Kabanata 44

88 11 1
                                    

Olivia,

Hindi naging mahirap para sa akin ang magtungo sa plaza kung saan gaganapin ang pagdiriwang ng pagkahalal ni Fransisco Fernando. Malakas ang kaniyang loob para iyon ay isapubliko kaya naman inaasahan na ng aming grupo na marami sila at hindi nga kami nagkamali dahil napakahigpit ng mga Gwardya Sibil sa plaza ngayon. Lantarang kinakapkapan ng mga ito ang mga taong dumadaan. Kung kaya naman, humanap ako nang rutang hindi daraan sa plaza subalit makakarating sa posisyong itinalaga sa akin. Umikot pa ako kung kaya't natagalan. Gayunpaman ay malugod ko naman iyong narating ng walang kume-kwestiyon sa aking kasuotan.

Nang aking marating ang posisyon na iniatas sa akin ay napansin ko pa ang ilan naming kasamahan na nagmamatyag sa paligid.

Marami ring bandiritas at mga pailaw sa gitnang parte ng plaza. Mayroon din doong entablado at mga upuan na para lamang sa mga bisita. May harang din upang hindi makapasok ang sino mang hindi imbitado. Nag-abala rin silang lagyan ng tela roon na may nakasulat na 'Mabuhay!'.

Hinintay ko lamang na magsimula ang pagdiriwang. Subalit hindi ako mangmang upang hindi makahalatang naghihintay sila ng pag-atake. Kung kaya naman ay naghintay lang din ako. Maghintayan kami hanggang kamatayan.

Nang mukhang hindi na nakahintay ay nagsimula na rin sila. Napasipol na lamang ako nang mapansing iilang mga kilalang tao lamang ang nagsidalo. Wala rin ang ibang politiko at negosyante ng bayan. Doon ko napagtantong isa itong patibong. Patibong na hindi nila aasahang sila rin ang mabibitag.

Nagsimula na akong pumwesto. Inilabas ko na rin ang aking pana at palaso. Gayundin naman ay sinigurado kong walang ibang makakakita sa akin sa kinapoposisyonan ko. Ito ang ikalawa naming paglusob at hindi ko sila bibiguin.

Kagaya nga nang aming napagkasunduan, hanggang kamatayan naming paglilingkuran ang Cagabong.

"Bigyan natin ng masigabong palakpakan si Gobernadorcillo Fransisco Fernando!" Nagpalakpakan naman ang mga hangal na bisita at ang ilang mga taong nakikinuod. Nang umakyat na nga ang Gobernadorcillo ay unti-unti ko nang hinigit ang aking palaso. Subalit nang makaramdam ako nang kakaiba ay aking dinalawa ang nakalagay na palaso sa aking pana. At bago pa man ang lahat ay pinakawalan ko na iyon ng sabay at pinalipad sa magkabilang direksyon. Isa sa itaas ng entablado at isa sa ibaba kung nasaan ang isang Gwardya sibil na nakapansin sa akin.

Kasabay ng muli kong paghugot ng panibagong palaso mula sa sisidlan niyon ay ang sabay na pagtarak ng palaso sa katawan ni Fransisco at nang Gwardya Sibil.

"Mga Erehe!"

"Ang Gobernadorcillo!" Muli nang nagkagulo at hindi naman nagtagal ay nagpaulan na nang putong sa direksyon ko. Gumapang muna ako pababa sa bubong ng pawid upang magtago subalit hindi ko na nailagan pa ang isang mabilis na bala na dumaplis sa akin. Hindi ko na lamang iyon ininda at nagpatuloy. Nang saglit na nawala ang pamamaril ay muli akong sumilip para pagpapanain ang mga Gwardya Sibil na tumatakbo na sa posisyon ko. Pinagpapawisan na ako at talagang mas lumalala ang pagdugo nang aking braso. Pero hindi ako tumigil sa pagpana gamit ang dalawang palaso na ipinatatama ko sa magkaibang direksyon. Hindi naman ako nagsayang ng kahit isa sa mga iyon. Sinisigurado kong kapag lumipad na ang aking palaso ay may tatamaan niyon.

Nang magsipuntahan sa direksyon pasilangan ang mga hangal na Gwardya Sibil ay nagsimula naman ang pag-atake ng aking mga kasamahan mula Hilaga, Kanluran at Timog. Ang halos tatlong daang gwardya sibil sa paligid ay nakikipagpalitan ng putok ng baril sa aming mga kasamahan. Gayundin naman ang aking ginagawa. Pinalipadan ko ng palaso ang mga Gwardya Sibil na nagtatangkang bumalik para tulungan ang mga kasamahan na naiwan sa Munisipyo.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now