Kabanata 37

281 29 2
                                    

Olivia,

Anong tanglaw ba ang masisilayan sa gitna ng kadiliman? Kaninong kamay ba ang mahahawakan sa gitna ng kagipitan? Sa paanong paraan ba gigising sa ilalim ng nakapanghihilakbot na bangungot? Isang paraan lamang, magmulat.

Malakas akong napabuntong hiniha nang matapos isulat ang mga linyang iyon sa kwadernong iniregalo sa akin ng Ginoo. Gabi na subalit hindi pa rin ako dalawin ng antok. Kung kaya naman ay mas pinili ko na lamang na sulatan ang kwaderno sa unang pagkakataon. Ngayon ay ika-apat ng Enero taong isang libo walong daan at pitumpo at ito ang unang mga salitang isinulat ko sa aking talaarawan.

Hindi na lubos mawala sa aking gunita ang nangyari ilang araw na ang nakalilipas. Magpasahanggang ngayon ay hindi pa rin ako pinapayagang makalabas ng hacienda matapos iyon. Hindi ko na rin naman nakita pa ang Ginoo at Señor. Tanging ako at si Agnes lamang ang naiwan kasama ang mga katulong sa mansyon.

Hindi lingid sa aking kaalaman ang ideyang may kinalaman sila Ginoong Leonardo sa mga nangyayari. Subalit taliwas ang mga balitang nakaabot sa akin. Kumalat sa mga karatig bayan at buong lalawigan ang sabi-sabi na mga kagalit ni Señor Laong ang mga ereheng sumugod sa Bahay Aliwan. Napag-alaman ko rin na nasawi sa pagsugod ang anak ng Governadorcillo ng bayan. Hindi rin nakatakas sa pandinig ko na nasa kritikal na kalagayan umano ang Señor Laong na siyang nangangalaga sa akin. Noong una ay lubos kaming nag-alala ni Agnes, subalit nang saglit na makalabas si Agnes ay ibinalita niya sa aking maayos naman daw ang kalagayan nito.

Doon na pumasok sa aking isipan na marahil ay nagpapanggap lamang ang Señor. Doon na rin nabuo ang isang malaking ideya sa aking isipan na ang dalawang binatang kasama namin ni Agnes ang may pakana ng kaguluhan. Na sila ang nasa likod ng Cagabong, ang unang pagsugod ay isang malaking palabas para ilayo sa kanila ang atensyon. Mangyayari nga naman iyon kung sila ay mga naging unang biktima. Sa paraang iyon ay makakakilos ng maluwag ang mga utak ng alyansa.

Isang sinag ang biglang umagaw ng aking atensyon. Nang akin iyong balingan ay bumungad sa akin ang iniwang palamuti sa buhok ng aking yumaong ina. Natatamaan iyon ng gaserang nagiging tanglaw sa dilim ng aking silid. Kinuha ko naman iyon at agad na kinatitigan.

Noon pa man ay taliwas na ang aking paniniwala sa kaganapan sa aking paligid. Naniniwala ako na hindi nararapat alilain ang mga Pilipino sa sarili nilang bansa. Ang katulong ay mananatiling katulong at ang may-ari ng bahay ay nararapat lamang galangin. Ngunit tila tama nga si Ginoong Leonardo, kamangmangan ang ikamamatay ng mga tao.

Lalong nagsiklab ang aking damdamin sa paniniwalang iyon nang masaksihan ko ang pagkamatay ng pamilya ko. Saglit ko iyong kinalimutan para sa sariling kaligtasan subalit nagbalik lahat ng akin namang masaksihan ang pagkamatay ng pamilya ni Agnes. Subalit ang katotohanang wala naman akong ibang magagawa ang siyang lumalamon sa aking sistema.
Galit na akala ko ay matutupok na subalit nagliyab muli nang ang aking mga minamahal na kaibigan naman ang nasawi, naalipusta at binaboy ng mga nakatataas na dapat ay katulong lang naman ng may-ari ng bansa.

Ngayong may paraan na ang lahat, hindi ko yata kakayaning pumikit lang.

"Magmulat," naiusal ko na lamang iyon. Sa puntong iyon ay napagtagpi-tagpi ko ang kabuuan ng mga lihim na kanilang itinatago. Sa pagkakataong ito ay buo ang loob kong tumayo at nagpalit ng damit na kasuotan ng panglalaki. Gumamit ako ng salakot at dumaan sa bintana para makalabas ng mansyon. Natitiyak kong ang gubat ang kuta ng Cagabong at doon ang tungo ko.

Mabilis ang aking galaw sa pagtakas sa mga bantay ng hacienda. Dahan-dahan din ang aking galaw upang hindi makatunog ang mga ito. Inabot ako ng ilang minuto bago nakalabas sa lawak ng sinasakupan ng Hacienda Laong. Nang tuluyang makalabas ay dumiretso na ako sa gubat kung saan kami nagtungo ni Leonardo noon.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now