Parallel 12

1.4K 189 136
                                    


Nakasarado ang mga banyo sa unang palapag, kaya't kinailangang umakyat ni Cassy sa hagdan patungo sa ikalawa. Tumahimik na ang paligid dahil halos wala na siyang nakakasalubong sa pasilyong tinatahak. Malapit na rin kasing magsimula ang karamihan ng klase.

Katulad nang madalas ay nakatingin siya sa bintanang salamin habang naglalakad. Pinagmamasdan lamang niya ang dalisay na kalangitan, at ang kapayapaang inihahatid nito sa kaniyang isipan. Malayang lumilipad doon ang mga ibon na hindi nagsasawang magpalipat-lipat sa mga sanga ng puno.

Nang makarating sa hagdan, bahagya siyang natigilan dahil sa narinig na mga boses mula sa kung saan, at tila nagkukuwentuhan. Lumingon siya sa likod, pero wala namang ibang taong nakita. Ipinagpatuloy niya ang pagtahak sa baitang, sa kabila ng katotohanang sa mismong hagdan ay may kakaibang naranasan nitong nakaraan.

Nagmadali na siya sa pag-akyat, pero bukod sa 'di-pamilyar na tinig, naririnig din niya ang malakas na pagkabog ng dibdib. Pinilit niyang alisin sa isipan ang nararamdaman, sapagka't alam niya sa sarili na wala siyang mapapala kapag nagpadala sa takot.

"Oo, siya 'yong janitor na sinasabi nila. Sayang nga, eh, may itsura pa naman, pero gano'n," wika ng tinig ng babae na mas malinaw na niyang naririnig.

Nakarating na siya sa ikalawang palapag at lumingon-lingon sa koridor para hanapin iyon, pero wala siyang ibang makita. Nakapagtataka lang na patuloy pa rin niyang napakikinggan ang pagkukuwentuhan ng mga boses na hindi niya alam kung saan nagmumula.

"Oo nga, guwapo siya, ha. Pipilay-pilay lang, saka, ano ba 'yong mambabarang?" tanong ng isa pang babae. "Paano nila nasabing mambabarang 'yon?"

"Parang mangkukulam din, kaso, gumagamit sila ng mga insekto at ano mang maliliit na hayop at nilalagay nila 'yon sa kahit na anong parte ng bibiktimahin nila."

"Is that real? Nasa modern times na tayo, nagpapaniwala pa kayo sa ganoon?" Maririnig sa tinig ang pandidiri nito.

"Yes, it's real! Sabi nga nila, noong may nagtangka raw manakit sa janitor na 'yon, bigla na lang may lumabas na bulate sa bibig ng nanakit sa kaniya!"

"Bulate? As in bulate! He really can do that? But he looks so normal?"

Labis mang napapaisip, mas binilisan niya ang paghakbang. Ilang metro pa ang layo ng banyo na naroon sa dulo. Wala na siyang nakikitang tao sa lugar na kinaroroonan pero patuloy pa rin ang mga boses, kaya mas lalong bumibilis ang pagtibok ng kaniyang puso.

"Normal siya sa paningin mo? Ikaw, porket may itsura, eh? 'Di mo ba nakita ang ayos niya? Saka 'yong negative vibe? I just can feel it! Kapag nakikita ko siya, naiirita na 'agad ako. Hindi dapat nila pinapatungtung sa university ang mga promdi na basura na 'yon, eh!"

Nang makarating sa tapat ng pinto na may nakasulat na 'Ladies Room', kaagad na siyang pumasok. Bumungad ang dalawang babaeng estudyante na naroon sa tapat ng malaking salamin. Naglalagay ng meyk-ap ang isa, samantalang ang isang babaeng may kulay pulang buhok ay nagsusuklay.

"Yeah, you're right, dapat magreklamo tayo sa dean's office nito, eh," pahayag ng babae na napalingon sa kaniya, at kaagad bumulong sa kasama, "Twin sis 'yan ni Caleb, 'di ba?"

"Yes, I think so." Nginitian siya ng mga ito at muling bumalik sa pag-aayos sa harap ng salamin. Narinig pa niya ang pahabol ng isa sa isipan nito, "Mas maganda lang naman siya nang kaunti!"

Ang tinig ng mga ito? Sigurado siyang 'yon ang nauulinagan kanina.

Napatulala na lamang siya sa kaniyang napagtanto. Paanong mula sa ibaba ay naririnig na niya ang mga ito? Samantalang, mula nang umakyat siya sa ikalawang palapag, ilang silid din ang nadaanan niya patungo dito sa ladies room.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Waar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu