Kabanata 49

271 24 4
                                    

Olivia,

Ang kadiliman ay nagsimula na. Tuluyang ginapi ang liwanag na siyang tangi naming pinanghahawakan sa buhay na kay pait. Mga luhang umaagos ay tuluyang natuyo. Dugong dumadanak ay natigil at ang kasarinlang hinahangad ay napawi.

Dagok ang nakamtan sa kasakimang hantaran. 'Di mawari ang sakit, pighati at pagkamuhi sa mga taong lubos na aking tinatangi. Bakit nila ito nagawa? Pagkukulang bang matatawag ang pagtitiwalang inalay? O kasalanang hindi mapapantayan?

Tuluyang natigil ang aking pagsusulat sa kwaderno nang muling magsituluan ang aking mga luha nang aking maalala ang aking nasaksihan sa plaza kahapon. Pumikit at tuluyang nilamon ng panginginig dala ng galit.

Nang ako ay magising sa piitan matapos ang aking panaginip ay pinalaya ako ng mga gwardya sibil na tila hindi na nila ako kailangan pa. Lubos ko iyong ikinataka lalo nang aking malaman na nauna pang palayain sila Señor Carlos sa akin.

Subalit nang aking mapagtanto ang mga pangyayari, na hindi na lamang kathang-isip ang mga pagtatraydor ay lubos akong kinain ng poot. Dinagdagan pa iyon ng aking nasaksihan kahapon.

~•~

Halos mapataklob na lamang ako ng aking bibig nang masaksihan ang garotteng nagaganap sa plaza ng San Fernando. Kalalabas ko lamang sa piitan at ang nais ko lamang ay magtungo sa Bahay Aliwan, subalit hindi ko inaasahang ganito ang aking masasaksihan.

"Hindi ba ang binatang ngayon ay pupugutan ayang manunulat na si Ginoong Leonardo?"

"Isa siyang erehe, nararapat lamang iyon."

"Malaking kaguluhan ang kaniyang ginawa. Siya ay lubos na nakakahiya!"

Halos mabingi ako sa iba't-ibang kwentuhang aking narinig sa aking paligid. Ang mga naghihilom kong sugat ay tila bumalik sa aking nasasaksihan ngayon. Naroon ang Ginoo at wala na ring halos malay na nakatayo sa harapan habang naghahanda ng pugutan ng ulo. Nakatali ang kamay at paa na tila gumawa ng isang karumaldumal na krimen. Ni hindi man lamang nila ito tinakluban ng kahit anong tela sa mukha. Nais nila itong ipahiya.

Akala ko ay lubos na ang aking naiyak nang ako ay magising mula sa pananaginip ng kaniyang pamamaalam. Subalit ang masaksihan ito ngayon ay lubos pa sa paulit-ulit na kamatayan. Tila 'di mabilang na karayom ang ibinabaon sa aking dibdib, ni sa panaginip ay hindi ko napaghandaan ang pangyayaring ito. Ang dating kasama ko lamang na tumanaw sa mga taong namamatay sa garotte ngayon ay siyang makakaranas ng kalupitan ng bayan na kaniya lamang ipinaglalaban.

"Tila patay na ang ginoo at mukhang papatayin lamang nila muli." Hindi ko maatim na mapakinggan pa ang mga iyon subalit wala akong magawa upang sila ay suwayin dahil tama ang kanilang tinuran. Bangkay na ang Ginoo na aking tinatangi. Bangkay na siya subalit kinahihiya pa rin. Nilalapastangan nila ang bangkay ng aming pinuno sa harap ng napakaraming taong bayan. Isang utos na binaba mula sa Maynilad.

"Tingnan niyo ang ereheng hangal!" Tumawa ng malakas ang Gwardya Sibil na ngayon ay may hawak nang tabak. Umiiyak na tinanaw ko lang ito at wala na halos magawa. Suot ang itim na kasuotang pangmadre at ang itim din na tela na aking itinataklob sa aking mukha ay nagpatuloy lang ako sa pagtingala. Pinagmamasdan ang bangkay ng aking minamahal at nagpipigil ng galit.

Kabaliktaran ng kaniyang mukha sa aking panaginip ang aking nakikita ngayon. Wala na halos kulay ang kaniyang mukha. Lubog ang mga mata, payat na payat. Puno ng sugat ang katawan at mga butas na mukhang mula sa bala ng baril. Duguan ang barong na damit. Walang panyapak at mayroon ding butas ang sintido. Napapikit na lamang ako nang hindi ko na halos kayaning tingnan ito.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now