ko pa man siya mahila ay mabilis na niya akong isinandig sa pader. Tuluyan nang nawala sa isip ko ang mga pangyayari nang ilapit niya ang kaniyang mukha sa akin. Ang tanging nahabol ko na lamang ay ang mabilis niyang pagtanggal ng aking salamin.

"Para sa bayan." At doon ay isang bagay na hindi inaasahan na naman ang kaniyang ginawa. Sinakop niya ang labi ko na tila isang bagay iyon na kailangan. Hindi iniisip ang magiging epekto niyon sa aking katinuan. Dahil doon ay hinapit ko siya at mas pinaglapat ng husto ang aming mga labi na tila iyon na ang una at huli. Hindi iniisip kung ano ba talaga ang nangyayari at ang tanging nasa isip ay ang mahagkan siya at madama niya kahit sa ganitong paraan ang aking lubos na pagtangi sa kaniya, na sa paraang ito ay nais kong ipabatid ang aking nararamdamang wala akong balak na ipaalam.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)On viuen les histories. Descobreix ara