Parallel 3

3.9K 347 763
                                    

Maririnig mula sa kabilang silid ang musikang tinutugtog ng kakambal. Isa 'yon sa klasikong piyesa ni Franz Liszt, ang 'La Campanella', na ipanlalaban ni Caleb sa kompetisyong sinalihan at gaganapin sa susunod na buwan.

Nakaupo si Cassy sa tapat ng kompyuter at abala sa paghahanda ng powerpoint, na para naman sa presentasyon ng isa sa kaniyang asignatura.

Nang makaramdam ng pagkauhaw, huminto siya saka humakbang palapit sa pridyeder upang kumuha ng maiinom.

Pagkainom, agad dumaloy sa kaniyang lalamunan ang malamig na tubig. Doon ay nahagip ng paningin ang isang may kalakihang obra. Ang abstract painting na iniregalo sa kaniya ni Lianne noong nakaraang pasko ay nakasabit eksakto sa tapat ng kama.


Kombinasyon ito ng iba't ibang kulay kung saan kapansin-pansin sa isang bahagi ang pabilog na onda(ripple). Sa pinakaloob niyon ay may masisilip na mga maliliit na bilog, ngunit hindi niya masiguro kung ano.

Paminsan-minsan ay pinagmamasdan niya ito, pero madalas ay lalo nitong nagugulo ang kaniyang isipan.

Mabuti na lamang at bumagay ito sa silid. Ang kaniyang ina ang pumili ng mga kagamitan at muwebles na personal pang ipinagawa sa mga kilala at mapagkakatiwalaang tatak. Ito rin ang nagpadisenyo ng interyor kaya kahit hindi siya mahilig sa matitingkad na kulay, 'yon ang makikita sa kabuuan nito.

Malamlam na rosas ang wolpeyper at ang kama naman ay kulay kahel. Sa kabilang bahagi makikita ang malalaking bintanang salamin at sa gitna niyon ay may pinto patungo sa balkonahe.


Naistorbo ang kaniyang pag-iisip nang marinig na tumunog ang phone. Humakbang siya patungo sa gilid ng kama kung saan 'yon nakalagay. Kaagad sumilay sa kaniyang pisngi ang matamis na pagngiti nang mabasa ang mensahe ng pinakamagandang ilaw ng tahanan. Nagtatanong ito kung anong gusto niyang pasalubong. Nag-grocery kasi ang ina kasama nina Manang Tessy at ang drayber na si Kuya Peter.

Saglit niya itong tinugunan.

To: My beautiful Mom
Kahit ano po, basta makauwi kayo agad.

Matapos niyon ay muli na siyang bumalik sa tapat ng kompyuter. Nang maalala ang tungkol sa hiniram niyang aklat sa library, agad niya itong hinanap sa bag. Sa kaniyang paghahalungkat, may bigla namang nalaglag sa lapag mula roon. Nangunot na lamang ang kaniyang noo, saka iyon dinampot.

"Bakit ito nandito?" bulong ni Cassy sa sarili.

Sa kaniyang pagkakatanda, inihagis niya ang bagay na ito sa parke.

Bakit ngayon ay narito na ito kasama ng kaniyang mga gamit?

Nagkamali lang ba siya?

Pero, 'di naman niya nadala ang bag nang siya'y magpunta sa kinaroroonan ng lalaki. At hindi ito ang natagpuan niya kanina, bagkus ay ang maarteng babaeng may kung ano-anong sinabi, na nakababahalang nakasulat din mismo sa libro.

Ano bang nangyayari?

Binuklat niya ito at patuloy pa ring hindi makapaniwala sa nilalaman. Napangiwi siya dahil sa mga nababasa sa ibang pahina. Ang karamihan ng nakasulat ay tila mga tula o saknong ng mga paraan at iba't ibang kautusan. Nakapagtataka ang mga sangkap na mababasa 'gaya ng itim na kandila, bulaklak ng kung anong puno at halaman; luha, dugo, buhok at mata ng kung anong hayop na hindi pamilyar sa kaniya.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang