Kabanata 59

82 11 0
                                    

Leonardo,

Sa mga sumunod na araw, buwan at taon ay ganon lamang ang nangyayari. Sampung taon na ako nang muli kaming magkasama-sama sa mansyong iyon. Kalimitang nangyayari ay kung hindi ang Señor ang wala, ang Señora ang hindi makita. Tuloy ay ako na ang kinahiligang kasama ng ngayon ay apat na taon nang si Olivia. Nakapagsasalita na rin ang maliit na binibini. Hindi na rin kagaya noon na tanging gutom o kuya ang kaniyang bukambibig. Ngayon ay humaba na iyon at hindi ko na rin halos maintindihan kung saan niya napulot.

"Hermano, hindi ba kita maaring pakasalan sa aking paglaki?" Iyon ang ikalabing dalawang beses niyang naitanong sa akin ang bagay na iyon sa araw na ito. Matalinong bata si Olivia, napatunayan ko iyon nang kami ay magsimba at nakasaksi ng kasalan. Ipinaliwanag ko ang tungkol sa kasal sa kaniya at mukhang naunawaan naman niya agad iyon. Ang hindi ko lamang inasahan ay ang bagay na ito.

Isinawalang bahala ko na lamang ang madaldal na bubwit at nagpatuloy sa aking pagtatanim ng mga rosas.

"Hermano! Gusto kong pakasalan ka!" Isinigaw na niya iyon subalit hindi ko pa rin siya kinibo, nagpatuloy lamang ako. Subalit lahat iyon ay natigil nang tuluyan ng lumuhod ang makulit na bata sa aking tinataniman. "Hindi mo ba ako naririnig Ginoo? Bakit kailangan mo akong paulit-ulitin." Gusto ko na lamang mapamaang sa kakulitan niya. Gayunpaman ay ako na ang nagpasensya. Tumayo at binitbit na siya paalis doon.

"Olivia, ang pag-a-asawa ay hindi kagaya ng iniisip mo. Hindi dahil palagi kitang ipinagluluto ng paborito mo ay gugustuhin mo na ako ang maging asawa mo. Hindi iyon ganoon, binibini." Nang makapasok sa mansyon ay ibinaba ko siya sa harap ng kaniyang kwarto at bahagyang lumuhod para kami ay magpantay. "May iniwang takdang aralin ang iyong ina sa kwaderno mo sa iyong silid. Sagutan mo iyon, binibini." Sa aking tinuran, ang kaninang simangot nitong mukha ay tuluyang nagliwanag. Ang namumula nitong pisngi ay lalong namula nang lumawak ang kaniyang ngiti. Sumingkit ang mata at nagtatakbo na papasok sa kaniyang silid.

Ako ay natawa na lang bago tumayo't siya ay nilisan. Hindi pa man tuluyang nakalalayo roon ay narinig ko na ang impit na paghiyaw sa tuwa ni Olivia. Mukhang kaniya nang nakita ang kaniyang ina na naghihintay sa kaniyang silid. Kanina ay natanaw ko mula sa hardin ang Señora at sinenyasan akong papuntahin ang munting binibini sa kaniyang kwarto. Napangiti na lamang ako ng malawak. Hindi ko akalaing magiging kasayahan ko na ang kasayahan ng maliit na binibini. Para ko na rin siyang nakababatang kapatid.

"Tila ngiting-ngiti ka, Nardong." Hindi na ako nagtaka sa biglaang pagsulpot ni Carlos sa likod ng mansyon ng mga Ignacio.

Ang kaniyang ngalan ay Carlos Laong. Anak siya ng negosyanteng Espanyol sa kabilang bayan ng San Fernando. Magka-edaran lamang kami subalit malimit niya akong sundan saan man ako magtungo. Marahil ay dahil na rin sa kaniyang pag-iisa bilang anak ng kilalang negosyante. Malimit din namang wala ang kaniyang mga magulang sa kanilang bahay kung kaya't nagagawa niya ang kaniyang gusto at tinatakasan ang kaniyang mga tauhan nila.

Nakaupo siya sa may hagdan habang tangay ang maliit na talahib. Nilampasan ko na lamang siya dahil wala akong panahon upang makipaghuntangan. Tatapusin ko pa ang aking pagtatanim at idadala na rin maging ang mga bulaklak sa nag-iisang simbahan ng San Ignacio at San Fernando.

"Leonardo aking kaibigan, ako naman ay iyong pansinin!" Tila siya ay nagdaramdam sa aking hindi pagpansin. Gusto ko na lamang tuloy maduwal.

"Carlos, ikaw ay magtigil. Hindi tayo magkasintahan." Natigil na siya sa kasusunod nang akin iyong sabihin. Pinagpupulot ko ang mga rosas na nalaglag sa lupa at akin iyong inilagay sa sisidlan bago nag-angat ng tingin. Mukha ng Señorito ang bumungad sa akin, subalit may kakaiba roon. Nanlalaki ang kaniyang mata at talagang hindi nagpaawat sa palakihan ang kaniyang labi na tila may sinabi akong nagpagulat sa kaniyang kahimlayan.

"Ano ba ang iyong tinuturan Nardong! Iyan ang napapala mo sa iyong kasusulat!" Salubong na ang kilay ng Señorito sa pagkakataong ito. Hindi ko na napigilang mapangisi. Nagpasya akong dalhin na sa Kamalig ang mga bulalak at ang ilan ay itinabi ko na siyang ihahatid ko sa simbahan.

Matapos makapamili ay lumabas ako roon bitbit ang mga puting rosas. Ang hacienda ng Heneral Ignacio ang siyang pinakamalaking taniman ng bulaklak sa buong San Ignacio. Maging sa mga karatig bayan ay wala ni isa ang nakapantay rito kung kaya naman pangunahing pinagkukunan ng sariwang bulaklak ang Hardin La Ignacio.

"Saan ang tungo natin Nardong?" tanong sa akin ni Carlos na magpasahanggang ngayon pala ay sinusundan pa rin ako. Hindi ko na lamang muli ito pinansin at nagpatuloy lang sa paglalakad palabas ng Hacienda.

Masyadong maingay si Carlos at malimit din siyang mapasama sa gulo. Subalit marangal ang Señorito at talagang maaasahan naman kung kaya't hindi na masama kung siya ay ituturing ko na bilang kaibigan.

"Narito na po ang mga bagong pitas na rosas mula sa hacienda ng Heneral Ignacio," magalang kong saad habang kaharap ang kura paroko ng simbahan.

Nakangiting tinitigan lamang ako ng Prayleng nakasuot ng itim na kasuotan habang tinatanggap ang mga bulaklak na pinabuhat ko kay Carlos. Kung susunod lamang din naman siya sa akin ay mas mabuti nang may gawin siya at hindi nakamanghod lang.

"Hindi ba at ikaw ang anak ng negosyanteng si Juanito Laong?" tanong pa nito kay Carlos na ngayon ay pawisang-pawisan na. Nagkibit-balikat naman ako.

Anak si Carlos ng kilalang negosyante ng mga alahas na si Don Juanito Laong. Palipat-lipat lamang ito ng lugar kung kaya't naiiwan ang Señorito sa kanilang 'di naman kalakihan subalit dalawang palapag na bahay malapit sa palengke ng San Fernando. Ang Ina nitong si Doña Amelia ay palagi rin namang nakabuntot sa asawa kung kaya't walang kasama ang Señorito at tanging mga tauhan ang nagpalaki at nag-alaga sa kaniya. Alam ko ang tungkol doon dahil kami ay naging magkaklase rin sa eskwelahan ng San Nicolas. Bakasyon lamang ngayon kung kaya't malaya kaming gawin ang aming mga pang-araw-araw na gawain. Masasabi kong maswerte akong makilala ang Señor Manuel at Señora Geneva. Tinuring nila akong panganay na anak kung kaya't sinusuklian ko ito ng kasipagan. Lalo at hindi naman ganoon karami ang tauhan ng Señor sa Hacienda.

"Ako nga po, Padre Martin." Halos hinihingal-hingal pa ang Señoritong hindi sanay sa gawain. Para sa akin ang mga lalaki ay dapat pagtrabahunin kung hindi ay magiging mangmang ito at walang alam sa mundo.

"Kung gayon ay bakit ikaw ang nagdadala ng mga iyan?" Nagtataka ang Padre gayunpaman ay nanatiling may ngiti sa labi na tila giliw na giliw.

"Siya po ang alalay ko ngayong araw," simpleng wika ko na tila wala lamang ang bagay na iyon. Tumango naman nang tumango ang utu-utong Señorito.

"Opo! Tama si Nardong, alalay niya ako ngayong araw." Doon na tuluyang natawa ang Prayle sa amin.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon