Parallel 13

1.4K 192 139
                                    

Maingay sa locker dahil sa ibang estudyanteng nagkukuwentuhan doon. Narito si Cassy at ibinabalik ang mga librong nagamit sa mga asignatura kanina. Natapos na ang karamihan sa mga klase kaya naghahanda na rin sa pag-uwi ang iba. Hindi pa siya makakauwi dahil kailangan pa niyang hintaying matapos sa pag-eensayo si Caleb.

Nalunod siya sa malalim na pag-aalala para sa kapatid.
Halos buong araw ay hindi niya ito nakita, maliban lang noong maihatid siya nito sa unang klase. Hindi rin ito sumabay sa kanila noong tanghalian. Nang magpunta siya sa music room, naroon lamang ang kapatid sa loob, tumutugtog at ayaw magpaistorbo.

Hindi na rin siya pinapasok ng propesor nitong palagi namang blanko ang tingin sa kaniya.

Ngunit, may labis siyang pinagtatakhan. Nasisiguro niyang nagtama ang kanilang paningin kanina, pero bakit kaya hindi niya narinig ang isipan nito?

Kahit nga ang janitor na nakita sa banyo ay 'di rin niya mabasa. Siguro'y hindi lahat ng tao ay maaari niyang mapasok ang isipan?

Pero, anong espesyal sa mga taong 'yon para 'di niya marinig ang kanilang kalooban?

"Hindi ka pa uuwi?" Naistorbo ang malalim niyang pag-iisip sa tanong ni Lianne.

"Hihintayin ko si Caleb. Sa library lang ako pupunta para mag-aaral," tugon niyang nilingon ito. Magkatabi lamang ang locker nila at ngayon ay nakatayo ang kaibigan sa tapat niyon. Nag-aayos din ito ng mga gamit.

"Ayaw ko pa ring umuwi. Nakakabad-trip sa bahay. Sasamahan na lang kita sa library," wika nitong napabuntong-hininga. Kaagad naman niyang nabasa kung anong problema.

Nakauwi na ang ama ng kaibigan na ilang taong iniwan sina Lianne para makapagtago sa mga pinagkakautangan. Nang malugi ang kumpanya nito, pinabayaan ng padre de pamilya ang anak, at asawang si Mrs. Adelaida Corpuz, isa sa executive director ng kumpanya ng kaniyang ama.

Pero, sa kabila ng lahat ay tinanggap pa rin ito ng ina ni Lianne. Kaya nga lalong nagpuputoknang butsi nito dahil sa inis.

Hindi naman niya masisisi ang kaibigan, dahil kung sakali man ay baka ganoon din ang kaniyang maramdaman. May nabanggit si Lianne patungkol sa bagay na ito noon, pero hindi nito sinabi ang lahat ng detalye. Masyado na rin kasi itong personal, at wala sa personalidad ni Lianne na magbuhos ng sama ng loob sa iba, kahit pa sa kaniya na pinakamatalik nitong kaibigan.

"Cassy? Naririnig mo ba ako?" muling wika ni Lianne kaya napatingin siya rito. "Sabi ko magpunta muna tayo sa ladies room bago tayo dumiretso sa library?"

"Ah, oo, sige," pagsang-ayon niyang saka isinara ang locker.

"Anong nangyari kay Papa Caleb? Bakit ba hindi siya nakasabay ng lunch kanina? Nag-away ba kayo?" tanong ni Lianne na may pag-aalinlangan sa tinig. "Imposible. Ano namang pag-aawayan ninyo?"

Napaisip siya sa bagay na 'yon. Ni minsan ay hindi niya naalalang nag-away sila. Nagkakatampuhan lang siguro. At 'yong nangyari nitong nakaraan dahil kay Roda, hindi niya masasabing pag-aaway.

"Hindi kami magkaaway ngayon. Sadyang masama lang ang pakiramdam ni Caleb mula pa kaninang umaga. May napanaginipan kasi siyang kung ano na 'di niya masabi sa akin."

Bigla na lamang napahawak ng bibig si Lianne.

"Bakit?" tanong ni Cassy na tinitigan ito nang maigi. "May ideya ka ba?"

Kaagad nag-iwas ng tingin ang kaibigan. "Wala." Taliwas naman 'yon sa narinig niya sa isipan nito. "'Yong girlfriend niya! Baka 'yon!"

Girlfriend?

Patuloy lang niyang pinagmasdan si Lianne, dahil baka may mabanggit pa itong kung ano. Ngunit, napansin 'yon ng babae.

"Bakit mo ako tinitingnan ng ganiyan?" wika ng kaibigan.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now