Parallel 17

1.3K 182 72
                                    


Nakaupo si Cassy at nakatingala sa puno ng balayong, ang tinaguriang Palawan Cherry Blossoms na kataka-takang mayroong tanim dito mismo sa unibersidad. Narito siya sa ilalim at naliliman ng puno kung saan sumisilip lamang ang liwanag ng araw. Pinagmamasdan niya ang malumanay na paglaglag ng mga talulot ng bulaklak nito na sumasabay sa hangin.

Ang pinakanakapagtataka roon ay kung bakit namumukadkad ang naturang puno ngayong buwan ng Oktubre, samantalang sa pagkakaalam ng lahat ay tag-init pa dapat masisilayan ang naggagandahang bulaklak nito.

Marami tuloy ibang estudyante ang naroon at kumukuha ng litrato. Ganoon din ang ginagawa ng magkasintahang kaibigan na sina Lianne at Marky. Siya naman ay nakuntentong maupo na sa pahabang upuan na nasa ilalim ng puno.

Kanina lamang, parang aso at pusa ang pagbabangayan ng mga ito dahil sa madalas na pagiging abala ni Marky sa paglalaro ng COC kasama ng mga kaibigan nito. Ngayon, kung maglampungan sa tabi ng puno, kulang na lang ay sugurin ng hukbo ng mga langgam.

May pasabi-sabi pa si Lianne kanina na isinusumpa raw nito ang kung sino mang nakaisip gumawa ng naturang laro. "Tubuan sana sila ng maraming pigsa sa mukha!"

Iyon pala, kaunting paglalambing ni Marky ay bibigay rin kaagad.

Sa ngayon, nilalasap niya ang sariwang hangin sa paligid, kasabay ng paglipad ng isipan dahil sa naranasan kahapon. Paano nga ba niya nagawang makatawid sa kakaibang lugar na 'yon? Totoo bang nangyari iyon o baka nananaginip lamang siya?

Pero, imposible dahil nakausap pa niya kahapon si Mira?

"Nandito nga siya, pero nasa ibang mundo naman," wika ni Lianne na nakatingin kay Marky. Kataka-takang nakaupo na ang mga ito sa bench na nasa tapat niya. "Isinusumpa ko talaga ang nagpauso ng mga games app na 'yan, eh, lalo na 'yang COC na 'yan. Kung sino mang nag-imbento niyan, sana tubuan sila ng maraming pigsa sa mukha!" Katabi ito ng nobyo na nakatutok naman ang mga mata sa hawak na phone.

Napalingon siya sa tabi ng punong kinatatayuan ng mga ito kanina. Paanong nandito na ang mga ito sa harap niya? Samantalang, abala sa pagse-selfie ang dalawa kanina.

Nakita lang ba niya ang nangyari sa isipan o talagang nababaliw na siya?

Napailing si Lianne nang mapatingin sa kaniya, saka ito nagsalita, "Akala ko si Marky lang, pati ba naman ikaw? Ano bang problema?" wika nito na mukhang naiirita na rin sa kaniya.

Sa kabila ng kaniyang pagkalito, kusang bumukas ang bibig patungkol sa bumabagabag, "Natatandaan mo ba ang naikwento ko sa inyo na panaginip? Ang tungkol sa babae na kamukha ko, pero may ibang personality?"

"Ah, oo. Ang sinabi mong babae na binubully sa university nila?" tugon ni Lianne na mabuti at naalala pa 'yon.

"Oo, 'yon nga," sagot niya, "Napanaginipan ko ulit siya. At nakapagtataka kasi palagay ko pareho kami ng pangalan."

"Pareho kayo ng pangalan?" wika ni Lianne na napataas ang kilay. "Ang weird naman ng dream na 'yan?"

"Tingin ko, Cassiopeia rin ang pangalan niya, pero, tinatawag siya sa kanila, na Peya, bukod doon—" Nag-alangan na siyang sabihin ang bagay na 'yon.

"Ano 'yon?" Nanlaki ang mata ni Lianne sa pambibitin niya. "Huwag mo na akong i-suspense d'yan!"

"Baka hindi ka maniwala, pero, nakapunta ako sa mundo nila," pahayag niya.

Literal na napanganga ang kausap, hindi dahil sa pagkagulat, bagkus ay dahil sa nasa isipan nito. "Naku, natuluyan na 'ata siya? Kailangan ko na ba itong sabihin kay Caleb?"

"Hindi ka nga naniniwala," pahayag niyang napatingin sa ibaba.

"Ako! Naniniwala ako!"

Nag-angat siya ng ulo at nakitang nakataas ang kanang kamay ni Marky.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now