Kabanata 21

296 31 0
                                    

IKA-SAMPONG KABANATA
Filipinas 1869
Ika-22 ng Disyembre

Napamulat na lamang si Olivia mula sa mahimbing na pagkakatulog nang siya ay maalimpungatan. Bumulaga sa kaniya ang dalisay na amoy ng mga bagong pitas na bulaklak, mula pa iyon sa kaingat-ingatang hardin ng hardenero sa kanilang hacienda na si Mang Berting. Maayos iyong isinalansan ng Mayor Doma ng tahanan.

Nasaan ako?

Inilibot niya ang tingin sa paligid at doon niya napagtantong nasa kaniyang sariling silid siya. Subalit nang bumalik sa alaala niya ang nasaksihan, doon na lamang siya napabalikwas ng tayo. Dali-dali siyang nag-ayos ng sarili at lumabas ng silid, subalit, sa pagbukas niya ng pinto ay roon niya nakita ang kaibigang si Agnes. Nakangiti ito sa kaniya subalit bakas ang kalungkutan.

"Agnes!" anang niya sa pangalan nito. Mabilis niyang hinapit ang kaibigan at niyakap ito ng mahigpit. "Patawarin mo ako aking kaibigan, wala akong nagawa upang tulungan kayo, patawad." Mangiyak-ngiyak na saad niya matapos ay humiwalay siya sa pagkakayakap at hinawakan ang balikat ng kaibigan.

"Umayos ka Olivia, ayos lamang iyon. Naikwento na rin sa akin ni Ginoong Leonardo na naroon ka nga. Maiba ako, kamusta ang pagtulog mo? Halos isang araw kang nakatulog. Kamusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Agnes.

"Ako dapat ang nagtatanong sa'yo niyan. Kamusta ang lagay mo? Kamusta si Aling Marcela at Angelito?" pagtatanong niya subalit doon nawala ang ngiti sa labi ni Agnes. Agad na napansin iyon ni Olivia at siya ay napabitaw sa pagkakakapit dito. "M-May nangyari ba?" Napayuko ang dalaga at muli ay naiyak.

"O-Olivia, wala na sila."

"Ano?!" gulat na gulat si Olivia sa kaniyang nalaman. Halos manlambot ang tuhod niya nang dahil sa nabalitaan. Hindi niya akalaing ganoon ang kaniyang dadatnan sa kaniyang paggising.

Sobrang nalungkot ang dalaga, subalit kahit na lubos ang pagdadalamhati ay hindi iyon ipinahalata pa ni Agnes upang hindi na lubos pang mag-isip ang matalik na kaibigan. "N-Nasaan na sila ngayon?"

"Isa kaming Indio Olivia, at alam na alam mo iyan. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang sunugin ang mga labi nila. Hindi ko kakayaning pagpundaran sila ng maayos na libingan, kahit gustuhin ko man," ngumiti lang ito bagama't nangangalumata.

"K-Kung gayon ay anong klaseng tulong ang inabot sa iyo ni Ginoo—"

"Malaki." Pagputol nito sa humahaba pang litanya ng kaibigan. "Hindi ako naparito upang alalahanin pa ang mga bagay na kabaha-bahala. Narito ako upang tawagan kayo, Ginoong Ramiro, upang dumalo ng agahan. May klase ka rin namang papasukan at hindi maaaring hindi ka aalis at magtutungo sa eskwela."

"Ngunit, ni hindi pa man sumasapit ang pasko ni pagpapalit ng kalendaryo, napakatagal pa niyon!" pagmamaktol niya. Hindi niya maintindihan ang ikinikilos ng kaibigan. Hindi ba dapat ay nagluluksa ang kaibigan niya sa pagkawala ng magulang nito?

Subalit, bakit nagkaganito?

Tila ba pinagsisilbihan pa siya ng sarili niyang kaibigan.

"Olivia, huwag ka nang maraming sinasabi at maging ako ay nagugutom na rin. Humayo na tayo, hindi ko nanaising maubos ng iyong Hermano Carlos ang nagsasarapang agahan na akin mismong pinaghirapan," masiglang turan ni Agnes matapos ay hinigit si Olivia.

Nang makarating sila sa hapag kainan ay naroon na at nakaupo ang dalawang binata. Panay sa pagbabasa ng dyaryo si Carlos. Habang panay naman sa pagsusulat si Leonardo.

"Mga ginoo, narito na po si Ginoong Ramiro." Pagkuha ni Agnes ng atensyon ng mga ito. Doon na sila natigil at nagsiayos nang pagkakaupo.

"Buenas Diyas!" bati ni Carlos dito. Tumango naman siya bilang pagbati.

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)जहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें