Kabanata 60

94 13 0
                                    

Leonardo,

Simula nang araw na iyon ay magkasama na lagi kami ni Carlos na magdala ng bulaklak sa simbahan. Tuwing Sabado ay nakaabang na ang padre sa likod ng simbahan upang kami ay papasukin dala ang aming mga bulaklak. Hindi naman kami sinusuway ng mga madre sa paligid dahil aliw na aliw sa amin ang Padre Martin na noo'y nasa kaniyang kabataan pa.

Subalit isang insidente ang nangyari na lubos kong ikinatakot. Takot na baka mawalan na ng tiwala ang padre sa amin. Hindi ito sinasadya ni Carlos at lalong hindi ko sinasadya. Nabasag namin ang larawan ng Berheng Maria dahil sa aming paghahabulan sa loob ng simbahan. Nakita ito ng punong madre at kami ay pinarusahan ng sampung hagupit at pagdarasal ng maghapon sa loob ng kumbento. Walang pagkain ni tubig na ibinigay sa amin kung kaya't hapo kami at gutom na gutom nang makalabas. Subalit ang akala namin na kami ay pauuwiin na ay bigla kaming pinatawag ng Padre sa kaniyang lihim na silid sa ilalim ng simbahan. Hindi pa man ito kongkreto at hindi gawa sa adobeng bato kagaya nang aking nakita sa Maynilad nang minsang ipasyal ako ni Señor Manuel doon. Subalit ang buong simbahan ay talagang nagtataglay ng kaginhawaang tanging dito mo lamang mararamdaman.

"Kasalanan mo ito Nardong. Kung hindi mo sana ako hinabol ay hindi mababasag ang larawan." Napabuntong hininga na lamang ako sa kaniyang paninisi. Ano pa ba ang kaniyang inerereklamo? Pareho naman na kaming may latay ng latigo sa binti, gutom at uhaw ngayong araw.

Hindi ko na lamang siya inimikan at nagpatuloy na lamang sa paglalakad pababa sa hagdan patungo sa silid ni Padre Martin. Nang kami ay makarating doon ay talagang napakadilim. Mabuti na lamang talaga at kami ay nagdala ng lampara na siyang aming magiging tanglaw sa dilim. Hindi naman naglaon ay narating namin ang pintuan. Kumatok muna kami bago iyon binuksan. Doon na bumungad sa dalawa naming mata ang Padre na nakaharap sa isang pinintang larawan na may gintong lagayan.

"Magandang gabi po Padre," magalang naming turan ni Carlos bagama't may pagtataka sa kaniyang tinititigan. Akala namin ay magugulat pa ito sa biglaan naming pagdating subalit mukhang kaniya nang inaasahan na kami ay tutungo rito at nais niyang masaksihan namin ang pagtitig niya sa larawan ng babaeng nakatalikod at nakaharap sa isang pamilyar na lawa. Ang lawang aking kinagisnan.

Nang humarap siya sa amin ay isang natong ang kaniyang agad na binato. "Sino sa inyo ang totoong nakabasag ng larawan ng birhen?" Sabay kaming natigilan ni Carlos subalit dahil agad akong nakabawi ay ako na ang umako.

"Ako po, Padre." Napapalunok pa ako sa aking pagsisinungaling. Subalit may katotohanan din naman na kaya nabasag ang larawan ay dahil hinabol ko ang Señorito. Masyado na kasi siyang naliligayahan sa pambubuska sa akin na ako ay may pagtingin sa aming binibining kaklase na anak ng kasalukuyang Heneral ng San Nicolas. May pasok na muli subalit talagang aming inilalaan ang araw ng Sabado upang magtungo sa parokya subalit hindi namin lubos inasahan na mangyayari ito.

Kinatitigan ako ng Padre at bahagya pa itong yumuko upang magpantay ang ulo namin.

"Hindi ka ba nagsisinungaling, Leonardo?" Buo at lakas loob ko siyang tinango. Matapos iyon ay inasahan ko na muli akong makatatanggap ng latay mula sa Padre na siya namang nangyari. Pilit na nakisali si Carlos at paulit-ulit na sinabing siya talaga ang may gawa kaya pati siya ay napaglatay ng Prayle.

Hunghang talaga. Siya na nga ay aking iniligtas. Nilaglag niya pa rin ang kaniyang sarili.

Gayunpaman, matapos niya kaming parusahan ay siya rin mismo ang naglinis ng aming sugat at pinakain niya pa kami.

Namalayan na lamang namin na kami ay pareho nang nakaupo sa hapag at sinasabayan ang padre sa kaniyang pagkain ng hapunan.

"Sana ay nauunawaan niyo ang dahilan ng aking pagpapataw ng parusa. Ikaw Leonardo ay nagsinungaling sa akin, habang ikaw naman Carlos ay nanahimik lamang. Tinanong ko kayo kung sino ang may gawa subalit mas pinili ninyong ilihim ang katotohanan. Sa inyong palagay, mas mainam ba ang itago ang totoo o ang magsabi kahit maparusahan?" Sabay kaming napayuko ni Carlos dahil alam naming pareho ang aming nagawang kasalanan.

"Mas mainam po ang magsabi ng totoo," mahina at pabulong naming turan. Ngumiti ang kura paroko at iniipod sa amin ang mga pagkain.

"Sige at kumain pa kayo." Isa si Padre Martin sa iilang taong hinangaan ko na nagtataglay ng liwanag sa mundong madilim. Bansang sinakop ng sakim at lagim. Mga taong pilit sinisindihan ang lamparang patuloy hinihipan ng masamang hangin. Bagay na nais at pangarap kong marating na siyang aking nakita sa pamamagitan ng pagsusulat.

"Ano raw ang sabi nila?" Iyon agad ang naging tanong ni Carlos matapos kong makalabas mula sa palimbagan ng libro. Noong isang lingo pa akong nagpasa ng aking manuskripo at ngayon nila sasabihin sa akin kung ito raw ay kanilang aaprobahang maisalimbag. Kung kaya't muli lamang sumunod sa akin si Carlos para alamin ang naging resulta. Nang ngitian ko na siya ay laking hiyaw na nito. "Ayos!" Tumawa nang tumawa ito bago ako akbayan habang nagtatalon-talon kaming naglakad palayo. "Magandang balita ito, halika at tayo'y kakain sa aming balay." Kalalabas lamang namin sa eskwelahan at dito na agad kami pumunta. Ngayon ay patungo na kami sa kanilang balay dahil iyon ang pinakamalapit sapagkat ang bayan na ito ay San Fernando na.

Subalit nang kami ay makarating sa kanilang balay ay lubos naming ikinagulat ang presensya ng kaniyang Ama at Ina. Ang balay nila ay tila tindahan sa baba at sa taas ang pinaka-bahay. Marami silang tinitindang alahas na talagang nakakahatak ng matataas na tao sa mga karatig bayan. May kaya ang mga magulang ni Carlos. Gayunpaman ay hindi nila ako minata-mata bagkus ay masaya nila kaming sinalubong na tila ako ay kanilang pinapayagang maging kaibigan ng kanilang anak. Pinaghain at pinakain nila kami ng mga matatamis na pagkain na galing pa raw sa Europa. Nang araw na iyon, muli akong nakatagpo ng sariling pangarap. Nais kong magtungo roon upang makabili rin ng mga pagkain at maibigay sa munting anghel na si Olivia.

"Aalis na po ako, magdidilim na rin," paalam ko sa kanila. Bakas ang lungkot sa mukha ni Carlos na nakasilip mula sa kanilang pinto habang malungkot na tinitingnan din ako ni Doña Amelia. Nakalingkis ang kamay nito kay Don Juanito na ngayon ay hinatid ako palabas ng kanilang tindahan. Masyado siguro silang nawili na ako ay kausapin patungkol na rin sa aking akda na ipinasa kanina. Ipinagmamalaki ako ni Carlos sa kaniyang mga magulang at nang sila ay magsimula nang magtanong ay wala na akong nagawa pa kung hindi ang sumagot.

"Mag-iingat ka, hijo." Tinanguan ko ang Don.

"Hindi ka ba maaring manatili na lamang dito?" Pahabol pa ni Doña Amelia.

"Amelia, tumigil kana baka hinahanap na siya ni Heneral Ignacio," pananaway ng Don sa asawa. Marahan at may paglalambing. Hindi ko napigilang humanga sa pagsasama ng dalawang mag-asawa at umasang balang araw ay makatagpo rin ako ng babaeng aking iibigin.

Subalit ang lubos kong hindi inasahan ay ang una naming pagkikita ay siya palang magiging huli. Kinabukasan ay nakatanggap na lamang ako ng balitang patay ang mag-asawa at ngayon ay lubos na nagluluksa ang aking matalik na kaibigan. Gayunpaman ay hindi niya ginustong ipaalam ang pagkamatay ng mga ito sa buong San Fernando at minabuting sa Espanya magdaos ng libing sapagkat naroon din man lamang ang kaniyang mga kaanak.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now