Kabanata 36

103 14 0
                                    

Olivia,

Napuno ng liwanag ang buong aliwan nang sumapit na ang dilim. Tuluyan nitong binuhay ang gabi ng bawat mamamayan ng San Fernando. Dumagsa ang mga tao na nakasuot ng naggagandahan at nagmamahalang barong at saya. Mahihinuha sa unang tingin na talagang mga mayayaman lamang ang nakakapasok at naiiwan sa labas ang mga taong gusto lamang makinood. Nakalantad sa ibaba ng entablado ang mga lamesa at upuan na talagang gawa pa sa punong narra. Ang mga kupetang ipinamimigay sa bawat panauhin ay naghuhumiyaw sa karangyaan. Kumikinang at purong pilak. Maging ang telang inilagay sa bawat lamesa ay galing pa sa Europa. Talagang nagpapasiklab ang Señor ngayong gabi.

Napabuntong hininga na lamang ako dahil doon bago nagdesisyong tigilan na ang pagsilip mula sa kurtinang pula na nakatabon ngayon sa entablado. Itataas iyon kapag nagsimula na ang kasiyahan. Subalit, ni hindi man lamang ako nakaramdam ng pagkapanabik doon dahil mas nangingibabaw ang pag-a-alala ko. Magpasahanggang ngayon kasi ay hindi mawala sa isip ko ang sinabi ng Ginoo. Lubos na kinakain niyon ang aking sistema.

"Anastasia! Ano pa ang itinatanga mo riyan!" Muntik pa akong mapatalon sa kinatatayuan nang marinig ang sigaw na iyon ni Madame Racelita. Nang siya ay lingunin ko ay nasa likuran ko na siya, nakapamewang at salubong na naman ang kilay. Kaya naman, imbis na galitin pa ito ng husto ay nagmadali na akong bumalik sa likod ng entablado para ipa-ayos kay Agnes ang aking buhok at nang makapagpalit na rin ng damit. Mamaya ko na lamang aalalahanin ang tungkol sa aking narinig, mas maiging tapusin na lamang muna ang pagtatanghal.

"Ano ka ba naman Anastasia, kanina pa kitang hinahanap!" Maging si Agnes ay naabutan kong aligaga. Mabilis niyang ibinigay sa akin ang kababagong tahing dilaw na saya. Bulaklakan ito at talagang kay ganda sa paningin. "Suotin mo na ito, ilang saglit lamang ay magsisimula na tayo." Tumango ako at mabilis na nagtungo sa palikuran. Hindi ko maiwasang mamangha dahil sumasakto ang saya sa hubog ng aking katawan at bumabagay ito sa mapusyaw kong balat. Bahagya kong inayos ang kwelyo niyon bago ako lumabas at doon ko naman nabungaran si Agnes na nakasuot ng puting saya na kagaya ng akin ay bulaklakan din. Napakaganda niyang tingnan at nakataas pa ang kaniyang buhok at doo'y may bulaklak. Maayos na rin ang kaniyang mukha na talagang ikinamangha ko. Napakabilis niyang mag-ayos. Isa na iyon sa mga talento niya.

"Napakaganda mo Agnes." Hindi ko na iyon napigilang ibulalas.

"Ikaw din, Olivia. Napakaganda mo," mahina niyang bulong. "Halika, pagagandahin pa kita lalo." Matapos iyon ay bigla na niya akong hinila sa harap ng salamin at inayusan doon. Napakabilis ng kamay niya at halos hindi ko na naabutan ang kaniyang mga kilos. Nadatnan ko na lang ang sarili sa harap ng salamin na maayos na. Nakaladlad ang aking mahaba at kulot na buhok. May suot akong koronang bulaklak at may manipis na kolorete sa mukha.

"Ang ganda." Halos mawala na ang aking mata sa pagkakangiti ngayon. Talagang namamangha ako sa aking hitsura. "Salamat, Agnes." Nginitian niya lang ako.

"Agnes!" Sa sigaw na iyon ni Madame Racelita ay mukhang kailangan nang umakyat sa entablado ng aking kaibigan para tumugtog ng biyolin (violin) na matiyaga niyang inaral kasabay ng paggamit ng bandurya. Mula sa salamin ay nakita ko kung paano kunin ni Agnes ang kaniyang instrumento na nakalatag sa lamesa. Hindi na siya lubos na nakapagpaalam sa akin kaya naman ako na ang tumawag sa kaniya. "Agnes, galingan mo!" Hindi man siya lumingon, ang mahalaga sa akin ay narinig niya ako. Mamaya pa ang aking pagtatanghal pagkatapos ng palabas ng mga tauhan ni Carlos patungkol sa Alamat ng Kuneho. Kung kaya naman minabuti ko na panoodin muna si Agnes. Mabilis akong bumalikwas ng tayo at nagtungo sa may entrada ng entablado para doon tanawin ang kasalukuyang tumutugtog. Napakalamyos ng tunog na ibinibigay nito sa bawat taga-pakinig. Hindi mo lubos maiisip na bago lamang siya sa larangan ng pagtugtog dahil talagang pulido ang bawat pagpaltik niyon.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Where stories live. Discover now