Kabanata 52

90 10 1
                                    

Olivia,

Nang gabi ring iyon ay walang kapaguran akong bumalik sa San Fernando upang isakatuparan ang aking sunod na pakay. Hindi matatapos ang gabing ito ng hindi ako natatapos.

Sumakay na ako sa kalesang dumaan para magtungo sa Hacienda Laong. Ang lugar na aking kinalakihan at tinuring na tahanan. Ngunit ngayon ay isa sa mga lugar na aking kinapupuutan. Bumaba ako sa hangganan ng Hacienda at doon pinagmasdan ang lugar sa pinakahuling pagkakataon na may pagtangi at pagmamahal. Dahil natitiyak ko, matapos ang gabing ito ay hindi ko na ito makikita pang buo.

Matapos ang ilang minutong pagsulyap sa kalaparan ng hardin. Napakalaking mansyon. Mga halaman, taniman at mga bulaklak na naggagandahan at nasisinagan ng buwan na ngayon ay natatabunan na ng dilim. Isang bagay na hindi pangkaraniwang nangyayari at tuluyang nagkukulay pula. Isang eklipse ng buwan.

Huminga ako ng malalim bago nagpatuloy. Hindi na kagaya noon na tauhan lamang ng mga Laong ang nasa hacienda. Ngayon ay may mga Gwardya Sibil na. Gayunpaman ay walang takot ko silang hinarap, isa-isa kong pinalipad sa kanila ang aking palaso at direktang pumasok sa pintuan ng mansyon.

Hindi ko akalaing darating ang araw na papasok ako sa pintuan ng mansyong ito na puno ng sakit at pait. Wala na ang kasiyahang idinudulot ng mansyon, wala na ang dating kalinga mula roon. Pighati at sakit ang nililok sa loob ng tatlong buwang nawala ako.

"Sino ka?" Sa aking pag-angat ng tingin ay mukha ni Agnes na pababa sa hagdan ang aking nasilayan. Hindi kagaya noon na simple lang ang kaniyang kolorete at kasuotan. Ngayon ay napupuno na iyon ng mga palamuti. Bagama't hating-gabi na at tapos na ang hapunan. Nanlaki ang kaniyang mata nang kaniya akong mapag-sino. "O-Olivia, anong ginagawa mo rito?" Tuluyan na siyang napapahakbang pataas nang humakbang na ako palapit sa kaniya.

"Magandang gabi, Señora Laong. Narito lamang ako upang maningil ng pagkakautang ninyo." Tuluyan na siyang napatakbo pataas sa aking sinabi, sumisigaw at tinatawag ang pangalan ng Señor na sa aking hinuha ay nasa kaniyang silid. Subalit bago pa niya abutin ang taas ay agad ko nang pinalipad ang aking palaso na bumaon sa kaniyang likuran. "Paumanhin kung ako'y natagalan." Sumuka ito ng dugo at bumagsak sa gitna ng hagdan. Ang kulay dilaw nitong saya ay binalot ng dugo mula sa kaniyang katawan. "Naaayon sa Ikalawang Aktikulo ni Mariano Ilagan. Ang taksil ay may isang kaparusahan, ang kamatayan. Sa ngalan ng Cagabong, patay na ang taksil." Hindi ko rin inasahang mayroon pa palang luhang papatak sa aking mga mata. Luha ng poot at galit na hindi na matatawaran pa.

Naglakad ako paakyat at nilampasan ang bangkay ng aking pinakamatalik na kaibigan. Ang suot kong itim na damit ay talagang sumayad pa sa dugo ng dalagang taksil. Bagay na kailanman ay hindi ko pinangarap subalit nangyayari at mangyayari pa rin. Kung hindi man ako ang kikitil sa buhay nila ay may gagawa niyon mula sa nagpapahinga lamang at nananahimik naming kapanalig. Iyon ay ayon sa napagkasunduan at mukhang handa ang Señor sa bagay na iyon.

Naglalakad lang ako sa kahabaan nang isang madilim na pasilyo ng ikalawang palapag ng mansyon. Bahagya pa akong tumigil upang lingunin kung mayroon bang mga gwardya sibil sa paligid. Ang pintuang tinigilan ko ay ang kwarto ng Señor. Pawid ang kaniyang pintuan, bagay na kaniyang pinasadya.

Bukas iyon ngayon kung kaya naman walang kahirap-hirap akong tumahak papasok sa silid at tinutungo ang direksyon ng isang lalaking nakaharap sa kaniyang lamesa at patuloy sa pagsusulat gamit ang kaniyang paboritong pluma.

Bagama't nanginginig ay muli kong binunot ang aking palaso. Mabilis ang aking galaw para isaayos iyon at itutok sa kaniya. Nakatalikod ang Señor na lubos kong tinitingala ngunit alam kong alam niya ang aking presensya. May pagdadalawang isip ako sa pagkakataong ito. Nagtuluan ang mga luha sa isiping ang lalaking ngayon ay aking kikitilin ay ang lalaking itinuring kong tunay na kapatid at pamilya. Kami ay magkasangga sa hirap at ginhawa. Lahat ng akin ay kaniya. Tinulungan niya akong makabangon subalit mukhang ganito pala ang magiging katapusan ng lahat.

Nang humarap ang Señor ay mas lalo akong naiyak. Lubos siyang nangayayat at nangangalumata rin. Subalit ang kaniyang walang emosyong mukha ang mas nakapagpaiyak sa akin. Akala ko ay tuyo na, akala ko ay kaya ko na. Subalit mali ang aking mga akala. Lubos pa rin akong nasasaktan. Lubos na nahihirapan.

"Ang paghawak ng palaso ay hindi pinipilit. Ito ay nagkukusa, hayaan mong higitin ang palaso ng may likhang sining na tila ikaw ay tutugtog lamang ng bandurya." Iyon ang kaniyang sinambit nang magtama ang aming paningin. Hindi ko akalaing ang taong nagturo sa akin ng paggamit ng palaso ay siyang taong huling makakatanggap nito. "Olivia—" Hindi ko siya pinatapos at napasigaw ako ng malakas.

"Bakit niyo nagawa iyon? Bakit niyo nagawa sa amin iyon! Mga traydor!" Kita niya ang aking kameserablehan at nakikita ko rin ang kaniya. Umiiyak ngayon ang Señor, puno ng pagdadalamhati at pagsisisi.

"Hindi ko kayang makitang unti-unti ka nilang pinapatay kapatid ko." Ngumiti siya. "Hindi kinakaya ni kuya ang marinig ang bawat paghiyaw mo." Lalo akong naiyak. Sobrang sakit ng katotohanang sumasampal sa aking mukha.

"Hindi mo ako dapat kaawaan! Nakita mo ang ginawa nila kay Leonardo, Carlos? Binaboy nila ang bangkay niya! Mga hayop kayo! Hinayaan mo sila Carlos at tinanggap lang ng buong puso ang pabuya ng posisyon! Hindi ko matanggap at hindi kailanman!" Muling humigpit ang pagkakakapit ko sa pana at palaso. Wala naman siyang naging aksyon patungkol doon.

"Huminga ka ng malalim at huwag hayaang maging magalaw ang kamay mong humahawak sa pana. Pakatandaan mo ang sinabi ni Leonardo, na sa oras na bitawan mo ang iyong palaso at sumablay ito, iyon na ang katapusan ng isang mamamana." Humigpit lalo ang paghawak ko roon. Nawala na ang mga luha at bumalik ang lahat ng galit sa aking dibdib. "Ganiyan nga Olivia, magaling." Huminga siya ng malalim bago inilayo ang tingin sa akin at ibinalik iyon sa tila isang manuskrito. Malayo man at nanlalabo ang mata ay malinaw ko itong nababasa.

Nobelang pinamagatang Arrow Pen.

"Ituon ang iyong paningin sa gusto mong patamaan, bago mo iyon bitawan ng buong puso." Naiiyak pa rin subalit aking tinatagan. Kailangan niyang magbayad sa kaniyang kasalanan.

"Naaayon sa Ikalawang Aktikulo ni Mariano Ilagan. Ang traydor ay may isang kaparusahan, ang kamatayan. Sa ngalan ng Cagabong. Aking kikitilin ang buhay ng traydor." Pinilit kong lunukin ang lahat ng nagbabara sa aking lalamunan sa puntong iyon. "May huli ka bang sasabihin?" Pilit na pinatitigas ang aking damdamin. Nakita ko sa huling pagkakataon ang pagngiti niya. Ngiting unang bumungad sa akin sa pagtapak ko sa bayang ito.

"Patayin mo na ako." Nanginginig man ay muli kong hinigpitan ang pagkakahawak sa palaso. Nilaksan ko ang aking loob at bagama't umiiyak ay itinuloy ko ang aking pakay. "Salamat dahil ikaw ang kikitil sa aking buhay, kapatid ko." Iyon ang huli niyang mga salita bago tumarak sa kaniyang puso ang lumipad kong palaso.

Tuluyang tumulo ang mas marami ko pang mga luha nang aking pagmasdan ang pag-agos ng kaniyang dugo sa manuskritong nakasalansan. Luhang hindi matatawaran ni mauubos. Luha ng pighati at lungkot. Luhang binalot nang dilim na noo'y pinuno namin ng kasiyahan. Luha ng katotohanang tapos na, tapos na ang kadiliman.
Tulalang naglakad ako palabas ng mansyon at dumiretso sa pinakadulo ng hacienda kung saan matatagpuan ang lawa. Ang lawa na akin mismong tatawaging lawa ng kasiyahan. Ang lawang aking magiging huling hantungan.

Hinayaan ko ang sariling maglakad sa pinakamalalim na parte niyon kasabay ng bukangliwayway. Hindi alintana ang lamig na bumabalot sa aking katawan.

At nang tuluyang lamunin ng tubig ang aking kabuuan ay hinayaan ko lamang na agawin nito ang aking hininga. Kasabay ng mga luhang pumapatak mula sa aking mga mata at humahalo sa kalinawan ng lawa.

Patawad, paalam.

I M _ V E N A

El Destino desde 1870 (The fated since 1870)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang