Parallel 8

1.7K 234 354
                                    

Para huwag nang mag-alala pa ang kakambal, hindi na nagpaalam si Cassy nang magtungo sa Administration Building. Pagkahatid sa kaniya ng kapatid sa unang klase, muli siyang lumabas para sa mga bagay na kailangang malaman.

Kitang-kita sa kaniyang paglalakad ang pagmamadali nang makapasok sa loob ng gusali. Kaagad siyang dumiretso sa banyo kung saan madalas maglinis ang mga janitor. Magbabakasakali siyang naroon ang taong tumulong sa kaniya kahapon. Sa banyo ng mga babae, nakita niya ang isang maliit na babaeng nakatirintas ang buhok at nakasuot ng unipormeng pang-janitress.

Abala ito sa pagpupunas ng mga salamin at bahagyang nagulat nang lumapit siya.

Nang kaniyang tanungin, nangunot lang ang noo ng babaeng sa palagay niya'y kaedaran lamang.

"Wala pong in-charge na lalaki sa admin, puro lang po babae ang naka-assign dito," sagot nitong itinuloy pa rin ang ginagawang pagpupunas. "Baka po taga-ibang building ang hinahanap ninyo? Saka po, wala naman pong naglinis kahapon nang ganoong oras."

"Sigurado ka?" usisa niya.

Huminto ang babae at humakbang palapit sa pinto. Mula roon sa likod ay may kinuha itong plastik na polder at saglit na binasa. "May naglinis ng alas-sais ng umaga at alas-nuwebe ng gabi, pero wala pong naglinis ng hapon."

"Puwede ko bang matingnan?" wika niya nang maglakad palapit.

Iniabot naman iyon ng babae. "Bakit po ninyo hinahanap? May atraso po ba sa inyo?" usisa nitong muli nang bumalik sa ginagawa at sinulyapan lamang siya sa salamin.

"Gusto ko lang magpasalamat, tinulungan niya ako kahapon," tugon niya kahit abala ang mga mata sa pagbabasa sa papel na wala naman siyang ibang makita.

Muli na niya 'yong ibinalik sa pinagkuhanan ng babae sa likod ng pinto, saka siya magalang na nagpaalam.








Dismayado man, mabilis na rin niyang tinahak ang daan patungo sa gusali ng Music and Arts Department na kalapit lamang ng Administration Building. Sana lang ay hindi siya mapansin ni Caleb. Sa bagay, nasa ikaapat na palapag ang unang klase nito, samantalang ang Drama Club na balak niyang sadyain ay nasa ikalawang palapag.

Nandito na siya kahapon pero hindi pa niya naalalang puntahan at hanapin ang babaeng 'yon.

Alam niyang posibleng nakausap na ni Mira ang grupo, pero, mas maigi na siya mismo ang personal na humarap sa mga iyon. Para na rin makasiguro sa babae na matapos siyang dramahan, nagdahilan naman na naglalakad lang daw ng tulog. Hindi siya magpapadala sa pinagsasabi nito. Titiyakin niya na mananagot ito sa kaniya.

Pagpasok niya sa silid ng drama club, iilang estudyanteng naroon ang napalingon sa kaniya. Nakapalibot ang mga ito sa isang mesa at may kung anong ginugupit-gupit doon. Mga props siguro.

"Magsi-sign up ka ba for audition?" tanong ng babaeng may kulay pulang buhok at nakaitim na leather jacket. Lumapit ito at inabutan siya ng papel. Tiningnan lamang niya ang bagay na 'yon.

"Tanggap ka na!" pahayag ng lalaki na nakaupo malapit sa mesa at masayang pumalakpak.

"Adik ka? Wala pa ngang pini-present, tanggap na 'agad sa 'yo?" bulalas ng isang babaeng may panglalaking-gupit. Panlalaki rin ang kilos nito, maging ang pananamit.

Naglakad ito palapit habang nakapamulsa. "Kapatid ka ni Caleb, 'di ba? Baliw 'yon. Matapos akong i-break, hindi na nagpakita sa akin?" Nang makalapit ay bigla namang umakbay sa kaniya.

Pero, siyempre, mabilis siyang kumalas mula rito.

Napatawa ang iba nitong kasama. "Ano? Bakla ka na?" pahayag ng isa.

In Another Life: The Other Side Of The Parallel (Wattys2020 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon