Parallel 44

1K 119 13
                                    

***

Magmula nang mapag-usapan ang tungkol sa panonood nila ng pelikula sa bahay nina Jake at ng kapatid nito, hindi na mapakali si Peya. Kasama roon si Milagros, pero hindi niya maiwasang kabahan.

Mabuti na lamang at naisipan ng babae na dumaan sa kanila bago ang itinakdang oras. Napakabait talaga nito. Kanina nga, nang makita niya ito sa labas ng kanilang bahay, pakiramdam niya ay nakakita siya ng isang anghel.

Nagpapasalamat din siyang wala ang pinsan at kasama ang mga kabarkada. Malamang ay magalit lang ‘yon dahil mas lalo pa siyang nagiging malapit sa grupo nina Jake. Hindi raw kasi siya nababagay sa mga ganoong uri ng ‘circle of friends’.

Sa kaniyang silid siya inayusan ni Milagros. Siniguro nitong nakatali ang mahaba at kulot niyang buhok. Nang lalagyan na siya ng meyk-ap ay gusto niyang tumanggi, ngunit sinabi ng babae na manipis lang ang ilalagay nito.

Nang matapos ito, halos hindi niya nakilala ang babaeng bumungad sa salamin. Medyo mamula-mula ang kaniyang pisngi. May kung ano rin itong inilagay sa mga mata kaya mas lalong bumilog. Kumikinang ang kaniyang talukap, samantalang ang labi niya ay nangingintab na kulay-ponkan. Mabuti naman at kahit papaano ay bumagay sa kaniya.

Ito rin ang pumili ng isusuot mula sa mga binili ng tiyahin. Isa ‘yong puting blusa na may makabagong estilo, katulad ng isinusuot ng pinsan, at ipinares sa paldang hanggang tuhod na may kulay ng madilim na asul.

“Grabe! Ang ganda mo na!” bulalas nitong tiningnan ang kabuuan niya. “Maganda ka naman pala kapag naaayusan. Huwag ka na rin kasing palaging tumungo, itinatago mo lagi ‘yang mukha mo, eh.”

Napangiti siya dahil sa sinabi nito. Sobrang natuwa na nga siyang nagpunta ito sa kanilang bahay, pagkatapos, pinagtuonan pa siya ng atensyon na sa kaniyang pakiramdam, hindi niya karapat-dapat matanggap.

Napakabuti talaga nitong tao. Napakasuwerte ni Jake at kaibigan nito ang babae. Napakapalad din ng nobyo nito.

Hindi pa rin makuntento si Milagros at ngayon ay may kung anong iniipit sa pilikmata niya. Kagaya kanina ay hindi siya makatanggi. Ipinikit na lang niya ang mata upang hindi masaktan.

Nang tumunog ang phone ni Milagros, napahinto ang babae at kinuha ‘yon sa ibabaw ng tokador.

Pagkabasa ay nagsalita ito, “Nakakainis talaga ‘yang boyfriend mo! Ayaw akong tantanan sa kakatawag sa akin ng Milagros, sinabi ko sa kaniyang papalitan ko na ang pangalan ko, eh!”

Namula tuloy siya dahil sa sinabi nito.

Boyfriend niya.

Si Jake?

Nang muli itong bumalik sa ginagawa ay nagtanong siya, “Bakit nga ba Milagros ang pangalan mo?”

Kaagad namang napangiti ang babae. “Kasi, noong ipinanganak ako, natuklasan nila na mayroon pala akong butas sa puso. I’m a blue baby,” panimula nito. “Kaya nga hindi na sila nag-eexpect na tatagal pa ako. But here I am, tumagal ako. Lumipas ang buwan, taon, until ma-reach ko ‘yong age na puwede na akong maoperahan. Tulad ng isang milagro, nakilala ni Dad ang pinakamagaling na heart surgeon sa buong mundo.”

“Sikat kaya ako noong baby ako dahil sa operation na sobrang naging success. Pero, ang sabi ni Lola, lahat daw ng paraan ay ginawa na ni Dad. Nagawa na nga rin niyang magdasal sa lahat ng d’yos, maging sa demonyo,” pagbibiro pa nitong napatawa.

“Kaya, heto ako ngayon, ikinukuwento sa ’yo kung bakit Milagros ang pangalan na ibinigay sa akin. Kapag pinalitan ko na ‘yon, magiging english na ‘yon para may class,” pahayag ng babae na muling may ipinahid na kung ano sa kaniyang labi.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now