Parallel 61

1K 89 2
                                    

Hindi nito inintindi si Auntie Sabel, bagkus ay sa kaniya pa rin nakatuon ang pansin. “Ako ang kapatid ng iyong ama na handang maglingkod sa inyo, Kamahalan!” pakilala nitong muling yumukod, pero nababatid niya mula sa ngiti ng babae na pagkukunwari lamang ang ginawa nito. “Narito ako upang sunduin kayo. Sumama na kayo sa akin.”

Napatingin si Peya sa kaniyang paanan at saka napansing wala na siyang anino. Naglaho na ang proteksyong ibinigay ng reyna, gayundin ang ilusyon na isa siyang mortal.

“Hindi!” bulalas ng tiyahing nakaharang pa rin para siya’y maproteksyunan. “Hindi sasama sa ’yo ang pamangkin ko, kaya’t umalis ka na!”

Napahalakhak lamang ang magandang babae, kasunod ng pagtakip sa bibig. “Hindi na dapat ako magtaka. Narinig ko noon na ang mga ninuno ng kinilala mong magulang ay nagmula sa aming dimensyon. Kaya siguro, espesyal din ang babaeng kumalinga sa ‘yo. Hindi na nakapagtatakang kinaya ng kaniyang kapatid ang ipagbuntis ka, dahil kung hindi, malamang kaagad na siyang pumanaw noong ipunla ka ng mahal na reyna sa sinapupunan ng 'yong kinilalang ina.”

Huminto ang babae at nagpakawala ng matining na pagtawa. Nagsimula namang mabuo ang kakaibang pagkagalit mula sa kaniyang kalamnan.

Nang tumigil ang nilalang sa pagtawa, napatingin na ito kay Auntie Sabel. “Nakakatawa talaga kung gaano kabababaw ang mga mortal. Nakapagtatakang mas natakot ka sa ilusyong nilikha ko sa iyong pamangkin, pero sa akin na may kaakit-akit na anyo, ay hindi ka nababahala? Sadyang ganiyan talaga kayo kakikitid.

“Hindi kayo nasisindak kung maganda ang inyong nakikita, pero kapag pangit at hindi kaaya-aya sa inyong paningin, kung hindi kayo nasusuklam ay natatakot kayo!

Dumagundong sa buong kabahayan ang nakasusuklam nitong tinig.

“Ipagpaumanhin ninyo, Kamahalan. Napag-utusan akong paslangin ang babaeng ‘yan kung hindi kayo sasama. Pero dahil hindi ko nagugustuhan ang kaniyang inaasal, papatayin ko pa rin siya kahit sumama pa kayo,” pahayag nitong iniangat ang kamay. Mula roon ay lumabas ang itim na liwanag na kakikitian ng maliliit na kidlat. Maririnig din ang paglagitik ng mala-kuryenteng kapangyarihang nagmumula roon.

Nang ituon ‘yon ng babae sa kanila, mabilis na itinulak ni Peya ang tiyahin kung kaya’t siya ang natamaan at napahiga sa sahig. Saglit siyang nangisay dahil sa paggapang ng matinding kuryente sa kaniyang katawan. Sa kabila niyon ay nakatutok pa rin ang kaniyang paningin sa babae. At nang makita niyang balak na namang puntiryahin ng nilalang ang ina ni Sherryl, mabilis siyang tumayo at niyakap ito.

Muli tuloy siyang tinamaan sa likod at impit na tiniis ang pagdaloy ng boltahe sa kaniyang kalamnan.

“Peya?” wika ni Auntie Sabel na nag-aalalang nakatingin sa kaniya.

Nakaramdam siya ng bahagyang panghihina, pero alam niyang hindi siya puwedeng sumuko. Dahil kapag nagkataon ay maaaring may mangyaring masama sa tiyahin.

Hindi niya mahahayaan ‘yon.

Nakayakap pa rin siya kay Auntie Sabel nang unti-unting lumapit ang babae. Batid niyang kailangan niyang makagawa ng paraan para makaligtas sila. Kahit hindi sanay gamitin ang kakayahan, kailangan niyang subukang malabanan ang nilalang.

Mabilis niyang inipon sa kamay ang kaniyang puwersa. Ang lumabas na naglalagablab na asul mula sa palad ay hindi lamang basta apoy, kung ‘di purong kombinasyon ng yelo at kidlat.

Nabasa niya sa lumang libro na matinding lamig at kuryente ang hatid nito, at sadyang nakamamatay kung isang mortal ang matatamaan. Hindi na siya nag-atubili at kaagad na pinatama sa nilalang. Kasabay ng malutong na pagtunog ng boltaheng dumaloy mula sa kaniya, napaluhod ang babae at napahawak sa dibdib.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Dove le storie prendono vita. Scoprilo ora