Kabanata 66

88 12 0
                                    

Leonardo,

"Paano mo nagawa iyon Carlos?" galit na bulyaw ko sa kaniya nang kami ay magkasarilinan na lamang. Hindi ko na mapapalampas ang ginawa niyang kapangahasan. Ni hindi niya ipinaalam sa akin na nais niyang isugo si Olivia upang patayin ang Gobernadorcillo. Alam kong kating-kati na siya sa paghihiganti at ganoon din naman ako. Subalit ang gamitin si Olivia sa pansariling kagustuhan ay tila hindi na tama.

"Ano bang ginawa ko Leonardo? Nais ko na lamang ding matapos ang lahat ng ito. Mamamatay lang din naman siya, bakit hindi pa ngayon?" Bakas ang galit niya na ngayon ko nalang muling nakita sa kaniya matapos ang halos ilang taon. Laging masiyahin si Carlos subalit sa likod niyon ay ang taong pagod na sa lahat ng paghihirap. Pagod sa lahat ng sakit at galit.

"Subalit hindi tayo pwedeng magmadali Carlos. Kung ganiyan ka mag-isip ay sabay-sabay tayong mamamatay ng mga dilat ang mata!" Nanggagalaiti ko na siyang binulyawan habang kami ay nasa loob ng kaniyang opisina.

"Kumalma lamang kayong dalawa. Hali kayo at uminom muna ng tubig. Hindi maganda na kayo ay magsigawan," malumanay na saad ni Agnes na kararating lamang. Mukhang sa presensya ng dalaga ay nakalma ang aking kaibigan na siya ring nais ko. Nais ko ring makalma. Akmang ako ay lalabas na at magtutungo sa silid ni Olivia ay siya namang agad na pagpigil sa akin ni Agnes.

"Ngayon pa lamang nakatulog ang Binibini. Hayaan niyo muna siyang makapagpahinga. Lubos siyang nagdaramdam sa ginawa niyang unang pagpatay." Doon na ako napalunok at marahang napabuntong hininga. Nauna ang aking galit at hindi ko naisip ang kasalukuyan niyang nararamdaman. Kailangan kong kumalma. At kung hindi si Olivia ay isang bagay lamang ang nakapagpapakalma sa akin. Iyon ay ang pagsusulat.

Nang gabing iyon ay hindi ko na namalayang nagsisimula na akong magsulat patungkol sa aming buhay. Pinamagatan ko iyong 'Arrow Pen' kagaya nang kung paanong pinangalanan ni Olivia ang kaniyang pana't palaso. Umaasang matatapos din ang lahat ng pangyayaring ito at makakamit din namin ang tagumpay sa katapusan.

Sa huli ay hindi rin ako nakatulog hanggang sa abutin ng umaga. Sa mga sumunod na araw ay namalayan ko na lamang na araw-araw akong gumigising upang tingnan ang orasang pambulsa na ibinigay sa akin ni Padre Martin na tila masasagot niyon ang aking mga hiling. Hindi naman ito nagsasabi ng saktong oras, ni gumagana ay hindi. Kung kaya't malimit ko itong paglaruan na para bang kinasanayan ko na.

"Olivia, naiintindihan ko ang iyong naramdaman noong isang araw. Ipagpaumanhin mo ang aking naging reaksyon." Matapos kong magkwento ay iyon ang aking binitawang mga salita sa kaniya. Nagkatitigan kami bagay na paulit-ulit nangyayari subalit sa puntong ito ay hindi ko na halos napigilan ang aking sarili na hawakan ang kaniyang luhaang mukha at punasan iyon. Hindi ko lubos malaman ang gagawin nang makita siyang lumuluha para sa akin. Nang siya ay biglang pumikit ay bigla ko na lamang ninais na sakupin ang kaniyang mga labi.

Subalit hindi ko iyon maaaring gawin. Hindi ko kayang ipaalam sa kaniya ang aking nararamdaman gayung wala akong kapayapaan ni kaligtasang maipapangako sa kaniya. Kung kaya lumayo na ako at tumayo. Ninais kong iwan na siya. Ninais kong kalimutan ang aking nakitang pagtangi habang nakatitig sa kaniyang mata. Ni nais kong huwag marinig, ni makinig. Subalit ninais din naman ng puso ko na sana ay tama ang hinala kong iniibig din niya ako.

Nang pigilan niya ang aking kamay sa pag-alis ay tumigil naman ako. Gusto ko siyang marinig. Gusto kong malaman bagama't huli na. Bagama't hindi ko rin naman tatanggapin ni masusuklian. Sa pagkakataong iyon ay nag-uunahan ng magtuluan ang aking mga luha. Sa paanong paraan napunta sa ganito ang lahat? Hindi ko na rin halos malaman. Maraming umaasa sa akin. Hindi ko sila kayang biguin para lamang sa aking pansariling kasiyahan. Ang bayan o pag-ibig. Sa pagkakataong ito, ang bayan ang pinipili ko.

"Ang kwento natin.." Pinilit kong hindi pinahalata ang aking pagluha at tahimik na nakinig sa gumagaralgal na rin niyang boses "Ang kwento natin, k-kung sakali man na mauwi ang lahat ng ito sa kamatayan. Maipapangako mo bang mabubuhay ka at isusulat ang kwento natin?" Hindi ako umimik. Hindi ko kayang umimik dahil lubos akong nasasaktan. Sakit na babaunin ko hanggang kamatayan. "Alam ko na ikaw iyon, Leonardo. Ikaw ang nagligtas sa aking buhay nang gabing namatay ang aking mga magulang. Bakit hindi ka pa umamin? Hindi mo ba nakikitang-" Hindi ko na siya pinatapos pa dahil ayoko nang marinig pa ang mga sasabihin niya. Hindi ko na alam kung paano ko pa siya sasagutin kung hahaba pa ang usapan namin.

"Sa panahong ito, wala akong panahon para sa pag-ibig. Kailangan ako ng bayan, kailangan ako ng Pilipinas." Ang kaniyang paghagulgol ay tila mga patalim na unti-unti akong kinikitilan ng buhay. Hindi ko kayang marinig subalit hindi pwedeng talikuran ko na lang.

"Pero kailangan din kita, mahal ko." Nang bitawan niya iyon ay halos gustuhin kong sumuko sa kaniya. Gusto kong maglumuhod at humingi ng tawad. Gusto kong halikan muli siya at damhin ang malalambot niyang labi. Patahanin siya sa pag-iyak at gawin siyang pinaka-maligayang babae sa balat ng lupa. Subalit hindi ko iyon maaaring gawin. Itatali ko lamang siya sa pagmamahal kong alam kong hindi rin magtatagal. Tanggap ko na ang aking kamatayan sa labang ito. At gagawin ko ang lahat para ipagpatuloy ang mga nasimulan ko.

"Paumanhin Binibini, hindi ko alam ang iyong sinasabi." Doon ko na tinabig ang mga kamay niyang nakahawak sa aking kamay kanina. "Iisipin ko na lang na ang pag-uusap nating ito ay hindi nangyari." At kahit mabibigat ang hakbang ay pinilit ko ang sariling mapalayo sa kaniya. Hindi ko siya itatali sa akin upang magdusa. Malaya siyang magmahal ng iba, iyong taong pipiliin siya at hindi kagaya kong uunahin ang bayang tiyak na papatay rin naman sa akin.

"Sa susunod nating buhay!" Napatigil muli ako sa paglalakad. Oo mahal ko, sa susunod nating buhay. "Leonardo, sa susunod nating buhay. Sa buhay kung saan hindi kana kailangan ng bayan. Sa buhay kung kailan ako naman ang kaya mong ipaglaban kaysa sa bayang iyong buong pusong pinaglilingkuran. Ipangako mong pipiliin mo naman ako. Ipangako mong hahanapin mo ako, mahal ko." Pangako, Olivia. Pinapangako kong muli tayong magkikita.

Subalit tila talagang kay lupit ng mundo. Hindi ko akalain na ang mga masasaya naming sandali ay mauuwi sa pagbabagong sisira rin sa amin.


I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now