Parallel 57

943 91 0
                                    

Napalingon siya nang marinig ang marahang pagkatok sa pinto. “Peya, puwede bang pumasok?” usisa ng malambing na tinig ni Auntie Sabel. Mukhang kararating lamang nito galing sa unibersidad.

Tumayo na siya para pagbuksan ito. Nakangiti ang tiyahin nang pumasok sa silid. Suot ang apron ay mayroon itong bitbit na tray ng miryenda, isang baso ng gatas at brownies. At nang mabasa niya kung kanino nanggaling ay lihim siyang natuwa.

“Nakasalubong ko si Ma’am Divina, pinabibigay niya sa ‘yo. Bagong bake daw ‘yan,” pahayag ni Auntie Sabel nang mailapag sa kaniyang mesa ang dala.

Napayuko siya saka naalala ang dapat itanong. Kahit alam na niya ang katotohanan, kailangan pa rin niya ng kumpirmasyon. Siguro ay ayaw lamang niyang paniwalaan ang bagay na ‘yon, dahil hindi pa rin niya ito matanggap.

“Bakit, Peya? May problema ba? May kailangan ka ba sa university?” usisa ng tiyahin nang mapansin ang pagiging matamlay niya.

“Wala naman po,” pagbuwelo niya, saka siya nag-angat ng ulo at tumingin dito. “Kasi, Auntie, may itatanong po sana ako sa inyo?”

“Oo, sige, huwag kang mahiya, ano ‘yon?” tugon nitong napahawak sa kaniyang balikat.

Muli siyang nag-alangan, kaya hindi siya kaagad nakapagsalita.

“Tungkol ba ito sa anak ni Mr. Enriquez? Narinig ko kay Sherryl na siya ang dahilan kaya ilang araw ka nang hindi pumapasok?” panimula nito na hinawakan ang kamay niya. “Mukhang nagkatampuhan kayo, ah?”

“Auntie, hindi po.” Bigla na lang nag-init ang kaniyang pisngi kaya mabilis niyang hinila ang kamay. Nabasa niya kasi ang naiisip nito, pero mali naman ang tiyahin.

“Kung ano man ang hindi n’yo napagkasunduan ay lilipas din ‘yan. Maiging pinag-uusapan ang mga bagay-bagay, hindi tamang tinatakasan,” pangaral pa nito at muling napangiti. “Huwag mong sabihin na dahil sa kaniya ay naiisip mong bumalik sa probinsiya?”

“Hindi naman po.” Umiling siya at makailang-ulit na napakurap. ‘Di ‘yon sumagi sa isipan niya. Ngunit, maigi nga kayang bumalik na lang siya sa baryo nila?

“Hindi rin ako papayag. ‘Di ko hahayaang mangyari ‘yon kahit magalit ka pa,” wika nitong marahang hinaplos ang kaniyang buhok. “Ibinilin ka sa akin ng kapatid ko at kami na lang ang pamilya mo, kaya wala ka ring pagpipilian.”

Bahagya lamang siyang napaatras sapagka't hindi talaga siya sanay na hinahawakan ng ibang tao, kahit pa ng tiyahin. Pero, bakit kaya kapag si Jake ay ayos lang?

Napailing siya at humugot nang malalim na paghinga.

“Ang totoo po, tungkol po sa ama ko ang gusto kong itanong.” Sa wakas ay nagkaroon din siya ng lakas ng loob. “Totoo po ba na hindi si Tatay ang tunay kong ama?”

Halata ang pagkabigla sa mukha nito, ngunit mayamaya ay nagsalita rin, “Saan mo naman narinig ‘yan? Sa mga tsismosong tagabaryo sa inyo? Akala ko, mga tagalungsod lang ang walang magawa sa buhay kung hindi ang pag-usapan ang buhay ng iba.”

“Pati pala sa mga baryo ay mayroon din?” sabi nitong ngumiti pa. “Hindi ‘yon totoo, ang tatay mo na kilalang mangagamot sa lugar n’yo ang tunay mong ama. Nasisiguro ko ‘yon dahil mabuting babae ang kapatid ko.”

Pero, kaagad niyang nabasa na nagsisinungaling lamang ito. Dahil alam din nito ang totoo tungkol sa karumal-dumal na panganganak ng kapatid nito. Nakita niya sa alaala ng tiyahin na ito ang kasama ng babaeng nagluwal sa kaniya. At nang mga oras na iyon at halos maubos ang enerhiya nito, dahil sa isang ‘tulad niyang ‘halimaw’.

Nalungkot siya sa natuklasan. Unti-unti na lang niyang naramdaman ang pangingilid ng luha. “Bakit po kayo nagsisinungaling?” Muli siyang napatungo.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now