Parallel 50

1K 107 9
                                    

Pagkalipas ng ilang minuto, saka pa lamang nakalabas ng rooftop si Cassy. Sa mga ganitong pagkakataon ay naiinis siya sa sarili dahil walang silbi ang kakayahan niya laban kay Jacob.

Sa paglabas ng gusali, wala naman siya sa sarili nang maglakad pabalik sa kinapupuwestuhan sa parke. Mas lalo pang napuno ng katanungan ang kaniyang isipan.

Ano ang ibig sabihin ng mga nasaksihan niya mula sa alaala ng lalaki?

Kasunduan.

Inialay.

Ang mga kaibigan ni Mira.

Kilala niya ang lahat ng mga kaibigan ng babae.

Sino kaya ang tinutukoy nito?

Ni hindi pa niya nagawang maitanong ang tungkol sa aksidente. Mas lalo pa yata siyang mababaliw sa mga nangyayari.

Sa kaniyang paglalakad ay napatingin naman siya sa paligid. Para kasing may kakaiba. Ang araw na natatakpan ng mga ulap ngayon ay nasa bandang silangan, senyales na kasisikat pa lamang nito.

Paano mangyayari 'yon, samantalang sa pagkakaalam niya ay ala-una na nang hapon?

Napatingin siya sa relo, at naguluhan nang makitang nakaturo ito sa oras na alas-otso.

Anong nangyayari?

Napansin niyang sa 'di-kalayuan ay may mga nakaparadang bus. Saglit siyang napapaisip kung may kahit na anong biyahe palabas ng kanilang pamantasan, ngunit wala namang maalala. Imposibleng school bus ito, dahil hindi naman sila mga elementarya at high school.

Ilang estudyante ang kaniyang namataan na nakasuot ng
varsity jacket at isa-isang pumapasok doon. Makikita sa kanilang pagtatawanan ang pananabik.

Pero bakit kaya pamilyar sa kaniya ang suot ng mga 'yon?

May napansin din siyang banner na dala ang isa sa mga estudyante, pero nakatupi naman.

Saka siya napalingon sa dalawang taong dumating at ngayon ay nag-uusap sa harap ng bus. Kaagad niyang nakilala ang kulot na babaeng kausap ang napakagandang babae na nakasuot din ng varsity jacket.

Sina Peya at Mira?

Teka, nasaan ba siya?

Paanong narito ulit siya sa kabilang mundo?

"Sige na, pumasok ka na. Huwag ka nang mahiya, kasama mo naman ako, eh," pahayag ni Miracle sa babaeng nakatungo.

"Mauuna akong umakyat, sumunod ka sa akin. Kapag hindi ka sumunod, magagalit ako sa 'yo." Napanguso ito at kunwari ay nagtatampo, saka ito naunang humakbang papasok ng bus.

Muling humarap si Mira at nakangiting sinenyasan ang babae para pumasok na rin sa loob. Alangan man, humakbang si Peya paakyat sa baitang.

Lumapit si Cassy, upang mas makita ang eksena. Pinagtitinginan ng mga estudyante ang babaeng nakatungo. Malinaw niyang naririnig sa kanilang isipan ang pang-aalipusta at pagtataka. Bakit daw kasama ng presidente ng student council ang werdong babae.

Malamang naririnig din iyon ni Peya, pero nang mag-angat ng ulo, nakita niya ang bahagyang pag-atras nito.

Ngayon, nakatitig na rin siya sa dahilan na naroon mismo sa loob ng bus.

Ang mga nakaitim na talukbong at walang tiyak na itsura, at ayon sa lumang libro, ang mga pumanaw lamang ang maaaring makakita. Napansin niyang napakarami ng mga nilalang sa loob at halos magkakatabi na nga, bukod pa roon ay tinitingnan nila si Peya nang masama.

Kung hindi siya nagkakamali, 'yon ang mga tagasundo.

Napamaang lamang ang babae at nagmamadali nang bumaba sa bus.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Where stories live. Discover now