Kabanata 8

741 47 22
                                    

Laveinna,

Nang makauwi ako sa bahay ay cellphone agad ang hinawakan ko. Hindi pa naman kasi talaga ako inaantok kaya naman nagpasya akong magbasa muna.

Kanina nang umuwi ako, napagalitan pa ako, kasi naman daw alas dies na ako naka-uwi. Pinabibili lang naman daw ako ng gamot. Pero 'di bale, at least 'diba nakauwi na ako. Ngayon ay balak kong basahin ang bagong story ni Ten ang Arrow Pen. Kaysa naman ma-spoil ako sa internet basahin ko na lang.

Binaba ko ang brightness ng phone ko, di-nark mode ang phone, nahiga at nagkumot. Bago nagsimulang magbasa ng may ngiti sa labi.

ARROW PEN

PROLOGO

Tahimik ang paligid at tanging ang pagkaluskos lamang ng pagtama ng palaso sa isang lata ang nagpapukaw sa katahimikan. Humulma ang nagmamayabang na ngisi sa labi ni Olivia na ikinatawa naman ni Carlos.

"Magaling Olivia, kahanga-hanga. Napakaganda mo na nga ay napaka galing mo pang mamana. Tunay nga na ika'y nagtataglay ng pambihirang karikitan," bigay na bigay na papuri ni Carlos sa dalaga matapos ay marahan itong humithit ng tabako.

Sa paghihit na iyon ay hindi sinasadyang napalingon si Carlos sa kaibigang si Leonardo na tahimik na nagsusulat sa kabilang gilid ng silid. Tila ba wala man lamang itong pakialam sa magandang ipinakikita ng bago nilang kasamahan. Marahil iyon na rin ang naging dahilan ni Carlos upang punahin ang nananahimik na Ginoo. "Kaibigan, ano ang iyong masasabi sa galing na ipinapamalas ni Olivia?" mapangasar na tanong nito. Alam ni Carlos na abala ang kaniyang kaibigan sa pagsusulat ng nobela at lubos nitong ayaw magpaabala ngunit binuska niya ito upang maging katuwaan.

Hindi napigilan ni Leonardo ang mapabuntong hininga. Gayunpaman ay nagawa pa rin niyang sagutin ang kaibigan. "May maibibigay pa ba akong papuri kung nasabi mo na ang lahat ng papuri sa kaniya, Carlos? Aksaya lamang sa oras at panahon." Inangat ni Leonardo ang paningin at seryoso niyang binalingan si Carlos ng tingin. Hindi naman ito nagpatalo at taas noong nakipagtitigan sa kaniya habang mayroong malokong ngiti sa labi.

Isang malakas na kalabog sa ibabaw ng lamesa ang namutawi sa buong paligid. Napalingon si Leonardo sa dalagang lakas loob na ibinagsak ang bago nitong pana sa ibabaw ng lamesa na kaniyang sinusulatan.

"Batid mo ba kung ano ang ipinangalan ko sa panang ito?" bakas ang pagmamalaki sa boses ni Olivia. Kaya naman napangisi si Leonardo at bahagya niya pang inayos ang salaming gamit. Dinampot pa nito ang kaniyang orasang pambulsa (pocket watch) na nasa ibabaw ng lamesa. Matapos ay binulsa niya iyon at napiling mag-angat ng tingin sa dalaga.

Mula sa malaporselana nitong kutis na tila isang marmol sa kinis. Ang ilong nitong kay tangos na walang kawangis. Ang mapilantik na kilay na binabagayan ng mga malalim niyang mata na tila hinahalukay ang buo niyang kaluluwa. Ang mamula-mulang pisngi at ang labing tila singpula ng mansanas na bagong pitas. Maging ang mahaba at kulot nitong buhok ay talagang lubos na nagdudulot ng kakaibang dating sa kahit na sinong maglalapat sa kaniya ng tingin.

"Ano?" Mababakas ang kabagutan sa sagot ni Leonardo na pawa bang pinalalabas ng binata na sinasayang lamang ni Olivia ang oras niya. Napanguso na lamang si Olivia sa naging sagot ng kaniyang kaibigang pinaglihi sa sama ng loob.

"Aro Pin!" (Arrow Pen) Bakas na hindi bihasa sa pagsasalita ng wikang Ingles ang dalaga. Ikina-kunot iyon ng noo ni Leonardo. Isa iyong salitang ingles na kamakailan lang ay itinanong din nito sa kaniya. "Napakaganda hindi ba? Pinag-isipan ko iyang mabuti." Napapa-iling na napangisi na lamang si Leonardo sa sinabi ni Olivia. Sa pagkakaalam niya ay siya rin naman ang nagsabi sa dalaga na ang Ingles sa pana ay arrow at sa pluma ay pen. Subalit kahit ganon ay minabuti ni Leonardo na sakyan na lamang ang pagmamalaki ng nakababatang kaibigan.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon