Kabanata 50

101 10 0
                                    

Olivia,

Sa loob ng tatlong buwang lumipas ay marami ng nangyari, Leonardo. Kamusta ka naman mahal ko? Magpasahanggang ngayon ay nagdadalamhati pa rin ako sa iyong paglisan. Alam kong hindi na rin magtatagal at tayo ay muling magkikita. Asahan mo iyan.

"Tila pursigido kang mahasa ang iyong galing sa pamamana." Natigil ang aking marubdob na pag-e-ensayo habang pinatatamaan ang mga latang umabot ng ilang kilometro mula sa kalaparang aking kinalulugaran. Ilang daang palaso ang aking kinayas para lamang sa pag-e-ensayo. Nginitian ko lang ang Ginang bilang sagot. "May pinaghahandaan ka ba?" Bakas ang kaba sa mukha ng Ginang. Mula sa dating sopistikadang kasuotan at kolorete sa mukha, ngayon ang ginang na nasa aking harapan ay isa na lamang simpleng Ina na inaalagaan ang may matigas na ulo niyang anak. Suot ang sayang hindi na mawari kung puti ba o itim na sa sobrang kadumihan. Dala ang isang bilao na may lamang bigas na galing pa sa kaniyang paninilbihan sa pamilihan. Lubos kong kinaaawaan ang kaniyang kinasadlakan subalit mas binabalot ng pagtataka ang aking isipan.

"Bakit mo ito ginagawa Ina?" Simula nang kami ay tumira sa iisang bubong ninais na niyang tawagin ko siyang ganoon. "Bakit lubos ang iyong pagsasakripisyo para sa akin? Maaari mo naman na akong iwan kung iyong gugustuhin. Sabihin mo lamang ang iyong kailangan upang hindi na ako magulat pa sa dahilan ng iyong kabaitan." Malamig ang aking tinig. Hindi ko na rin alam kung kailan ito nagsimulang maging ganito. Ang akin na lamang nalalaman ay isang araw ganito na ang aking tono. Wala ng init ni pagtangi sa kahit sino o ano mang nilalang.

Matapos kong sabihin iyon ay muli akong bumalik sa pamamana. Subalit sa pagkakataong ito ay pinatamaan ko na ang paru-paro na lumilipad. Agad naman itong tinamaan ng matulis kong palaso at sumama roon hanggang sa tuluyang dumikit sa butas nang lata.

"Olivia anak, ilang ulit ko na bang sinabi sa iyo na ginagawa ko ito dahil ikaw ay aking anak na." Kung noon ko siguro ito narinig ay natitiyak kong lubos akong mananabik. Mapupuno ng kasiyahan ang aking dibdib at talagang magtatatalon sa kagalakan. Subalit hindi na iyon mangyayari pa. Hindi kailanman.

Hindi ko na kaya pang magtiwala. Hindi na ako magtitiwala sa kahit na sino. Nagpapatuloy lamang akong mabuhay dahil sa iisang dahilan. At ilang araw na lamang ang itatagal ng aking paghihintay bago ko ito isakatuparan. Matapos iyon ay tatapusin ko na ang lahat. Ang lahat-lahat.

"Batid kong hindi ka pa rin naniniwala." Nanahimik lamang ako roon. Bagama't hati ang aking paniniwala ay ayaw ko pa rin siyang masaktan. Ako man ay nagbago, may bagay sa aking hindi mababago kailanman. Iyon ay ang aking paggalang.

Sa paglipas ng panahon. Tumigil din ako sa pagtatanong. Napagtanto ko na lamang isang araw na hindi lahat ng taong nagpapakita sa iyo ng kabutihan ay tunay. Kalimitan ay huwad. Nangangahulugang hindi lahat ng kumikinang ay ginto, kalimitan ay tanso.

Nang maramdaman niyang wala na akong balak na makipaghuntangan sa kaniya ay nilisan na rin niya ako. Muli lang akong nagpatuloy hanggang sa sumapit ang gabi at lamunin ang liwanag ng dilim. Dilim na sa aking buhay ngayon ay naghahari. Dilim na hindi na kailanman sisikatan ng araw.

"Olivia, tayo ay maghahapunan na, saan ka pa pupunta?" Natigil ako sa paglalakad palabas ng aming bahay nang kaniya akong pigilan. Nangunot ang kaniyang noo at tiningnan ako simula sa ulo hanggang paa. "S-Saan ang iyong tungo?" Bakas ang kaba sa kaniyang mukha. Sinalubong ko lamang ang kaniyang mapanuring tingin. Suot ko ang aking kasuotang pangmadre habang nakataklob sa aking ulo ang itim na tela. Pangkaraniwang aking sinusuot sa tuwing ako ay sumusugod sa digmaan. "M-Maghapunan muna tayo. Huwag ka nang tumuloy, Olivia." Nakikiusap ang kaniyang tinig. Sa aking hinuha ay nalalaman na niya kung saan ako tutungo. "Ina, darating si Arturo Ricarte bukas ng umaga dahil akin siyang pinaunlakan sa ating bahay. Maghanda ka sapagkat hindi ko na siya maaaring salubungin pa." Naglakad na ako palabas matapos kong bitawan ang katagang iyon na tanging bitbit lamang ay ang nakasakbit na mga palaso at panang nasa kamay ko.

Arrow Pen.

Subalit hindi pa man ako tuluyang nakalalabas ay agad na niya akong pinigilan. Pumalibot ang dalawa niyang kamay sa kaliwa kong kamay. Umiiyak, nagsusumamo at nagdaramdam. Hindi ko man siya lingunin ay naririnig ko naman ang marahan niyang mga hikbi.

"Olivia anak, huwag mong gawin ito sa iyong ina. Anak huwag mo nang ituloy ang iyong binabalak. Nagbago na sila anak. Hindi ka nila kaaawaan kung mahuli ka nila. Papatayin ka nila anak ko. Huwag mo naman akong iwan. Nakikiusap ako, pangako anak, mabubuhay tayo ng masaya. Huwag mo lamang akong iwan." Nakikiusap siya sa akin subalit sa lahat ng bagay ay iyon ang hindi ko kayang pagbigyan.

Marahan kong inalis ang kaniyang kamay sa pagkakahawak sa akin. "Racelita, hindi mo ako anak. Isa lamang ang aking ina at mananatiling nag-i-isa." Hindi ko gustong saktan siya sa katotohanan. Subalit kung ito ang tanging paraan para kaniya akong pakawalan ay gagawin ko. Hindi ko siya paaasahin, ako ay kaniyang makakasama habang buhay. Gayunpaman, gumawa ako ng paraan upang siya ay may makasama bago man lang ako lumisan.


I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now