Parallel 11

1.4K 192 139
                                    

Upang mapakalma ang sarili, isang malalim na paghinga ang pinakawalan ni Cassy bago tuluyang humakbang pababa ng elegante at paikid na hagdan. Nadaanan niya ang mga larawang nakasabit sa gilid kung saan makikita ang iba't ibang anggulo ng masaya nilang pamilya. Ganoon din ang mapapansin sa pader patungo sa kanilang silid-kainan.

Saglit siyang napasulyap sa mga nakangiti nilang litrato at kahit papaano ay napagaan naman nito ang kaniyang kalooban. Batid niya kasing kahit na anong mangyari, masuwerte siya at mayroong pamilyang nakaagapay sa kaniya.

Napalingon siya nang marinig na may tumikhim. Awtomatikong sumilay ang kaniyang pagngiti nang bumungad ang ama suot ang kagalang-galang nitong amerikana. Kahit may pamumuti na ang buhok ay mahahalata pa rin ang kakisigan sa pangangatawan. Kaagad na siyang yumakap at humalik sa pisngi ng kanilang padre de pamilya.

"I miss my princess." Narinig niyang bulong nito sa isipan.

"Ako rin po," tugon niyang natigilan dahil sa pagkagulat sa sarili.

Napatitig lang ang ama, saka ngumiti at inaya na siya sa loob.

Maaliwalas at simple lamang interyor ng malinis na hapag-kainan. Sumisilip mula sa nakabukas na bintana ang masiglang sinag ng araw na tumatama sa mga pahabang halamang nasa paso. Nasa gilid ang mga 'yon na bumagay sa puti at berdeng tema ng silid.

Nasa pinakagitna makikita ang bilog na babasaging mesa na napapalamutian ng nakasabit na aranya(chandelier), na mistulang malalaking butil ng luha.

Nang maupo siya sa harap ng hapag, pumuwesto sa kaniyang tapat ang ama. Nagliwanag naman ang paligid nang mapansin niyang lumabas mula sa pinto ng kusina ang ina dala ang agahan nila. Nakatakip man, pero nakasisiguro siyang 'yon ay masustansiya. Saka naman siya natakam sa mabangong amoy ng nakahaing pagkain sa mesa tulad ng pineapple fried rice, egyptian egg salad at chicken fattoush.

Pumuwesto na rin sa kanan niya ang ina at nagtanong kung bakit wala pa si Caleb. Hindi pa siya nakasasagot ay sakto naman ang pagdating nito. Kaagad niyang napansin sa mga mata ng kakambal na kagaya niya, hindi ito masyadong nakatulog kagabi. Matamlay lamang itong bumati sa kanila nang maupo sa bandang kaliwa. Tahimik ang kapatid at natutulala. Nag-aalala tuloy siya na baka nagalit nga ito sa kaniya.

Pero, kaagad din niyang natuklasan na hindi ganoon, sapagka't kaniyang nauulinagan na may ibang gumugulo sa isipan nito.

Nagulat siya at napapaisip dahil sa kung anong naririnig mula kay Caleb. "Bakit ganito? Mag-iisang taon na, pero ang sakit-sakit pa rin. Gabi-gabi kong ipinagdarasal na sana kahit sa panaginip man lang ay makita kita. Mabuti at pinagbigyan mo ako. Nag-aaala ka ba na nalimutan na kita? Alam mo na hindi ko magagawa 'yon."

Hindi siya makapaniwala sa naririnig. Bakit napakalungkot ng tinig nito? At sino naman kaya ang taong nais nitong makita?

Saglit silang nagdasal 'gaya ng madalas nilang ginagawa. Pasasalamat para sa pagkain at para sa panibagong araw. Pero, patuloy pa rin si Caleb sa pakikipag-usap sa sarili.

Paulit-ulit ito ng sinasabi, at hindi siya sigurado kung sino ang tinutukoy nito. Ngunit ngayon, may nakikita na siyang malabong imahe ng isang babae. Naririnig niya ang mataginting na pagtawa nito. Masigla at nakakahawa sa paligid. Dumilat siya at lalo pang nagtaka dahil nakikita pa rin niya sa isipan ang anino ng taong iniisip ng kakambal.

Nagsimula na silang kumain, ganoon din si Caleb na matamlay nang sumubo sa pagkain. Ganoon din naman siya. Hawak lamang niya ang kubyertos at paminsan-minsan ay napapalingon sa kapatid.

Ang kanilang ama ang  nagsasalita at nagkukuwento tungkol sa naging lakad nito sa Macau. Napakahaba ng ipinapaliwanag nito, ngunit nakatutok naman ang pansin niya sa kakambal. Pilit niyang pinakikinggan ang isipan ng kapatid at baka may iba siyang malaman. Kahit pangalan lang ng taong kinapapanabikan nito.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now