Parallel 25

1.2K 160 25
                                    

Nakatingin sa labas ng abalang kalsada si Cassy. Nabibingi na siya sa paulit-ulit na paglilitanya ng kaniyang katabi patungkol sa kung ano-anong bagay. Sa inaasal ng babae, 'di mo iisiping kagagaling lamang nito ng ospital.

Hindi pa talaga ito pinapayagang lumabas ng doktor, ngunit nagpumilit si Sherryl at ma-i-stress lang daw doon. Muntik pa ngang magwala kaya isinama na niya. Ipinayo na lang tuloy ng mangagamot na huwag magkikilos at magpahinga na lang sa bahay.

Sa ngayon ay tinatahak na nila ang kalye patungo sa kaniyang condo, ang lugar kung saan niya balak patirahin si Sherryl. Isa 'yon sa mga properties na nakapangalan sa kaniya. Noong isang taon lang ay plinano niyang doon tumira, ngunit dahil sa nangyaring aksidente ay hindi niya nagawa.

Napasubo na siya kaya wala nang ibang mapagpipilian kundi ang tulungan ang babae. Wala na raw itong matutuluyan dahil ilang buwan nang hindi nakakapagbayad ng inuupahan. Isa pa, ayaw na rin daw nitong bumalik doon dahil iniskandalo raw ng isa sa mga umuupa.

"Tinawag niya akong pick-up girl!" Iritableng nagsasalaysay ang babaeng nanlalaki ang mata at nakanguso. Sa kabila ng ekspresyon ay marahan itong naglalagay ng meyk-ap sa mukha. "Sorry na lang siya at mas maganda ako kaysa sa kaniya. Actually, wala nga siyang ganda. Kaya siguro inis na inis sa akin 'yon. Mukha kasi siyang bilasang isdang ibinilad sa araw!" patuloy pa nito.

Nakita niya ang simpleng paghagalpak nang tawa ng drayber nila. Huminto lang ito nang mapansing masama na ang kaniyang pagkakatingin.

Natigilan naman si Sherryl sa ginagawa nang mapasulyap kay Kuya Peter. "Ganitong music talaga ang hilig n'yo? Kpop? Ang baduy! Wala ba kayong alternative rock d'yan? Like Findinx! Ano ba itong mga trip ninyo, parang pambakla!" bulalas pa nito kahit nabaling na ang atensyon sa hawak na salamin.

Napasimangot tuloy ang batang drayber na dismayadong pinatay na lang ang musika.

Hindi naman makapaniwalang napapailing si Cassy dahil sa inaasta ng babae. Tinatanong niya rin ang sarili kung bakit ito tinulungan. Medyo nakakaramdam na tuloy siya ng pagsisisi.

"Doon mo na lang ako ihatid sa motel," utos pa nito kay Kuya Peter. "Kailangan ko kasing kunin ang baby ko, eh." Nakangiti si Sherryl at biglang naging malambing nang sumulyap sa drayber.

Kung alam lang ng babae na ang kotseng 'yon ang dahilan kung bakit namatay ang ina, baka hindi na ito sumakay pa ulit doon.

"Hindi, ididiretso ka na namin doon sa condo. Bahala kang gumawa ng paraan kung paano mo kukunin 'yong kotse. Susubukan kong magtanong sa company ni dad kung may vacant sila for part-time job," pahabol niya sa kahit sa totoo lamang ay nagtitimpi lamang siya sa babae.

Muli itong napanguso. "Sure ka talagang patitirahin mo ako sa condo mo?" sabi nito sa maarteng tinig. "Pero, bakit nga ba interesado ka sa pinsan ko? Bakit? Type mo ba 'yon?" Sumilay ang pilyang ngiti mula sa labi nito at mukhang nang-iintriga pa.

Akala ba nito ay natutuwa siya? Dapat ba ay hinayaan na lang niya itong magpakamatay?

Humugot nang malalim na paghinga si Cassy upang kahit papaano ay maalis sa utak ang masamang bagay na naisip.

Saka niya nilingon ang babae. "Hindi ko pa siya nakikita. Wala ka bang balita sa kaniya?"

Abala pa rin si Sherryl na ngayon ay inaayos na ang malamanika nitong buhok, habang hawak ang salamin. "Magpakulay kaya ako ng ash brown?"

Napangiwi lang si Cassy sa sinabi nito. Wala naman siyang pakialam kahit kulay puti pa ang maisipan ng babae. "Sagutin mo na lang ang itinatanong ko, puwede ba?"

Nang muling tumingin sa kaniya si Sherryl, kumurba ang bawat sulok ng labi nito na tila umabot hanggang mata. Hindi niya masiguro kung ang kaligayahan ng babae ay dahil sa kaniyang pagtulong o ito'y kagagawan ng kakayahan.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant